3 dinukot na magsasaka, ilitaw! AFP at bayarang goons, singilin at papanagutin!

, ,

Nakaririmarim ang sapilitang pagkawala ng tatlong magsasaka sa Batangas at Mindoro sa unang 100 araw ng ilehitimong rehimeng Marcos II sa poder. Nakikiisa ang mamamayan ng Timog Katagalugan sa panawagan ng mga kaanak na ilitaw ang mga biktima kabilang ang mga naunang desaparecidos ng reaksyunaryong estado. Marapat ding papanagutin ang AFP-PNP, paramilitar at bayarang goons ng naghaharing uri na salarin sa krimen.

Lampas isang buwan nang nawawala at hinahanap ng kanilang kaanak si Ronel Reduka at isang magsasaka mula sa Brgy. Bulihan, Nasugbu, Batangas. Dinukot sila ng pinaghihinalaang mga tauhan ng Selective Security Agency gabi ng Agosto 8. Huling nakita si Reduka sa kanyang tindahan kung saan may namataang mga armadong lalaki. Makalipas ang ilang minuto, nawala na ang mga biktima at may nabakasan na lamang na dugo sa likod ng kanilang bahay.

Si Reduka ay kasapi ng Ugnayan ng Magsasaka Laban sa Pangwawasak ng Kalikasan at Kalupaan sa Hacienda Looc (UMALPAS-KA), isang samahang aktibong lumalaban sa pangangamkam ng lupa ng pamilyang Sy sa lugar. Kinakamkam ng pamilya Sy ang lupang kinatitirikan ng kanilang barangay. Nagsisilbing pribadong goons ng mga Sy ang Selective Security Agency na talamak sa pandarahas sa mga magsasaka sa Hacienda Looc at iba pang mga negosyo ng pamilya Sy sa Batangas.

Samantala, mula Setyembre 22 ay hindi pa inililitaw ng berdugong 4th IBPA si G. Kitot, isang Mangyan-Hanunuo na taga-Sityo Gaang, Brgy. Panaytayan, Mansalay, Oriental Mindoro. Bago kunin si G. Kitot sa kanyang tahanan, nagdusa siya at ang kanyang pamilya sa kamay ng mga pasista. Iligal na hinalughog ang kanilang tahanan kung saan tinamnan siya ng dalawang baril. Pinalabas ng 4th IBPA na mga baril ng NPA ang kanilang nakuha kaya inimbestigahan at tinortyur si G. Kitot at kanyang anak. Lantaran pang binastos ang kanyang asawa na inalok ng pakikipagtalik sa harap ng kanyang tinotortyur na asawa. Matapos ang pambubugbog kay G. Kitot, ipinarada siya sa pamayanan upang magsilbing banta at babala sa kanyang kababaryo.

Ang pagdukot sa tatlong magsasaka sa rehiyon ay kabilang sa mga bagong kaso ng pandarahas laban sa mga magsasaka sa buong bansa. Higit na nakakapagpuyos ng damdamin ang paghahambog ni Marcos Jr. na “gumagalang” ang kanyang gubyerno sa karapatang tao sa harap ng dumaraming kaso ng paglabag ng AFP-PNP at paramilitar. Dapat gawin ang lahat ng makakaya upang ilitaw ang mga biktima at papanagutin ang mga salarin at ang teroristang estado.

Dapat kasuhan ang 4th IBPA at Selective Security Agency sa pagdukot at paglapastangan sa karapatang tao ng mga biktima. Kailangan ding papanagutin ang burgesya kumprador na pamilya Sy na nag-aatas sa mga bayarang goons na dahasin ang mamamayan para sa sakim nitong mga ambisyon sa Batangas. Nananawagan ang NDFP-ST sa mga mapagkawanggawang organisasyon at tunay na lingkod bayan na tulungan ang kaanak ng mga biktima na ipaglaban ang kanilang karapatan.

Maaasahan ng mamamayang Pilipino ang rebolusyonaryong kilusan sa pagkamit ng tunay na hustisya. Aabutin ng mahabang kamay ng hustisya ng demokratikong gubyernong bayan ang mga salarin at kriminal na AFP-PNP at mga amo nitong panginoong maylupa at burgesya komprador.###

3 dinukot na magsasaka, ilitaw! AFP at bayarang goons, singilin at papanagutin!