Balita

Piket-protesta, inilunsad ng mga grupo pagdinig hinggil sa pagbawi sa pondo ng PhilHealth

, ,

Nagsagawa ng protesta noong Abril 2 ang Health Alliance for Democracy (HEAD) at iba pang progresibong grupo, partido at indibidwal sa harap ng Korte Suprema sa Baguio City. Kasabay ito ng ika-4 na pagdinig ng korte hinggil sa petisyon para ideklarang iligal at labag sa konstitusyon ang paglipat ng “hindi nagastos” na pondo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa pambansang kabangbayan.

Ang pagdinig ng korte ay kaugnay ng isinampang mga serye ng petisyon noong 2024 na kumwestyon sa paglilipat ng “hindi nagastos” na ₱89.9 bilyon na pondo ng PhilHealth tungo sa pambansang kabangyaman. Sa tulak ng Department of Finance, unti-unting nailipat ang pondo noong Mayo 10, 2024 (₱20 bilyon), Agosto 21, 2024 (₱10 bilyon) at Oktubre 16, 2024 (₱30 bilyon).

Nagawang pigilan ang ika-apat na paglipat ng pondo matapos maglabas ang Supreme Court En Banc ng temporary restraining order (TRO) laba dito noong Oktubre 29, 2024. Nasa ₱29.9 bilyon na lamang ang hindi nailipat na pondo ng PhilHealth.

Ayon sa HEAD, ang desisyon ng gubyerno na ilipat ang pondo ay hindi lamang nagkakait ng akses sa pangangalaga sa kalusugan ng mga Pilipino kundi nagbubukas ng pinto para sa maling paggamit ng pondo para sa pampulitika at di pangkalusugang usapin.

Kabilang sa mga abugadong humarap sa korte para sa mga pagdinig sina Atty. Kaloi Zarate at Atty. Neri Colmenares, mga lider at nominado ng Bayan Muna Party-list. Ayon sa partido, hindi nararapat ang paglipat ng pondo sapagkat ito ay mapupunta lamang sa “unprogrammed appropriations” kung saan malaki ang posibilidad na mawaldas at magamit sa mga proyektong hindi makakabenipisyo ang taong bayan.

Sa nagdaang mga pagdinig, kasabay na nasiwalat ang kainutilan ng PhilHealth sa pagbibigay ng serbisyong pangkalusugan sa mamamayang Pilipino. Kaya naman, idiniin ng HEAD ang kanilang panawagan para sa isang sistema ng pangangalaga sa kalusugan na pinopondohan ng estado, mas pinalawak at pinatibay, na pagsisilbihan ang mga Pilipino kahit hindi myembro ng PhilHealth.

Nangako ang HEAD at iba pang grupo na ipagpapatuloy ang kanilang panawagan para sa isang patas at maayos na pampublikong sistema ng pangangalaga sa kalusugan na inuuna ang pangangailangan ng mamamayan kaysa interes ng burukrasya.

AB: Piket-protesta, inilunsad ng mga grupo pagdinig hinggil sa pagbawi sa pondo ng PhilHealth