Balikan ang kasaysayan, ipagpatuloy ang diwa ng paglaban ni Simeon Ola at iba pang bayaning Bikolano! Isulong ang rebolusyon!

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Ginugunita ngayon ng masang Bikolano ang kaarawan at ipinagdiriwang ang kabayanihan ng isa sa mga kapita-pitagang anak ng bayan na si Simeon Ola ng Albay. Ngunit higit sa pagkakaroon ng isang araw na holiday, mga seremonya at panandaliang pagkilala, ang pinakamataas na pagpupugay na maibibigay ng mga kapwa Bikolano ni Kapitan Simeon ay ang pagyakap sa landas ng pagrerebolusyon.

Sa kanyang panahon noon, ang pagsapi sa Katipunan ay tinuturing ding krimen. Sinisiraan ng Simbahan at ng gubyernong Espanyol ang naturang kilusan at tinataguriang erehe, tulisan at kalaban ng estado. Lihim ang pagsapi dahil napakamapanganib ang mabansagang Katipunero – hindi lamang tortyur kundi kamatayan ang katumbas nito. Huwag na umanong mag-armas ang mamamayang Pilipino. Wala umano itong idudulot na kabutihan at magdadala lamang ng kaguluhan, kahirapan at sapin-saping kalungkutan sa malawak na masa.
Ngunit hindi nagpatinag ang mabubuting anak ng bayang tulad ni Simeon. Alam nilang tanging sa landas ng paglaban matatagpuan ang matagal na nilang hinahangad na kalayaan at tunay na katarungang panlipunan hindi lamang para sa kanila kundi para sa susunod na henerasyon. Humugos ang mga magsasaka, manggagawa, mga intelektwal at propesyunal at laksa-laksang nag-armas. Tugisin man ng gubyerno, malinaw sa kanila ang katwiran ng kanilang digmang bayan. Buong tatag nilang yinakap ang anumang sakripisyo at kahirapang kakambal ng kanilang pagrerebolusyon para sa bayang kanilang labis na minamahal.

Ang kwentong ito ni Simeon Ola, ng Katipunan at ng malawak na mamamayang Pilipinong nag-aalsa ay karugtong ng demokratikong rebolusyong bayan na isinusulong ngayon ng CPP-NPA-NDF. Hanggang ngayon, napakarami pa ring mga tunay na anak ng bayan na iniwan ang kanilang mga kinalakhan at nag-aalay ng kanilang buhay para sa mithiin ng tunay na paglaya at isang bukas na tunay na magsisilbi sa nakararami. Tugisin man ng pasistang gubyerno, siraan at tawaging terorista, malinaw sa mga rebolusyonaryo ng kasalukuyang panahon na makatwiran ang pag-aarmas ng masa at ang pagtatanggol sa sarili laban sa mga pwersa ng pagsasamantala at pang-aapi.

Ito ang aral at hamon sa lahat ng Bikolano sa kasalukuyan. Ang kaarawan ni Simeon Ola ay paalala sa lahat na ang tunay na kabayanihan ay nasa mahigpit na pagtangan sa interes ng masa anuman ang maging pagsubok sa daan. Ito ay ang pagbalikwas mula sa agos at pagyakap sa landas ng armadong rebolusyon.

Hindi dapat katakutan at katigan ang husga ng naghaharing estado. Kailanman, hindi pagpupugayan ng naghaharing-uri ang mga tunay na bayani ng masa. Mula noon hanggang ngayon, terorista, erehe at kalaban ng estado ang taguri sa mga tunay na nagmamahal sa kalayaan at sa bayan. Bahagi lamang ito ng mga balakid na kailangang lampasan ng masang nag-aalsa upang makamit ang kinabukasang magsisilbi sa kanila. Sa huli, tulad ng mga tinaguriang ereheng Katipunero, kasaysayan ang huhusga kung sino ang tunay na terorista at sino ang tunay na bayaning naglingkod interes ng masa.

Balikan ang kasaysayan, ipagpatuloy ang diwa ng paglaban ni Simeon Ola at iba pang bayaning Bikolano! Isulong ang rebolusyon!