Pondo ng Philhealth, ilaan sa mamamayan
Nagprotesta ngayong araw, Pebrero 4, ang mga myembro ng Bayan Muna sa harap ng Korte Suprema, kasabay ng pagdinig ng korte sa mga petisyon para itigil ang pagbabalik ng P89.9 bilyong “sobrang pondo” ng Philhealth sa pambansang gubyerno. Isa sa mga nagpetisyon ang unang nominado ng partido na si Atty. Neri Colmenares. Hiningi ng mga nagpetisyon sa korte na ideklarang di konstitusyunal ang hakbang.
Alinsunod sa isinampang petisyon, di legal ang paglilipat ng pondo, at labag ito sa Universal Health Care Act, kung saan nakasaad na ang labis na pondo ng ahensya ay dapat gamitin upang pagbutihin ang mga benepisyong pangkalusugan at ibaba ang ginastos ng mga benepisyaryo, sa halip na ilipat ito sa kaban ng bayan para sa pangkalahatang paggamit. Nakamit na ang inisyal na tagumpay ang petisyon nang maglabas ang korte ng Temporary Restraining Order (TRO) ang Korte sa paglilipat sa pinal na tranche na P29.9 bilyon noong Oktubre 29, 2024. Bago nito, nailusot na ng Department Finance ang paglilipat ng P60 bilyon.
Ayon sa mga nagpetisyon, ang paglilipat ng pondo ay maaring magdulot din ng kakulangan sa mga serbisyong pangkalusugan, launa at walang inilaan na badyet ang gubyerno ni Marcos para sa ahensya ngayong taon. Tutol ang mga nagpetisyon sa kawalang transparency ng paglilipat at kawalang pananagutan ng gubyerno sa paggamit ng pondo, na mapasasakamay sa presidente bilang unprogrammed funds.
“Dapat ang pera ng taumbayan ay natitiyak na mapunta sa mga batayang serbisyo!” giit ng Bayan Muna. “Tigilan na dapat ang mga hakbangin ni Marcos Jr. at lahat ng administrasyon na makalikom ng anumang porma ng pork barrel. Hindi na dapat ilipat pa ang natirang pondo ng Philhealth sa Bureau of Treasury. Tiyakin na magamit ito sa pagpapalawak ng serbisyong pangkalusugan!