Pahayag

Coco levy fund, ibalik sa magsasaka! Enrile at mga kroni, panagutin sa pandarambong sa mga magsasaka!

,

Mariing kinukundena ng NDFP-ST ang pagbabasura ng first division ng Supreme Court (SC) sa kasong graft kaugnay ng coco levy fund (CLF) na nakasampa laban kay Juan Ponce Enrile. Pinasisidhi nito ang kawalang katarungan para sa mga magsasaka sa niyugan na pinagnakawan ng diktadurang US-Marcos at kanyang mga kroni kabilang si Enrile.

Sa paggulong ng bulok na reaksyunaryong sistema ng hustisya, dinismiss ang kaso sa batayang nilabag umano ang karapatan ni Enrile sa speedy trial o mabilis na pagdinig ng kaso. Kinasuhan si Enrile kasama sina Eduardo Cojuangco Jr., Jose R. Eleazar Jr., Maria Clara Lobregat, Augusto Orosa, dela Cuesta, Ursua at Pineda ng graft dahil sa pagmamanipula nila sa CLF. Ang Office of the Solicitor General ang nagsampa ng kaso noong 1990, matapos matuklasang nagkutsabahan ang mga ito bilang board members ng United Coco Planters Bank para mailipat sa kumpanya ni Cojuangco Jr. ang P840 milyon.

Kabalintunaan ang sinasabi ng SC na nalabag ang karapatan ni Enrile gayong siya ang may kasalanan sa taumbayan. Ang napakatagal na pag-usad ng kaso laban sa grupo nina Enrile ay resulta ng pagmamaniobra ng mga pseudo-demokratikong rehimen para protektahan ang mga kroni ni Marcos. Sa katunayan, sing-aga ng Disyembre 1997 ay may pagsisikap na ang opisina ng Ombudsman na ibasura ang kasong ito. Patunay itong pakitang-tao lamang ang pagkukundena ng mga rehimen pagkatapos ng diktadura sa pamilya Marcos dahil patuloy naman ang pakikipagkutsabahan ng mga ito sa mga kroni’t alipures ni Marcos.

Dahil sa di napapatid na pagsasabwatan ng mga sakim na pamilya, nananatili ang dominasyon ng mga maka-Marcos na burukrata at mismong pamilyang Marcos-Romualdez sa pulitika habang nananatili ang monopolyo ng mga kroni ni Marcos sa industriya ng niyog. Lumaki pa nga ang negosyo ng mga ito at nakapasok pa sa ibang sektor ng ekonomya. Napakalaki ng tinubo ng pamilya Enrile sa pagtotroso. Ang mga Enrile ay mayroon na ring kumpanya o sapi sa mga kumpanya sa real estate, pagkain, serbisyo sa pinansya, serbisyong panseguridad, distribusyon at lohistika. Nagmula ang salaping ginamit sa pagpapalawak ng kanilang negosyo sa dugo’t pawis ng mga magniniyog.

Lumaki na nang lumaki ang yaman ni Enrile at pamilya ng mga kroni ni Marcos pero patuloy na lumulubog sa kumunoy ng kahirapan ang mga magniniyog. Bagsak ang presyo ng kopra at bawas ang produktibidad ng mga niyugan bunsod ng tagtuyot, mga natural na kalamidad, pagpapalit gamit ng lupa at umiigting na militarisasyon. Wala pa ring lupa ang kalakhan ng magniniyog at biktima ng mapagsamantalang kaayusan ng partehan at mga iligal na kaltas. Said ang kita habang sumisirit ang presyo ng langis, pagkain at iba pang batayang pangangailangan. Nagiging higit na makatwiran ang paggigiit na ibalik sa mga magsasaka ang CLF para ibsan ang kanilang labis na kahirapan.

Kung tutuusin, ang tunay na pinagkaitan ng karapatan at hustisya ay ang mga magsasaka sa niyugan na halos limang dekada nang nakikibaka para bawiin ang CLF na ninakaw sa kanila ng diktadurang Marcos. Kung anu-anong mekanismo ang iniimbento ng estado para panatilihin ang pondo sa kamay ng korap na gubyerno at sa mga kumpanyang pag-aari ng mga kroni ni Marcos. Nariyang pinaboran ng korte ang pag-aangkin ni Cojuangco Jr. sa 20% ng sapi sa San Miguel Corporation na binili gamit ang CLF. Walang kwenta ang mga deklarasyong isasauli sa mga magsasaka ang CLF dahil inilagak ang pondo sa isang trust fund na mahirap i-akses ng karaniwang magsasaka. Ginawang kumplikado ang aplikasyon para maging benepisyaryo ng CLF kaya’t matataas na saray lamang ng magsasaka hanggang pamilyang panginoong maylupa ang nakikinabang sa pondo. Iniulat ring maraming aberya at kamalian sa ipinatutupad na registry system ng mga benepisyaryo ng CLF.

Sinasamantala rin ng mga burukrata ang mga butas sa reaksyunaryong batas sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga pekeng organisasyong magsasaka na gagamitin sa pagkubra ng CLF. Matatandaang ilang beses nagmaniobra ang mga burukrata para iantala ang distribusyon ng pondo.

Tunay na hindi matatamo ng mga magsasaka ang katarungan hangga’t nananatili ang malapyudal at malakolonyal na sistema sa bansa. Sa ilalim ng ganitong tipo ng lipunan, ang hustisya ay umiiral lamang para sa mga may kapangyarihan at mayayaman. Dapat magsikhay ang masang magsasaka at sambayanang Pilipino sa pagsusulong ng pambansa demokratikong rebolusyon para makamit ang tunay na hustisya.###

Coco levy fund, ibalik sa magsasaka! Enrile at mga kroni, panagutin sa pandarambong sa mga magsasaka!