Taong-simbahan, mga artista at mangingisda, nagkaisa sa pagtatanggol sa kalikasan sa Sorsogon
Kolektibong ipinahayag ng mga taong-simbahan, grupo ng artista at samahan ng mga mangingisda at residente ng Sorsogon ang kanilang pagkakaisa na ipagtanggol ang kalikasan. Noong Oktubre 11, inilunsad ng Save Gubat Bay Movement (SGBM) sa St. Anthony of Padua Parish Church sa Gubat, Sorsogon ang “Faces of Creation: A Photo and Poetry Exhibit” na naglalarawan sa pagkawasak ng likas na yaman sa prubinsya at ang epekto nito sa lokal na mga komunidad.
Itinampok sa eksibit ang mga likhang sining at larawan na nagpapakita sa magandang kalikasan ng prubinsya at ang pagiging bulnerable nito sa pangwawasak. Mayroong mga tula na naglarawan sa pagsubok ng mga komunidad sa baybayin na kumaharap sa banta ng paninira mula sa mga proyektong tulad ng coastal road, mga resort at negosyong komersyal. Ipinakita rin sa mga larawan at likha ang pangangailangang itaguyod ang kolektibong aksyon ng mga komunidad para protektahan ito.
“Ang mga proyektong ito ay malaking banta sa ating kalikasan, nagsasapanganib sa ating mga puno, sa mga bakawan, at bahura, gayundin sa mahahalagang itlugan ng isda, alimango, at pagong,” ayon kay Allan Espallardo, pangulo ng SGBM. Ipinakita rin sa eksibit ang magiging epekto ng mapangwasak na mga proyekto sa sosyo-ekonomikong kalagayan ng mga residente, posibleng pagpapalayas at epekto sa kabuhayan.
Ang SGBM ay binubuo ng Cota na Daco Crablet Workers, Samahan Alay sa Kalikasan Cooperative, Alyansa san mga Parasira san Sorsogon, at Sorsogon King Crab Association Inc. Katuwang ng SGBM sa eksibit ang Parish Pastoral Council (PPC-St. Anthony de Padua Parish Gubat) at Kurit-Lagting Art Collective, Concerned Artists of the Philippines Bicol Chapter (CAP Bicol), Rhymes of Peg, at Delta Beta Omega, na bahagi ng mas masaklaw na Sorsogon Initiatives for Culture and Arts Development (SICAD).
Para sa lahat ng nais makakita, bukas ang eksibit hanggang Oktubre 17.