80th IB at 2nd ID: Halang ang kaluluwa, berdugo at walang konsensyang lumalabag sa IHL
Mariing kinukundena ng NDFP-ST at buong mamamayan ng Timog Katagalugan ang sagad-sa-butong kasamaan ng 80th IB at 2nd ID sa paglabag sa International Humanitarian Law (IHL) at panuntunan sa digma sa naganap na labanan sa pagitan nito at ng isang yunit ng Cesar Batralo Command-NPA Laguna noong Nobyembre 28 sa Barangay Bacong-Sigsigan, Famy, Laguna. Mulat at walang konsensyang nilabag ng berdugong tropa ang Protocol II ng Geneva Conventions na nagsasaad sa karapatan ng mga sibilyan o mga pwersang hindi direktang kalahok sa digmaan at karapatan ng mga armadong pwersa sa gitna ng sibil na digma.
Unang pinaputukan ng 80th IB ang mga Pulang mandirigma ng NPA Laguna sa bahayan ng Barangay Bacong-Sigsigan nang walang pagsasaalang-alang sa buhay ng mga sibilyan, lalo ng mga bata. Inatake ng 80th IB ang mga NPA na naglulunsad ng pagsisiyasat sa kalagayan ng mamamayan upang malaman ang suliranin at maglutas ng mga problema. Imbes na tiyakin ang kaligtasan ng mga bata sa gitna ng putukan, nag-atas pa ang mga berdugo na igapos ang mga bata. Matinding trauma ang dulot nito sa mga residente laluna sa mga bata na nakasaksi sa pamamaril at nakarinig sa mga sigaw ng militar.
Ang naturang krimen ng 80th IBPA ay paglabag sa Protocol II ng Geneva Conventions na nagtitiyak at nangangalaga sa makataong pagtrato sa panahon ng labanan, kabilang ang kaligtasan ng mga sibilyan. Dapat papanagutin ang AFP sa paglusob sa komunidad at ang tiyak na sikolohikal na pinsala nito sa mga residente laluna sa mga bata. Sa kabila nito, tigas-mukhang binaluktot ni BGen Ronald Jess Alcudia, komander ng 202nd Brigade, ang pangyayari sa paglulubid ng kasinungalingang “naunang nagpaputok” ang NPA.
Subalit malinaw sa mga residente ng Barangay Bacong-Sigsigan ang pangyayari. Nang magpaputok ang 80th IB, nagsikap ang yunit ng NPA na kagyat na lumayo sa bahayan at nagpatupad ng mahigpit na pagtitimpi upang tiyaking walang madadamay na sibilyan.
Sa proseso nito, nagbuwis ng buhay si Susan “Ka Gemma” Ritual, magiting na Pulang kababaihang kumander ng NPA Laguna. Walang puso ang 2nd ID, 80th IBPA at PNP Laguna sa pagbinbin ng labi ni Ka Gemma. Halos tatlong araw pinahirapan ang pamilya ni Ka Gemma kung saan pinagbawalan ang mga kaanak na masilip man lamang ang kanyang labi. Dagdag pa, nilinlang ng 91st IB ang anak ng kapatid ni Ka Gemma na sumama sa kanila mula Aurora patungong Famy. Bahagi ito ng presyur at saywar sa pamilya ni Ka Gemma para pumayag sa mga kagustuhan ng militar bago makuha ang labi. Samantala, habang hawak ng AFP ang labi ni Ka Gemma, kinuhanan ito ng litrato at ipinarada sa midya at social media. Iprinisinta si Ka Gemma bilang “amasona” at terorista. Sagad-sa-buto ang kayabangan at walang pagsasaalang-alang ng mga militar sa damdamin ng pamilya at mga kaanak ni Ka Gemma na gawin pang medalya ang kanyang bangkay. Hindi pa nasapatan, patuloy na tinatakot at hinaharas ng AFP ang mga kapamilya hanggang sa burol ni Ka Gemma.
Ang kawalang paggalang ng AFP sa kahilingan ng pamilya, pananakot sa mga kaanak at pagbinbin at paglapastangan sa mga labi ni Ka Gemma ay tahasang paglabag sa IHL. Isinasaad sa IHL Rule 113 at Additional Protocol II ng Geneva Conventions na bawat partido sa tunggalian ay dapat gawin ang lahat ng makakaya upang iwasang mabulok ang mga bangkay. Ipinagbabawal din ang pagkuha at pagpapakalat ng litrato ng mga labi.
Ang kabangisan ng AFP sa mamamayan ng Laguna at kaanak ni Ka Gemma ay desperasyon upang pagtakpan ang sariling kabiguan na malipol ang NPA sa probinsya. Sampal sa mukha ng AFP ang naganap na labanan sa Laguna matapos ideklara ang probinsya bilang “insurgency-free”. Higit nitong pinatunayang hungkag ang kabi-kabilang deklarasyong “insurgency-free” ng AFP at rehimeng US-Marcos II. Mangmang sila sa katotohanang ang rebolusyon ay nasa puso at diwa ng mamamayan na hindi mamemenos sa simpleng deklarasyon, paglalaro sa bilang ng mga napinsala sa labanan, nahuli o nanyutralisang rebolusyonaryong pwersa.
Marapat na ipagpatuloy ng mamamayan ng Laguna at buong Timog Katagalugan ang laban para sa karapatan, lupa, kabuhayan at kalayaan. Higit na paigtingin ang pakikibaka para singilin at papanagutin ang berdugong AFP-PNP. Marubdob na labanan ang terorismo ng rehimeng US-Marcos II.