Dagdag ₱35 sa arawang sahod sa EV, mapang-insulto sa kabataan
Barya lang at mapang-insulto sa kabataang manggagawa ang idineklara ng DOLE-Region 8 na ₱35 na umento sa arawang sahod sa pribadong sektor sa Eastern Visayas. Mas grabe pa, inutay-utay pa ito para maging epektibo ang ₱17 na umento ngayong taon, habang ang natitirang ₱18 ay idadagdag sa Hunyo 2026 pa. Mas mabilis pang magmahal ang mga produktong petrolyo kaysa tumaas ang sahod ng mga manggagawa.
Lalabas na magiging ₱470 ang bagong arawang sahod sa EV, na nasa 40% lang ng ₱1,200 na nakabubuhay na arawang sahod. Nasa ₱440 naman ang magiging sahod para sa mga manggagawang agrikultural, o 37% ng ₱1,200. Ang bagong buwanang sahod ng mga kasambahay na ₱6,400 ay papatak lamang bilang ₱213 kada araw. Kung itutumbas sa bilis na pagmahal ng mga bilihin, napawawalang-saysay lang din ang wage hike na ito.
Samantala, walang solusyon ang rehimeng US-Marcos para sa libu-libong manggagawa sa rehiyon na nagtatrabaho nang walang tinatanggap na regular na sahod. Ayon mismo sa datos ng reaksyunaryong gubyerno noong 2022, mayroong 637,000 manggagawa na “self-employed.” Sila ang mga pinagtitiis sa hindi istableng paghahanapbuhay, sa pagraraket, pagsa-sideline, o pagha-“hustle” para lang makaagapay. Mas grabe pa, mayroong 205,000 na nagtatrabaho nang walang tinatanggap na sahod bilang empleyado sa negosyo ng kanilang pamilya.
Ito ang madilim na kinabukasan na naghihintay sa mga kabataan, na siyang magiging manggagawa sa hinaharap. Binabarat ang kanilang sahod, at kulang at walang katiyakan ang kanilang empleyo. Samantala, patuloy na lumolobo ang kita ng pinakamalalaking panginoong maylupa at negosyante, na siya ring mga makapangyarihang dinastiyang pampulitika sa rehiyon at numero unong nagpapatupad ng pyudal at malapyudal na pagsasamantala sa mamamayan.
Nananawagan ang KM-Eastern Visayas sa aming kapwa kabataan na itakwil ang kasalukuyang sistemang malakolonyal at malapyudal, lumahok sa demokratikong rebolusyong bayan. Huwag nating manahin ang ganitong klaseng kinabukasan. Tayo’y magkaisa, ibagsak ang naghaharing sistema at kumilos upang baguhin ang tadhana ng ating bayan.