Ang hamon ng panahon: suportahan ang magbubukid sa kanilang mga pakikibaka, baguhin ang mapang-aping lipunan!
Katangi-tangi ang buwan ng Oktubre para sa ating mga kabataan. Hindi lamang ito buwan ng paggunita natin sa ating mga magsasaka, kundi panahon rin na naghahamon sa ating ipagpatuloy ang daluyong ng pagpapanagot at paniningil sa lahat ng sangkot sa malawakang katiwalian at korapsyon sa bansa.
Isang buwan pa lang ang nakakalipas, noong Setyembre 21, nang naging kapuri-puri ang inisyatiba nating mga kabataan sa Cagayan Valley. Nakipag-ugnayan tayo sa iba’t ibang sektor ng lipunan upang magpakilos at magpalitaw ng mga pangangailangan sa mobilisasyon. Hawak natin ang malilikhaing mga placard at banner. Kinalampag natin ang lansangan ng mga panawagan para panagutin ang mga tiwali, pati na rin ang mga klasikong tulad ng “Makibaka, huwag matakot!” Malaman ang ating mga talumpati na nagmula sa ating mga karanasan bilang mga kabataang-estudyante at mga anak ng magsasaka.
Tila nataranta at natamaan ang ilang mga pulitiko at ang estado mismo, at agad na tinapatan ito ng harassment at intimidasyon, sa desperasyong mapapahupa nito ang galit ng mamamayan. Hindi inakala ng mga tiwaling upisyal na puputok ang galit ng mamamayan nang masiwalat ang isyu ng korapsyon sa flood control. Kaya’t kapansin-pansin na nag-uunahan ang mga pulitiko na pahupain ang isyu, maghugas-kamay at ibaling ang atensyon mula sa kanila—walang katapusan ang pagtuturuan habang nagpapakitang gilas sa mga inisyatibang pinagtatatakan ng mga pangalan at mukha nila.
Halatang-halata na ang pagkadesperado ng pinakamalaki at pinakamakapangyarihang kurakot na si Marcos Jr sa kanyang pagpunta sa mga biktima ng kalamidad, tulad ng mga nasalanta ng bagyo sa Gonzaga at Santa Ana sa Cagayan. Palpak na publicity stunt ang pamimigay umano ng ayuda sa iilang magsasaka, samantalang hindi tinutugunan ang malawak na panawagan ng mga magsasaka sa pagpapataas ng presyo ng palay at mais.
Kung akala nila ay matatabunan at mapapatahimik ang isyu ng korapsyon, nagkakamali sila. Sa mala-circus nilang pagtatanghal, nakikita ng mamamayan, laluna ng mga kabataan ang tunay na katangian ng naghaharing uri, na nag-aagawan lamang sa kapangyarihan at nag-uunahan sa pagnanakaw sa kaban ng bayan.
Malinaw na sistematiko ang problema ng ating lipunan, at radikal na pagbabago ang kailangan nito. Ang tatlong batayang problema ng ating lipunan ay lantad na sa harap ng ating mga mata. Tampok ngayon ang burukrata-kapitalismo, sa paggamit ng mga pulitiko sa kanilang mga pwesto para makakuha ng mga kikbak sa mga proyekto ng gubyerno. Malinaw kung paanong taun-taong tinatapyasan ang badyet para sa edukasyon samantalang limpak-limpak na salapi ang ibinubulsa ng mga burukrata. Laksang kabataan ang pinagkakaitan ng karapatang mag-aral at inaagawan ng kinabukasan habang nabubuhay sa luho at karangyaan ang mga pulitiko gamit ang pera ng taumbayan. Milyong kabataan ang naitutulak huminto sa pag-aaral upang kumayod at maraming gradweyt ang kontraktwal o mas malala walang trabaho samantalang nagpapakasasa ang mga “nepo baby” at pamilya ng mga korap mula sa dugo’t pawis ng mamamayan.
