Balita

Pilipinas, nakasungkit ng dalawang ginto sa kumpetisyong gymnastics sa Olympics

Ipinagdiwang ng mga Pilipino ang makasaysayang pagkakasungkit ng atletang si Carlos Yulo ng dalawang ginto sa nagaganap ngayong Olympics sa Paris, France sa palarong gymnastics.

Naipanalo ni Yulo ang unang ginto sa men’s floor exercise noong Agosto 4 kung saan nakakuha siya ng score na 15.000. Natalo niya ang dating kampeon dito na taga-Israel. Nakuha naman niya ng pangalawang ginto noong Agosto 5 sa kumpetisyong vault, kung saan namayani siya sa kanyang mga kalaban mula sa Armenia at Britain.

Ipinagbunyi ang pagkapanalo ni Yulo, laluna ng kanyang kapwa kabataan. “Congratulations, Carlos Yulo! Ginto ang ‘yong talento na inialay para sa dangal ng sambayanang Pilipino,” pahayag ng Anakbayan. “Pangako namin na ipaglalaban ang angkop na suporta sa mga atletang Pilipino upang kamtin ang mas marami pang tagumpay.”

Sa pagkapanalo ni Yulo, at patuloy na pagpupunyagi ng mga atletang Pilipino sa Olympics, muling lumakas ang panawagang suportahan sila ng gubyerno ng Pilipinas, manalo man o matalo.

Kasama ni Yulo ang 21 pang atletang Pilipino sa iba’t ibang kumpetisyon sa France, kabilang sa boksing, kumpetisyong pole vault, rowing, weightlifting, athletics, fencing, swimming at judo.

AB: Pilipinas, nakasungkit ng dalawang ginto sa kumpetisyong gymnastics sa Olympics