203rd Infantry Brigade at PNP MIMAROPA: numero unong tagalabag ng karapatang pantao at internasyunal na makataong batas sa isla ng Mindoro!
Ang Agosto ay buwan ng pagkilala sa International Humanitarian Law (IHL). Sa buwang ito noong 1998, pinirmahan ng Gubyerno ng Republika ng Piliipinas (GRP) at National Democratic Front of the Philippines (NDFP) ang Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL). Sa loob ng higit dalawang linggo ngayong buwan, pinatunayan ng sunod-sunod na mga kaso ng paglabag sa karapatang tao sa isla ng Mindoro na walang kikilalaning batas ang AFP-PNP sa ngalan ng kontra-insurhensya.
Mula Agosto 1, naitala ang isang kaso ng pagpatay sa sibilyan at isang kaso ng pagpatay sa isang hors de combat. Naiulat din ang sapilitang pagpapalikas, pambabanta, pananakot, sarbeylans, psywar, paninira ng tanim at pagmamay-ari ng masa at iba pang panliligalig sa masa na dala ng mga focused military operations (FMO). Maging ang mga boluntir, aktibista at grupong nagtatanggol ng karapatang tao ay di ligtas sa matinding panggigipit ng mga armadong pwersa ng gubyerno.
Noong Agosto 1, pinakalat ng 4th Infantry Batallion (IB) ang pekeng balita na may labanan na naganap sa Barangay Naibuan, San Jose, Occidental Mindoro. Ito ay para pagtakpan ang pagdakip, pag-tortyur at pagpatay ng mga sundalo kay Juan Sumilhig. Si Sumilhig ang ikatlong sibilyang biktima ng extrahudisyal na pagpaslang sa isla mula 2024. Gaya ng sa kaso nila Jay-el Maligday noong Abril 2024 at Hulyo Aytag nitong Marso 2025, pinalalabas ng 4th IB na si Sumilhig ay isang kasapi ng NPA na napatay sa labanan.
Malinaw na paglabag din sa IHL ang pagtortyur at pagpatay ng mga tropa ng 1st IB sa hors de combat na si Ising “Ka Mutya” Domingo. Nahuli siya nang buhay at hindi armado habang nag-iigib sa Barangay Happy Valley, Roxas, Oriental Mindoro noong Agosto 7. Imbis na arestuhin at ikulong para isakdal sa korte, walang awang pinatay ng mga sundalo si Ka Mutya.
Nagpapatuloy din ang samu’t saring paglabag sa karapatang tao dahil sa walang lubay na FMO ng 203rd Brigade na nagsimula noon pang Enero.
Sa bayan ng Victoria sa Oriental, ibinabaling ng kaaway sa sibilyang populasyon ang kanilang panggagalaiti sa isinagawang ambus ng isang yunit ng NPA sa Barangay Bagong Silang, Victoria. Pinulong ng mga sundalo ang residente ng mga barangay malapit sa pinangyarihan noong Hulyo 13. Tinakot ang mga dumalo sa pulong matapos ang pagsisinungaling na mga pulis ang nagpaputok noong Hulyo 13 at hindi ambus ng NPA. Nagpakalat din ang kaaway ng mga cellphone number na pwedeng tawagan para gawing “sumbungan” kung sakaling may presensya ng NPA sa lugar. Nakapakat din ang mga sundalo ng 203rd Bde at ng 76th IB sa Bagong Silang, Alcate, San Antonino, Loyal at Ordevilla. Sa takot ng mga residente sa militar, hindi na sila makapunta sa kanilang mga bukid at prutasan.
Kaugnay pa rin ng ambus sa Victoria, maski sa mga bayang sinasaklaw ng mga operasyon ng 76th IB sa Occidental ay ipinapakalat ang kasinungalingan na mga pulis na namimigay ng ayuda para sa bagyo ang inambus ng NPA. Ang ambus ay naganap bago pa man pumasok ang bagyong Crising. Pinapakalat ang kasinungalingang ito upang siraan sa publiko ang lehitimong operasyon ng NPA at maliitin ang katotohanan na kahilingan at tagumpay ng masang Mindoreño ang ambus sa Victoria.
