"Piso Kontra 174 Reclamation Project" inilunsad ng mga drayber sa Dumaguete
Noong Agosto 10, umabot sa 2,800 drayber ng traysikel sa ilalim ng Pedicab Drivers Association (PDA) ang naglunsad ng kampanya para makalikom ng pondo upang tuluy-tuloy na makapagprotesta at makapaglunsad ng mga aktibidad bilang pagtutol sa proyektong reklamasyon sa Dumaguete.
Ang kampanyang “Piso Kontra 174 Reclamation Project” ay dagdag na pakikiisa ng mga drayber sa pagtutol ng mga tagapagtaguyod ng kalikasan, akademiko, propesyunal at iba pang residente sa planong pagbubuo ng isla sa baybayin ng Barangay Bantayan hanggang Barangay Banilad.
Umabot sa P6,000 ang nalikom ng mga drayber mula sa kanilang pagbibyahe at mga pasahero. Ibibigay nila ang pondong ito sa Siliman Alumni Association Inc., isa sa mga nangungunang grupo sa paglaban sa proyektong reklamasyon.
Noong Hulyo 13 at Agosto 5, naglunsad ng ang mga syentista, akademiko at iba pang residente ng tahimik na protesta sa harap ng St. Catherine Alexandria Cathedral laban sa proyekto.
Ang P23-bilyong proyekto na tinaguriang Smart City ay naglalayong magtayo ng mga komersyal at residensyal na establisyemento sa lugar gaya ng mga mall at condominium. Ang kontrata ay iginawad sa E.M. Cuerpo, Inc. (EMCI) na nakipagkasundo sa kumpanyang Chinese na Poly Changda Overseas Engineering Co., bilang subkontraktor nito. Ang Poly Changda Overseas Engineering Co., ay walang lisensya para mag-opereyt sa bansa. Umani ng mariing pagtutol mula sa iba’t ibang sektor ang proyektong ito. Babala nila, sisirain ng proyektong reklamasyon ang natitirang coral reef at seagrass sa baybayin ng syudad na pinagkukunan ng kabuhayan ng mga mangingisda rito. Nagpaabot na ng petisyon ng pagtutol sa reklamasyo ang PDA sa lokal na pamahalaan ng syudad at open letter ang diocese ng Dumaguete sa EMCI.
Basahin ang kaugnay na balita: https://www.facebook.com/editorsofAB/posts/219192510067305