Balita

Petisyon para sa writ of amparo at habeas data, inihain ng kaanak ng nawawalang mga aktibista ng Cordillera

,

Nagpiket sa harap ng Korte Suprema sa Maynila ang mga pamilya ng mga desaparecido na sina Dexter Capuyan at Gene Roz Jamil de Jesus (Bazoo) at kanilang mga abugado noong Agosto 14 matapos maghain ng Writ of Amparo at Writ of Habeas Data sa korte. Isinampa ito ng mga kaanak ng mga biktima matapos ibasura ng Court of Appeals ang petisyon nila para sa Writ of Habeas Corpus noong Setyembre 2023.

Ibinasura ng Court of Appeals ang naturang petisyon noong nakaraang taon sa dahilang hindi umano saklaw ng writ of habeas data ang kaso ng pagdukot sa mga biktima.

Sina Capuyan at De Jesus, mga aktibista mula Cordillera, ay dinukot ng mga ahente ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Philippine National Police noong Abril 28, 2023 ng gabi sa Golden City, SM Hypermarket sa Taytay, Rizal. Ayon sa mga ulat, ang dalawa ay sapilitang dinala sa dalawang sasakyan.

Mula nakaraang taon, inikot na ng mga grupo sa karapatang-tao ang mga kampo ng militar at pulis sa National Capital Region, Southern Tagalog at Baguio City para hanapin ang dalawa. Walang ibinigay ang mga pulis at sundalo kaugnay sa kinaroroonan ng dalawa at tumanggi pa ang mga ito na pumirma sa “desaparecidos form,” isang dokumentong magsasabing wala sa kustodiya nila ang mga biktima.

Ayon kay Beverly Longid, pambansang tagapagtipon ng KATRIBU Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas, “ang pagdukot kay Dexter at Bazoo ay labag sa kanilang karapatan sa buhay, kalayaan, at seguridad.” Pagdidiin pa ni Longid, ang patuloy na pagtanggi ng mga pwersa ng estado na nasa kamay nila ang dalawang biktima ay nagpapatindi pang lalo sa mga paglabag sa kanilang karapatang-tao.

Ang writ of amparo ay isang ligal na remedyo para sa mga taong nilabag ang karapatan sa buhay, kalayaan at seguridad o may banta ng “labag sa batas na aksyon o kawalang aksyon ng isang pampublikong upisyal o empleyado, o ng isang pribadong indibidwal o entidad.” Habang ang writ of habeas data naman ang magtutulak sa mga pwersa ng estado na isiwalat ang lahat ng impormasyon na hawak nito kaugnay ng mga dinukot.

AB: Petisyon para sa writ of amparo at habeas data, inihain ng kaanak ng nawawalang mga aktibista ng Cordillera