Taas-singil ng Meralco ngayong Marso, binatikos ng Bayan Muna
Nagprotesta ang Bayan Muna Party-list sa tapat ng upisina ng Manila Electric Company (Meralco) sa Kamuning, Quezon City kahapon, Marso 17, para batikusin ang taas-singil sa kuryente ngayong buwan. Noong Marso 11, inianunsyo ng Meralco ang pagtataas ng household rate nang ₱0.2639 kada kilowatt hour (kWh).
Aabot na ang singil ng Meralco ng ₱12.2901 kada kWh ngayong Marso mula sa dating ₱12.0262 kada kWh lamang noong nagdaang buwan. Katumbas nito ay dagdag na ₱53 sa bayarin ng mga tahanang kumukonsumo ng 200 kWh kada buwan, ₱79 sa gumagamit ng 300 kWh, ₱106 sa mga gumagamit ng 400 kWh at ₱132 sa mga gumagamit ng 500 kwh kada buwan.
Pagdadahilan ng Meralco, ang pagtaas ng singil sa kuryente ay bunga ng kawalan ng one-time downward adjustment sa reset fee, na katumbas ng ₱0.2264 kada kWh para sa mga kostumer na ipinatupad noong Pebrero, alinsunod sa utos ng Energy Regulatory Commission (ERC). Tumaas din ang upward adjustment na ₱0.1294 kada kWh at pagtaas sa transmission charge para sa residensyal na mga kostumer. Bunga ito ng mas mataas na ancillary service charges na natamo ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
Ayon sa Bayan Muna, hindi katanggap-tanggap na ipinapasa ng Meralco ang gastos na ito sa mga konsyumer na bigat na bigat na sa tumataas na presyo ng batayang mga bilihin. “Dapat nang kumilos kaagad ang ERC at maglunsad ng buong pagtutuos sa singil ng Meralco,” ayon kay Atty. Carlos Isagani Zarate, ikalawang nominado ng Bayan Muna.
Naninindigan siyang tungkulin ng Meralco ang pagbibgay ng transparency at pananagutan sa mga konsyumer nito at hindi walang katapusang pagtataas ng singil sa kuryente. Tinawag din ni Zarate na “token” o pakonswelo lamang ang ibibigay na “refund” ng Meralco sa mga konsyumer.
Iniatas kamakailan ng ERC sa Meralco na isauli ang labis na singil sa mga konsyumer na kabuuang ₱19.96 bilyon sa loob ng 36 na buwan simula sa Abril. Papatak lamang sa abereyds na ₱0.1189 kada kWh ang ibibigay na refund sa mga konsyumer. Ang naturang halaga ay sobrang singil ng Meralco noong Hulyo 1, 2022 hanggang Disyembre 2024. Nanawagan ang Bayan Muna ng buong imbestigasyon sa labis na paniningil na ito ng Meralco.
Sa harap nito, hinimok ni Zarate ang administrasyong Marcos na pagtuunan ng pansin at ipanguna ang kagalingan ng mga konsyumer kaysa kita ng mga korporasyon. “Hindi palabigasan ng malalaking mga korporasyon ang mga konsyumer. Kailangan natin ng mas mahigpit na regulasyon at tunay na pananagutan,” aniya.
Ang Meralco ay pag-aari ng Metro Pacific Investment Corporations na pinatatakbo ng burges-kumprador na si Manny Pangilinan. Kasosyo nito ang JG Summit Holdings ng pamilyang Gokongwei.