Welga sa Kawasaki, inilunsad dahil sa dedlak sa CBA
Nagwelga ang mga manggagawa ng Kawasaki Motors Phils. Corporation (KMPC) sa pangunguna ng Kawasaki United Labor Union (KULU) noong Mayo 21 dahil sa deadlock o hindi pag-usad ng negosasyon sa collective bargaining agreement (CBA) sa pagitan ng pamunuan at unyon. Lumahok sa welga ang 120 manggagawa. Nakatirik ang piketlayn ng unyon sa harap ng hedkwarters ng kumpanya sa Muntinlupa City.
Ayon sa KULU, halos isang taon na ang negosasyon para sa CBA ngunit patuloy silang binabarat ng kumpanya. Nananawagan sila ng nakabubuhay na sahod, makatarungang benepisyo at iba pang karapatan ng mga manggagawa na dapat nilang tinatamasa. Una nang tumirik ang negosasyon noong Agosto 2024.
Sa sarbey ng KULU sa mga myembro nito, lumabas na ang abereyds na kinakailangang gastos ng kada manggagawa at kanyang pamilya ay pumapatak sa ₱81,769.62. Inihapag ito ng KULU sa isang liham noong Abril 28 sa presidente ng KMPC na si Isao Sudo kaakibat ng kanilang paninindigan at panawagan para sa pag-usad ng CBA.
“Narito kami hindi lamang bilang tinig ng unyon, kundi bilang kinatawan ng bawat nagsusumikap na manggagawang nagpapatakbo ng tagumpay ng kumpanyang ito. Ipinagmamalaki namin ang aming trabaho. Maagang pumapasok, nagtatagal kapag kinakailangan, umaangkop sa pagbabago, at nagsusumikap nang higit pa upang maihatid ang kahusayan na siyang humuhubog sa organisasyong ito,” ayon sa KULU. Gayunman, nanindigan itong “ang pagmamalaki at dedikasyon ay hindi sapat upang mabayaran ang mga gastusin.”
Hinamon nila ang presidente ng KMPC at sinabing nasa kamay niya ang kakayahang iwasto ito at ibigay ang nararapat sa mga manggagawa. “Aprubahan mo ang pagtaas ng sahod na kinikilala ang aming halaga, sumusuporta sa aming mga pamilya, at ipinapakita sa amin—ang inyong mga empleyado—na kami ay mahalaga,” anang unyon.
Mapangtuyang tugon dito ng presidente, kinikilala niya ang ambag ng mga manggagawa ngunit sinabing ang prayoridad ng KMPC ay ang “pagsustine at pagpapatagal sa mga operasyon nito.” Ipinagyabang pa nito na ang KMPC ang tanging may reputasyon na nagbibigay ng pinakamainam na benepisyo sa mga manggagawa nito sa industriya. Balat-kayo itong pagtanggi sa kahingian ng KULU sa CBA.
Dagdag pa niya, sana ay maunawaan ng unyon na limitado lamang ang maibibigay ng kumpanya sa mga manggagawa nito dahil sa “kalagayan sa pinansya.” Ipinaubaya na lamang ni Sudo ang negosasyon sa CBA sa kanilang Management Panel at mga abugado.
Hindi naniniwala ang KULU sa pagdadahilang ito ng KMPC. Anang KULU, hangang sa huling pagkakataon ay hindi man lang ibinalik ng kumpanya ang alok ng unyon sa antas ng planta na 7% at ibang benepisyo. “Ito ay pagpapatuloy lang ng kanilang bad faith sa pakikipagnegosasyon,” anito.
Paliwanag ng KULU, ito ang matibay na dahilan ng kanilang welga. Anang unyon ang kanilang welga ay pagpapakita sa mga kapitalista ng kanilang kahalagahan. “Sa kabila ng pagod at sakripisyo sa pagbubuo ng produkto na nagbibigay kita ng bilyun-bilyon sa mga kapitalista ay hindi maibigay ang tamang benipisyo at nakakabuhay na sahod sa aming mga uring mangagawa,” anito.
Dagdag pa ng KULU, hindi naman sila humihingi ng sobra-sobrang sahod at benepisyo na ikalulugi ng kumpanya. “[Mayroong] mga basehan ang aming mga hinihingi at alam namin na kaya itong ibigay ng kumpanya,” anito. Ang hinihingi lamang ng mga manggagawa ay katumbas lamang ng 0.86% na kita ng Kawasaki o halos ₱37 milyon sa loob ng tatlong taon.
Mula nang ipinutok ang welga, kabi-kabila ang suportang ipinahayag ng mga progresibong grupo at lider-manggagawa sa KULU.
Ang KMPC ay nagpoprodyus ng mga motorsiklo at parte ng motorsiklo. Dagdag dito, ang kumpanya ay gumagawa at nag-eeksport ng mga component at power product, at nagbibigay ng serbisyo sa mga piyesa at pagkukumpuni.