Welga ng mga drayber ng FOC Transportation Corporation sa Quezon, nagpapatuloy
Higit isang buwan nang nakatirik ang welga ng mga drayber at manggagawa ng FOC Transportation Corporation sa terminal nito sa Barangay Comon, Infanta, Quezon. Ang mga bus ay bumabyahe sa rutang Infanta-Lucena City.
Sa pangunguna ng United Rank and File Association of FOC Transportation Corp, ikinasa ang welga dahil sa pagkakait sa karapatan ng mga manggagawa kabilang ang napakaliit na separation pay na inaalok ng pamunuan sa kanila, at hindi pagharap sa negosasyon. Ayon sa pamunuan ng kumpanya, nakatakda itong magsara dahil sa pagkalugi.
“Ang dahilan nito ay ang patuloy na pagtanggi ng management na magbigay ng nararapat sa mga manggagawa. Sobra-sobrang pambabarat ang ibinibigay sa amin, at parang inaasahan na lamang kami na magmakaawa’t humingi ng tawad,” pahayag ng unyon.
Hindi na nga tinugunan ang panawagan, sinampahan pa ng kasong grave coercion at illegal strike ang mga manggagawa ng kumpanya at organisador ng Federation of Free Workers, pederasyong kinaaaniban ng unyon.
“Wala ni isa sa mga manggagawa ang masaya sa higit isang buwan na naming welga, subalit hindi naman basta na lamang bibitawan ang aming karapatan. Ang malinaw sa amin, gusto ng FOC Transportation management na buwagin ang aming unyon! Hindi ito maaari, hindi ito tama!” ayon sa unyon.
Nagpahayag ng suporta sa welga ng mga drayber at manggagawa si Mody Floranda, tagapangulo ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (Piston) at tumakbo pagkasenador sa ilalim ng Koalisyong Makabayan.
“Pagpupugay sa tapang na ipinakita ng [unyon] sa pagiging matatag sa pagkakasa ng welga upang maipaglaban ang kanilang mga karapatan sa paggawa,” pahayag niya. Ayon sa lider ng Piston, hindi biro ang isang buwang welga kung kaya ang pagpapatuloy nito ay maituturing nang isang tagumpay.
“Makatarungan lamang labanan ang kawalan ng CBA, pagtatanggal o pagpapahirap sa mga myembro ng unyon, at itong bogus na “pagsasara” diumano ng kumpanya na alam nating para lamang makapagtanggal ng mga manggagawa,” pahayag ni Floranda.
Paliwanag niya, ang mga panggigipit na ginagawa ng management ng FOC Transport Corp ay senyales ng kabulukan ng atrasado at makanegosyong sistema ng pampublikong transportasyon sa bansa. “Hamon sa ating lahat na itaas ang antas ng laban, lagpas pa sa management, at tungo sa paniningil sa rehimeng Marcos Jr at sa mga dayuhang nagbabansot at nanamantala sa industriya ng transportasyon,” pagtatapos ni Floranda.