Pasista, walang kwenta at katangahan ang “no vax, no labas”, “no vax, no ride” at “no vax, no entry”
Sa isang bayan sa rehiyon ng Soccsksargen, tinanggihan ng isang ospital ang isang lolang nais ipatingin ang maysakit niyang apo dahil kapwa silang di bakunado. Nang magpasyang bumili na lamang ng gamot para sa impeksyon, tumanggi ang parmasya na bentahan sila dahil wala silang vaccine card. Isa ang Soccsksargen sa mga rehiyon na may pinakamababang bilang ng mga nabakunahan. Noong Disyembre 15, 23.8% pa lamang sa rehiyon ang nabakunahan ng dalawang dosis at 36.8% pa lamang ng target na populasyon (di kabilang ang mga bata) ang naturukan ng unang dosis.
Sa Davao City, sa kabila ng pakitang-tao ng meyor nitong si Sara Duterte na kontra siya sa diskriminasyon, nakalatag ang patakarang “no vax, no entry” sa syudad. Tulad ng kanyang tusong ama, “ipinauubaya” niya sa mga negosyante ang pagpapatupad ng diskriminasyon sa pagsasabing ang mga ito na ang magpatutupad sa pagbabawal sa mga di bakunado. Dati nang nakapataw sa syudad ang “no vax, no entry” sa mga pampublikong upisina tulad ng munisipyo, mga istasyon ng pulis at iba pang nagbibigay ng batayan at nararapat na pampublikong serbisyo ng lokal ng gubyerno. Binantaan rin niyang na sisipain sa trabaho ang mga empleyado sa city hall na hindi magpapabakuna.
Ang mga “pagsosobrang” ito ng mga lokal na gubyerno ay bunsod ng mandong “no vax, no labas” na ipinag-utos ng Rodrigo Duterte sa kanyang press conference noong nakaraang linggo. Dahil walang batayang ligal, inatasan niya sa mga lokal na gubyerno na gumawa ng kani-kanilang mga ordinansa. Pinagbantaan niya ng aresto ang mga upisyal ng barangay kung hindi nila susundin ang kanyang atas.
Noon pang 2021 ipinatutupad ng malalaking kapitalista ang “no jab, no work” laban sa mga di bakunadong mga manggagawa at “no vax, no entry” sa mga establisimyento tulad ng mga mall, groseri at iba pang komersyal na espasyo. May “no vax, no F2F” naman sa mga guro at estudyante. Tinangka rin ang patakarang “no vax, no 4Ps” at kahit ang “no vax, no Christmas bonus” na nagkakait sa nararapat na mga benepisyo sa mga manggagawa at mamamayan.
“Diskriminasyon, iligal, pasista, pahirap at higit sa lahat, walang kwenta at katangahan” ang paglalarawan ng Partido Komunista ng Pilipinas sa mga patakarang naggigipit sa mga di pa bakunado. Tahasang ipinagbawal ng magkakaaugnay na mga patakaran sa malaking bahagi ng populasyon ang lumabas sa kanilang at ipinagkakait sa kanila ang mga batayang serbisyong panglipunan (kabilang ang magpabakuna). Noong Enero 11, nasa 48.45% pa lamang ng target na populasyon (70%) ang bakunado ng dalawang dosis at 75% ang naturukan ng isang dosis. Ayon sa mga eksperto, dapat nang itaas ng estado ang target nitong populasyon mula 70% tungong 90% laluna sa harap ng mas nakahahawa na baryant na Omicron.
Sa isang pahayag noong Enero 5, nanawagan ang PKP na tuligsain at labanan ang patakarang “no vax, no labas” ng rehimen. Anito, ipinapataw ito ni Duterte para itago ang kapabayaan ng kanyang rehimen sa sektor ng kalusugan at kapalpakan ng pangkalahatang tugon sa pandemya. Isinaad rin ng Partido na ang mga patakarang ito ay katumbas na ng lockdown na ang layunin ay “ipataw sa taumbayan ang pasanin ng pagkokontrol sa pandemya at ipawalang-sala ang gubyerno sa pagtanggi nitong balikatin ang gastos sa mass testing, contact tracing, pagpapaunlad sa mga pasislidad sa kalusugan, paggamot sa mga impeksyon at ayudang pangkabuhayan sa milyun-milyong naghihirap na mamamayan.”
“Dapat tuligsain si Duterte at kanyang mga tagasunod na malalaking negosyo sa pagpapaypay sa pasistang histerya laban sa mga hindi pa nababakunahan,” ayon pa sa PKP. “Karapatan ng bawat indibidwal kung siya ay magpapabakuna, tulad ng iba pang hakbanging medikal. Responsibilidad ng estado na magsagawa ng komprehensibong kampanyang edukasyon para tulungan ang mamamayan na pangibabawan ang pag-aalangan sa bakuna, at maglatag ng kundisyon para sila ay makapagpabakuna.”
Noong Enero 8, kinwestyon ng Commission on Human RIghts ang pataran dahil “maaring di konstitusyunal” ito. Ayon sa komisyon, garantisado sa Konstitusyong 1987 ang kalayaan ng pagkilos ng mamamayan at maaari lamang itong higpitan kung may naipasang batas para rito.
Lantaran din nitong binatikos ang “no vax, no ride” bilang labag sa mga batayang karapatan sa malayang pagkilos at serbisyo ng pampublikong transportasyon. Anito, kung walang batas na nagtatakda sa mga limitasyon sa mga restriksyong ipinapataw sa mga karapatan, ang patakarang naghihigpit sa mga karapatang ito ay maaring maging “sobrang malawak at umaatake na sa mga personal na kalayaan.”
Ayon kay Renato Reyes ng Bayan, iligal at “absurd” o walang lohika ang “no vax, no ride” ng DOTR. “Hindi dapat isisi sa mga tao ang mababang tantos ng pagbabakuna laluna kung hindi naman laging may suplay nito,” aniya. Mas dapat na nakapokus ang pamahalaan sa pagtataas ng bilang ng testing, pagsagawa ng contact tracing at pagpapataas ng kapasidad ng health system, aniya. “Walang malasakit ng gubyernong ito,” aniya. “Puro pananakot at panggigipit ang alam.”
Bago nito, sinabi na ng DoH na walang balak ang ahensya na magsagawa ng mass testing. Inanim rin ng IATF na walang badyet at sa gayon walang gagawa ng masasaklaw na contact tracing. Sa halip, pinagsabihan na lamang ang mga posibleng nahawa na “ipagpalagay” na lamang na nahawa na nga sila, at magkwarantina na sa kani-kanilang mga bahay.
Nagpahayag rin ng pagtutol sa pakanang “no vax. no ride” ang grupong Alt Mobility PH. Anito, diskriminasyon ito sa mamamayang nakaasa sa pampublikong transportasyon habang iniliigtas ang mga may sarling sasakyan. Milyun-milyong manggagawa ang umaasa sa pampublikong transportasyon para makapagtrabaho.
Binatikos rin ng mga kumakandidato sa pagkapresidente na sina Bise-Presidente Leni Robredo at Sen. Manny Pacquiao ang patakaran. Sa panig ni Robredo, nanawagan siyang ayusin muna ang mga pagbabakuna at bigyan ng insentiba ang mga di pa nabakunahan para mahikayat silang magpabakuna, imbes na ipagbawal ang kanilang paglabas sa bahay at ipagkait sa kanila ang kanilang mga karapatan.