Tree planting, inilunsad para alalahanin si Chad Booc, manawagan ng hustisya sa New Bataan 5

,
This article is available in English

Sa ika-30 kaarawan ni Chad Booc, aktibista at boluntir na guro ng mga Lumad, nagsagawa ng tree planting ang mga kaanak, kaibigan at mga progresibong organisasyon ng Central Visayas sa Barangay Talamban, Cebu City noong Abril 17. Nagtanim sila ng mga puno bilang simbolikong pag-alaala sa pakikibaka ni Booc para sa pangangalaga sa kalikasan at lupang ninuno ng mga Lumad ng Mindanao. Ang pamilyang Booc ay taga-Cebu.

Pinaslang ng 10th ID sina Booc at Gelejurain “Jurain” Ngujo II, kapwa boluntir na guro, ang development worker na si Elegyn Balonga, at kasama nilang dalawang drayber na sina Tirso Añar at Robert Aragon, kilala rin bilang New Bataan 5 sa New Bataan, Compostela Valley (ngayon ay Davao de Oro) noong Pebrero 24, 2022. Sila ay dinakip at sadyang minasaker ng mga sundalo ng rehimeng US-Duterte.

Sa imbestigasyon ng National Democratic Front-Southern Mindanao noon, dinukot at hawak na ng mga pwersa ng militar noong gabi ng Pebrero 23, 2022 ang limang sibilyan at pinalabas kinabukasan na mga kasapi ng Bagong Hukbong Bayan na napatay sa engkwentro. Nadakip sila sa isang tsekpoynt na ilang kilometro lamang ang layo mula sa hedkwarters ng 66th IB sa New Bataan.

Malinaw din sa mga bangkay ng mga biktima na dumaan sila sa matinding pagpapahirap bago pinaslang. Sa autopsy na isinagawa ni Dr. Raquel Fortun noong Marso 2022, napag-alaman sa bangkay ni Booc na mayroong “malinaw na intensyon” na siya ay patayin. Anang doktor, tadtad ng bala ang katawan ng biktima.

Si Booc ay ginawaran ng “Most Distinguished Awardee” ng Center for Environmental Concerns (CEC) sa 7th Gawad Bayani ng Kalikasan noong Disyembre 2022. Pinili ng CEC si Booc dahil sa kanyang walang kapagurang pagtatanggol sa karapatan ng mga Lumad sa kanilang lupang ninuno at sa kalikasan laban sa mga mapaminsalang mina.

Nagsagawa ang mga progresibong grupo ng isang maiksing programa pagkatapos ng tree planting. “Magsilbi sanang buhay na patotoo ang mga punong ating itinanim sa kanilang alaala at simbolo ng ating walang maliw na panata sa kanilang mithiin,” ayon sa Karapatan-Central Visayas. Dagdag pa ng grupo na patuloy nitong kikilalanin ang sakripisyo at buhay na inialay ng New Bataan 5 sa pagpapatuloy ng kanilang laban para sa hustisya at kalayaan.

AB: Tree planting, inilunsad para alalahanin si Chad Booc, manawagan ng hustisya sa New Bataan 5