Panganganyon sa Guihulngan City, naghatid ng takot sa mamamayan

Niyanig ng tatlong malalakas na pagsabog ang mga komunidad malapit sa Barangay Villegas, Guihulngan City, Negros Oriental noong Agosto 5 bandang alas-5 ng umaga. Ito ay mula sa panganganyon ng mga sundalo mula sa detatsment sa naturang barangay. Narinig ang pagsabog sa mga barangay ng Nagsaha, Balugo, Magsaysay, at Imelda.

Ayon sa ulat, tumagal nang mahigit isang oras ang panganganyon ng mga sundalo na nakahimpil sa detatsment. Umabot ito nang alas-6:30 ng umaga na nagdulot ng labis na pangamba at takot sa mga residente. Samantala, bumagsak ang mga bala ng kanyon sa kagubatang tinatawag na “Issi” sa bawndari ng naturang mga barangay.

Ang gubat ng “Issi” ay may tanim na mga gulay at pinagkukunan ng kabuhayan ng mga magsasaka. Nagambala at nabulabog din ang mga kalabaw, baka at kambing ng mga residente na nakapastol malapit sa gubat dahil sa mga pagsabog.

Labis ang pangamba ng mga residente sa kanilang seguridad at maging sa kanilang kabuhayan dahil hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa nila nauusisa ang kalagayan ng kanilang mga sakahan at alagang hayop.

Liban sa panganganyon, nagpapatuloy din ang operasyong militar sa mga barangay. Nagpapalipad din ng mga drone ang mga sundalo.

Ito na ang ikalawang beses ng pambobomba ng 62nd IB at 7th Regional Mobile Force Battalion ng pulis sa Guihulngan City sa nagdaang linggo. Noong Agosto 3, ginamitan ng mga pulis ng grenade launcher ang Barangay Magsaysay.

AB: Panganganyon sa Guihulngan City, naghatid ng takot sa mamamayan