Pambobomba ng militar sa Cagayan, pinaiimbestigahan

Hinimok ng National Democratic Front (NDF)-Cagayan ang mga lokal na ahensyang sibilyan, taong-simbahan, tagapagtanggol ng karapatang-tao at kalikasan na maglunsad ng imbestigasyon sa pambobombang isinagawa ng 5th ID at Tactical Operation Group ng Philippine Air Force (TOG2-PAF) sa mga sakahan at maisan ng Sityo Birao, Barangay Hacienda Intal, Baggao, Cagayan noong Pebrero 2 bandang alas 1:30 ng hapon.

Ayon kay Celia Corpuz, tagapagsalita ng NDF-Cagayan, ang mga pwersa ng militar ay naghulog ng apat na bomba, nagpaulan ng mga rocket at walang-habas na nagmasinggan sa mga kaingin sa lugar gamit ang pang-atakeng helikopter na Sikorsky S70i Black Hawk at Agusta Westland 1129 ATAK.

“[Naghatid ito ng] pinsala sa buhay at kabuhayan ng mga taga Hacienda Intal. Hindi malayong may mga sakahan, kalabaw at iba pang alagang hayop na napinsala sa insidente,” ayon kay Corpuz.

Salaysay pa niya, nagdulot ito ng malawakang ebakwasyon, takot at troma sa mamamayan lalo na sa mga bata. Mahigit 150 pamilyang apektado ng air strikes ang nakikituloy sa kanila ng mga kamag-anak at mga evacuation center. “Hanggang sa kasalukuyan, namamayani pa rin ang pangamba sa kanila sa araw-araw na [pagpapaikot-ikot] ng Bell AH-1 HueyCobra attack helicopter bitbit ang mga bomba nito,” dagdag ni Corpuz.

Paliwanag pa niya, bago ang aktwal na pambobomba, dalawang gabing nanligalig sa mga komunidad ang mga drone at reconnaissance plane sa nasabing lugar.

Sa impormasyon ng NDF-Cagayan, isinagawa ang teroristang pambobomba pagkatapos ng engkwentro sa pagitan ng mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-East Cagayan at mga bayarang tropa ng 95th IBPA. Sa ulat ng yunit ng BHB, walang nasugatan o nasawi sa mga tropa nito na nagsasagawa ng pagsisiyasat hinggil sa epekto ng magkakasunod na bagyo at kalamidad sa kabuhayan ng mga magsasaka.

“Dapat palalimin ang pinalilitaw na balita ng AFP na diumano’y may mga nasawing mandirigma ng BHB,” giit ni Corpuz. Posibleng mga sibilyan ito na nagtatrabaho sa mga sakahan.

Dagdag pa ni Corpuz, “dapat na paigtingin ang kampanya at panawagan laban sa airstrike at higit lalong dapat na panagutin ang 5th ID at TOG2-PAF sa walang patumanggang aerial bombing at panganganyon nito na nagsapanganib sa buhay ng mga sibilyan at kanilang mga ari-arian at naghasik ng matinding takot at ligalig sa mga magsasaka sa kanayunan.

AB: Pambobomba ng militar sa Cagayan, pinaiimbestigahan