Sapilitan ding lumikas ang higit isang libong pamilya mula sa mga barangay ng Lantuyang, San Ignacio, Bayanan, at Bangkatan sa Baco, Oriental Mindoro. Ito ang tugon ng kaaway sa sunod-sunod na labanan noong Agosto 9 at Agosto 12 sa bayan ng Baco kung saan nagtamo ang AFP ng malaking kaswalti. Bagamat dinadahilan ng militar na ang pagpapalikas ay para ilayo ang mga sibilyan sa labanan at “tanggalan ng suporta” ang NPA, ang katotohana’y pineperwisyo at nililigalig ng pagpapalikas ang araw-araw na takbo ng buhay ng masa. Maapektuhan laluna ang kabuhayan ng masang magsasaka at katutubong Mangyan na nauna nang sinalanta ng sunod-sunod na bagyo. Maari ring magdulot ng trauma sa mga bata ang sapilitang pagpapalipat sa kanila mula sa kanilang mga tahanan. Pinapangambahan din ng masa na maaring ang pagpapalikas ay paghahanda sa pambobomba sa kanilang lugar na tiyak na pipinsala sa kabundukan, gubat at mga kaingin kung saan nakaasa ang buhay at kabuhayan ng masa.
Dapat ding kundenahin ang matinding pananakot, sarbeylans at harasment na ginagawa ng AFP-PNP sa mga aktibista at boluntir na kasama sa mga humanitarian team na nag-iimbestiga sa pagpatay kay Sumilhig, Palomar at Domingo at nag-aasikaso sa kanilang mga labi. Nagpapabigat sa kaso ng AFP-PNP sa mga biktima ng kanilang walang konsensyang pagpatay ang pagdadamot sa kanila ng karapatan na mapayapang mailibing.
Sa lahat ng ito nilalabag ng 203rd Brigade at PNP MIMAROPA maski ang mga reaksyunaryong batas hinggil sa karapatang tao at mga alituntunin sa digma na nagtatakda sa tamang kondukta ng mga armadong pwersa. Pinatutunayan lamang nito na balewala para sa AFP-PNP at sa buong reaksyunaryong gubyerno ang IHL. Pakitang tao lamang para sa gubyerno ni Ferdinand Marcos Jr. ang anumang salita hinggil sa pagtaguyod ng kanyang rehimen sa karapatang tao. Walang habas na nilalabag ng reaksyunaryong gubyerno ang CARHRIHL na pinirmahan nito sa balangkas ng usapang pangkapayapaan. Sa gayon, pinatutunayan din ng reaksyunaryong gubyerno na hungkag ang mga pagsisikap nito sa “peace building” at hindi seryoso o sinsero ang paghahangad nito sa pangmatagalang kapayapaan.
Ang terorismo ng AFP-PNP at ang pang-ekonomyang at pampulitikang interes na pinagtatanggol nito ang ugat ng kawalan ng kapayapaan sa bansa. Imposible ang kapayapaan hanggat walang hustisya para sa lahat ng biktima ng terorismo ng estado. Imposibleng matapos ang armadong tunggalian hanggat nararanasan ng masang api ang sukdulang pagsasamantala at pang-aapi na siyang ugat ng kanilang makatwirang paglaban.
Sa gitna ng largado at madugong batas militar sa Mindoro, kinakailangang mapagkaisa at mapakilos ang mamamayan para sa pagtatanggol sa karapatang tao ng mga Mindoreño. Dapat malakas na ipanawagan ang pag-imbestiga sa mga krimen ng 203rd Brigade, sa mga patakaran ng terorismo na ipinapatupad ng AFP at sa kampanyang kontra-insurhensya ng rehimeng US-Marcos II. Dapat panagutin ang US na siyang kumukumpas at nagpopondo sa kampanyang kontra-insurhensya kahit na alam nito ang idinudulot nitong paglabag sa karapatang tao ng mamamayang Pilipino. Marapat na idiin ang pagtupad ng reaksyunaryong gubyerno sa CARHRIHL, mga alituntunin sa digma at makataong batas. Karugtong nito’y dapat ipanawagan ang muling pagbubukas ng usapang pangkapayapaan.
Higit sa lahat, dapat magpursigi ang lahat ng pwersa ng rebolusyon sa pagmumulat sa laksa-laksa pang mamamayan upang kanilang yakapin ang demokratikong rebolusyong bayan bilang tanging landas tungong makatarungan at pangmatagalang kapayapaan. Dapat mamulat, mapakilos at maorganisa ang mamamayang Mindoreño para sa digmang bayan na siyang magbibigay hustisya sa daantaong pang-aapi sa mamamayan.
Mamamayang Mindoreño, makibaka laban sa de facto martial law at terorismo ng estado sa isla!
Singilin ang 203rd Brigade, PNP MIMAROPA at rehimeng US-Marcos II sa inutang nitong dugo mula sa mga Mindoreño!
Isulong ang digmang bayan para sa makatarungan at pangmatagalang kapayapaan!
Magtanggol laban sa terorismo ng estado! Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!