Balita

Tuwirang pagsakop ng Zionistang Israel sa Gaza, hakbang para lipulin ang mga Palestino

,

Kinundenan ng Philippines-Palestine Friendship Association (PPFA) ang kamakailang pag-apruba ng parlamento ng Zionistang Israel para tuwiran nang sakupin ng militar nito ang Gaza. Inilarawan ito ng grupo bilang “panibagong antas ng henosidyo laban sa mga Palestino at pag-igting sa apartheid na sinusuportahan ng US.”

“Itong desisyon ng rehimen ni Netanyahu ay di lamang pag-arangkada, kundi isang kalkuladong kampanya ng paglipol sa mamamayang Palestino,” ayon kay Alan Sarte, pangkalahatang kalihim ng PPFA. Wala nang interes si Netanyahu na sagipin ang natitirang mga Israeli na hawak pa ng Hamas, at ginagamit na lamang niya itong dahilan para tuwiran nang sakupin ang buong Gaza, aniya.

Isinagawa ng parlamento ng Israel ang botohan para sa aksyong militar sa gitna ng tumitinding galit ng mga Israeli mismo sa kabiguan ni Netanyahu na bawiin ang natitirang mga bihag. Lumalawak na rin sa loob ng kanilang bansa ang pagkundena sa henosidyo at brutal na pagtrato ng rehimen sa mga Palestino. Sunud-sunod ang malalaking pagkilos sa Israel laban kay Netanyahu, at may mga kabataang Israeli nang tumatangging pumasok sa militar bilang protesta sa ginagawa nitong henosidyo.

Ayon sa PPFA, kahindik-hindik ang sinabi ng Zionistang rehimen na isasagawa ang tuwirang pananakop para maihatid ang ayuda sa sibilyang populasyong Palestino. Mula pa Marso, ipinataw ng Israel ang absolutong pagbabawal ng paghahatid at distribusyon ng ayuda, liban sa Gaza Humanitarian Foundation (GHF), na magkatuwang na pinatatakbo ng mga militar ng IS at Israel. Hindi bababa sa 859 Palestino habang nakapila sa mga distribution site ng GHF, na tinawag ng UN at iba pang internasyunal na institusyon bilang mga “katayan ng tao.”

Mariing kinundena ng PPFA ang nakasusukang pagpapakitang-tao at brutalidad ng “pagpapalawak ng ayudang makatao” ng US at Israel. Ang sinasabing pagdagdag na ito, habang ipinagkakait ang pamamahagi nito sa Gaza ay may layuning pwersahin silang lisanin ang Gaza sa pamamagitan ng paggutom sa kanila at pagkakait ng batayang pagkain.

“Ito ay kolektibong pagpaparusa, paggamit sa gutom bilang sandata, at malinaw na krimen sa digma,” ayon sa grupo.

Mula Oktubre 2023 hanggang Agosto nitong taon, umaabot na sa 210 ang mga namatay na Palestino dahil sa gutom, karamihan ng mga kaso sa nakaraang mga linggo lamang. Noong Hulyo lamang, 74 ang namatay dahil sa malnutrisyon, marami nakaratay na, kabilang ang mga batang wala pang limang taong gulang.

Sa kasalukuyan, halos 90% na ng Gaza ang ipinailalim sa kontrol ng militar ng Israel. Para lubusin ang pananakop, plano ng Israel na palayasin ang lahat ng natitirang Palestino sa Gaza City, ang pinakamalaking syudad sa loob ng engklabo. Mula Oktubre 2023, mahigit 60,000 na ang direktang pinatay ng pambobomba at pang-aatake ng Israel, habang 150,000 ang nasugatan.

Sa panig ng PPFA, walang tinag ang pakikiisa ng mga myembro nito sa pakikibaka para sa paglaya at hustisya.

“(N)ananawagan kami sa internasyunal na komunidad na itakwil ang marahas na okupasyon (ng Israel), igiit ang agarang pagtigil ng pananalakay at henosidyo, at panagutin ang rehimeng Netanyahu sa mga krimen nito laban sa sangkatauhan,” ayon sa PPFA.

AB: Tuwirang pagsakop ng Zionistang Israel sa Gaza, hakbang para lipulin ang mga Palestino