Balita

Kaguruan at empleyado ng University of Asia and the Pacific, naghahandang magwelga

, ,

Nagsumite ng ulat ng strike vote ang University of Asia and the Pacific (UA&P) Union of Faculty Members at UA&P Union of Allied Employees sa National Conciliation and Mediation Board (NCMB) noong Oktubre 27. Tugon ito ng dalawang unyon sa pagtanggi ng administrasyon ng unibersidad sa panawagang dagdag sweldo, benepisyo at maayos na kalagayan sa trabaho.

Apat na buwan na ang pakikipag-areglo ng mga unyon sa administrasyon sa antas ng NCMB ngunit nanatiling matigas at bingi ito sa kanilang panawagan. Noong Hunyo, idineklara ang deadlock sa negosasyon para sa collective bargaining agreement (CBA).

Nagtimpi ang mga guro at empleyado sa pagmamatigas ng administrasyon matapos ang deklarasyon ng deadlock. Pumaloob ang dalawang unyon sa “preventive mediation” ng NCMB para subukang aregluhin ang gusot hanggang sa nagsumite na ng Notice to Strike noong unang linggo ng Agosto.

Isinagawa ng dalawang unyon ang strike vote nito noong huling linggo ng Setyembre. Halos 90% ng mga myembro ng unyon ang sumang-ayon sa welga bilang tugon sa pambabarat ng administrasyon.

Sa huling pakikipagpulong ng mga kinatawan ng unyon sa administrasyon na pinamagitan ng NCMB noong Oktubre 24, walang inihapag na bagong alok ang UA&P liban sa libreng pagkain at 1-2% dagdag sweldo sa loob ng tatlong taon. Ito ang nagtulak sa UA&PUFM at UA&PUAE na isumite na ang strike vote. Alinsunod sa mga batas ng estado, pitong araw makalipas nito ay maaari nang iputok ng mga unyon ang kanilang welga.

Nanindigan ang dalawang unyon na hindi sapat ang alok ng administrasyon at hindi sila naniniwala sa mga pahayag nito na walang kakayahan ang unibersidad na tugunan ang kanilang panawagan. Anila, ang welgang ito ang huling pagtatangka para ipaglaban ang mga tao na kumakatawan sa mga prinsipyo ng edukasyon na nakapagpapahusay sa unibersidad.

Idiinin ng mga unyon na lehitimo ang kanilang kinahaharap na mga usapin sa trabaho at kinakailangang tugunan ang mga ito dahil nakaapekto ito sa mga guro, empleyado at kanilang mga pamilya.

Inilinaw ni UA&PUAE President Keith Panganiban na hindi layunin ng mga unyon na guluhin o hatiin ang UA&P kundi para ibalik ang balanse, hustisya at paggalang sa bawat manggagawa na nakapagpapaunlad sa unibersidad.

Nagpahayag ng suporta sa laban ng dalawang unyon ang Alliance of Concerned Teacers (ACT)-Private Schools. “Pinupuri namin ang matatag na pagsusumikap ng mga unyon upang makamit ang matagal nang kinakailangang pagtaas ng sweldo, benepisyo, at kalagayan sa trabaho—mga kahilingan na makatarungan at agarang dapat tugunan sa harap ng lumalalang implasyon at paghihirap sa ekonomiya na nararanasan ng mga guro sa buong bansa,” ayon sa grupo.

Nanawagan ang ACT-Private Schools sa mga kapwa guro, manggagawa sa edukasyon, at mga unyon sa pribadong paaralan na makiisa sa laban ng UA&PUFM at UA&PUAE. “Sama-sama nating ipagpatuloy ang laban para sa hustisya at patas na pagtrato para sa lahat ng mga manggagawa sa eukasyon,” anito.

AB: Kaguruan at empleyado ng University of Asia and the Pacific, naghahandang magwelga