Kita na rin kung paano dito sumasalalay ang imperyalismo—ang mga burukrata kapitalista ang naglalako sa mga dayuhan ng mga lupang dapat sana para sa mga magsasaka. Dahil sa kanila, madaling nakakuha ng permit na makapagnegosyo o makapagmina sa ating bansa, tulad na lang sa madulas na pagbigay ng exploration permit (EP) sa Woggle Corporation sa Dupax del Norte, Nueva Vizcaya.
Ganito rin kadaling napakilos ng imperyalistang US ang papet na administrasyong Marcos Jr., na gawing base-militar ng U.S. ang Pilipinas sa pamamagitan ng pagpapalakas ng EDCA, at pagtulak na magtalaga ng karagdagang lokasyon na ipapagamit sa US military, kahit pa malinaw nitong ipinapahamak ang sambayanang Pilipino at isinusuko ang soberanya ng bansa sa napipintong giyera laban sa Tsina.
Malinaw din ang pag-iral ng pyudalismo, sa pagpapasa ng mga burukrata-kapitalista ng mga batas tulad ng mga huwad na reporma sa lupa at Rice Liberalization Law na nagpapayaman sa mga panginoong maylupa, usurero-komersyante at mga dayuhan habang nagdurusa ang mga magsasaka sa bagsak na presyo ng palay at kawalan ng lupa.
Naging lantaran din kung paano ginagamit ng naghaharing uri ang pasismo para panatilihin ang kapangyarihan nito. Habang pinag-aaresto at pinagbubugbog ang mga kabataan sa Mendiola, sa ating rehiyon ay pinatatahimik ang mga kritikal na publikasyon at lider-estudyante ng mga kolehiyo.
Ilan lamang itong mga halimbawa ng mukha ng imperyalismo, pyudalismo, at burukrata-kapitalismo. Pero mas malalim nating maiintindihan ito sa pakikipamuhay sa pinakanaaapektuhan nito—ang mga manggagawa’t magsasaka. Ngayong buwan ng magsasaka, samahan natin sila sa kanilang mga pagkilos. At siyempre, lampas pa rito, samahan natin sila sa kanilang pakikibaka. Malaking tulong sa kanila ang mga kakayanan natin bilang kabataan at estudyante sa kanilang pagharap sa mga usurero at panginoong maylupa. Kasabay nito, mas maiintindihan natin ang karanasan ng isa sa mga pinakaaping uri, na siya ring nagpapakain sa sambayanan.
Sa paggagap natin sa kontradiksyong ito, mas napapalalim natin ang sagot sa mga suliranin ng ating lipunan—ang lahatang-panig na pagbabago ng bulok na sistema sa pamamagitan ng rebolusyon. Ang pagtindig kasama ng mamamayan sa harap ng marahas na panunupil ng estado ang magkukumpirma na tanging armadong pakikibaka lang ang makakaagaw ng kapangyarihan mula sa kasalukuyang naghaharing uri.
Ang pagbabago ng lipunan ay isang napakalaking hamon na kung mag-isa lang nating iisipin ay talagang suntok sa buwan. Ito ay isang matagalang laban at ang ating pagkakaisa ang magiging sandigan. Sa pamamagitan ng pagbubuo ng mga organisasyong masa at mga alyansa, makakapagkasa tayo ng mga sistematikong pag-aaral, kampanya at tuluy-tuloy na pagkilos laban sa korapsyon. Higit pa, maitataas natin ang antas ng paglaban mula sa pagpapanagot sa mga kurakot tungo sa pagbabago ng buong umiiral na sistema at paglulunsad ng armadong rebolusyon.
Kabataan ng Lambak Cagayan, sagutin natin ang malaking hamon na ito. Pandayin natin ang ating lakas para sa mas mahabang laban. Pag-aralan ang lipunan, makipamuhay sa masa, sumampa sa Bagong Hukbong Bayan! Baguhin natin ang sistema at magrebolusyon!