Pahayag

203rd Brigade, papanagutin sa mga paglabag sa karapatang tao

,

Mariing kinukundena ng NDF-Mindoro ang 203rd Brigade sa isinagawang mga paglabag sa karapatang tao sa dalawang labanan sa Barangay San Vicente, Roxas at Barangay Lisap, Bongabong sa Oriental Mindoro noong Disyembre 18 at Disyembre 21 sa pagitan ng mga yunit ng Lucio de Guzman Command at AFP.

Pinuntirya ng 203rd Brigade ang mga Mangyan Hanunuo at Mangyan Buhid sa mga komunidad kung saan naganap ang labanan. Sa Barangay San Vicente, ni-lockdown ng pasistang tropa ng 4th IB ang Sityo Tinis-an. Mahigpit na interogasyon at pananakot ang ginagawa ng 4th IB sa mga lokal. Hinihigpitan ng mga berdugo ang mga Mangyan Hanunuo sa kanilang mga pinamimiling pagkain. Sinira nito ang Pasko ng mga residente. Nagsagawa na rin ng operasyong militar ang mga ito sa mga karatig-sityo na Tagaskan, Tagaytay at iba pa.

Samantala, bininbin ng Roxas Police sa katauhan ni Chief P/Maj. Almerc Paul Pornia ang labi ni Marife “Ka Soya” Gayadan, Pulang mandirigma na nagbuwis ng buhay para ipaglaban at ipagtanggol ang kapwa kasama at mamamayan sa labanan noong Disyembre 18. Hindi ibinibigay ng mga berdugo ang labi ni Ka Soya kahit kinilala na ito ng kanyang pamilya.

Tinambakan naman ng pwersa militar ang Barangay Lisap. Anim na trak ang ipinasok ng 203rd Brigade matapos ang labanan sa pagitan ng 1st IB at isang yunit ng LDGC-NPA Mindoro noong Disyembre 21. Matinding takot at teror ang hatid nito sa mga Mangyan Buhid sa lugar.

Ang pagkontrol at paghihigpit ng 203rd Brigade sa mga komunidad at pagtambak ng pwersa militar sa baryo ay paglabag sa internasyunal na makataong batas. Sang-ayon sa Protocol II ng Geneva Conventions, dapat igalang ang mga karapatan ng mga di direktang kalahok sa digmaan–kabilang dito ang mga magsasaka at katutubo sa mga komunidad. Sila ay mga di armado at malinaw na mga sibilyan.

Paglabag din sa IHL ang pagkakait, pagbibinbin ng 4th IB at Roxas Police sa labi ni Ka Soya. May karapatan ang pamilya ni Ka Soya na maglamay nang taimtim at bigyan ng disenteng libingang kanilang kapamilya.

Malaking karuwagan ang pagbaling ng 203rd Brigade sa mamamayan matapos ang kabiguang malipol ang mga yunit ng NPA sa Mindoro. Kailangang panagutin si Gen. Randolph Cabangbang sa pang-atake sa mga sibilyan at komunidad. Dapat ding panagutin ang mga tropang sangkot sa paglabag sa karapatang tao ng mga Mindoreño.

Nananawagan ang NDF-Mindoro sa mamamayan ng isla na manatiling matapang at matatag sa pagharap sa pasistang pang-aatake ng 203rd Brigade. Dapat papanagutin ang 203rd Brigade sa mga krimen nito sa mamamayan. Gawing inspirasyon ang nagpapatuloy na pakikibaka ng mga kaanak at mahal sa buhay ni Jay-el Maligday na pinaslang ng 4th IB noong Abril. Sa gitna ng pasismo ng estado, patuloy silang lumalaban para sa hustisya. Patuloy na palakasin ang panawagan para singilin ang AFP-PNP sa kanilang mga krimen sa bayan.

203rd Brigade, papanagutin sa mga paglabag sa karapatang tao