Pahayag

Dakilain ang alaala ni Ka Sandy: Kabataan, tanganan ang pamana ng rebolusyon!

Ginugunita ng NDFP-ST ang isang taong anibersaryo ng pagkamatay ni Josephine “Ka Sandy” Mendoza. Si Ka Sandy ay naging kagawad ng Komite Sentral at ikalawang pangalawang kalihim ng Komiteng Rehiyon ng Partido sa Timog Katagalugan. Pumanaw siya noong Nobyembre 10, 2023 sa karamdaman. Muli, nagbibigay-pugay ang NDFP-ST sa dakilang buhay at pakikibaka ni Ka Sandy.

Pinakamahusay na paraan ng pagpupugay kay Ka Sandy ang pagbabalik-aral sa kanyang mga ambag at paghalaw ng inspirasyon mula rito upang ibayong isulong ang rebolusyon. Inilaan niya ang mahigit apat na dekada ng kanyang buhay sa paglilingkod sa rebolusyon para sa inaapi at pinagsasamantalahang mamamayan. Iniluwal siya ng masiglang kilusang kabataan laban sa diktadurang US-Marcos noong dekada 1980. Sumapi siya sa Kabataang Makabayan at di nagtagal, naging kasapi ng Partido. Kabilang siya sa mga nagtatag ng Samahan ng Kabataang Mindoreño. Tumugon siya sa panawagang tumungo ng kanayunan at sumapi sa NPA noong 1984.

Kumilos siya sa sonang gerilya ng Mindoro bilang kabataang kadre at naging bahagi ng pagsusulong ng gawaing edukasyon, propaganda at kultura at gawaing nagkakaisang prente sa isla. Dito na rin nasanay ang kanyang rebolusyonaryong praktika, nahubog bilang proletaryado at nagpundar ng rebolusyonaryong pamilya. Taong 1994, tinanggap niya ang hamon ng pagpupundar ng iba pang mga sonang gerilya sa rehiyon. Itinalaga siya sa Palawan at tumuwang sa matagumpay na pagtatayo ng tatlong sonang gerilya. Matapos nito, gumampan siya ng susing papel sa rebolusyonaryong kilusan sa kalunsuran at sa pagpapalakas ng pakikibakang masa sa panahon ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto.

Napapanahon ang pagdakila sa mga martir at lider kagaya ni Ka Sandy sa darating na ika-60 anibersaryo ng Kabataang Makabayan. Si Ka Sandy na nagsimulang kumilos sa panahon ng kanyang kabataan ay nagpamalas ng hindi matatawarang debosyon para sa pagsusulong ng rebolusyon anuman ang kalagayan saanmang yugto ng kanyang buhay. Sinuong niya ang kahirapan sa gitna ng diktadurang Marcos hanggang sa kasalukuyang pasistang estado ng rehimeng US-Marcos II. Niyakap niya ang mga sakripisyong kailangang batahin ng bawat rebolusyonaryo. Tinalikuran niya ang maalwang buhay at petiburges na pangarap upang makapiling at maglingkod sa masang anakpawis. Habang nagpupundar ng rebolusyonaryong pamilya, tiniis niya ang pagkawalay sa mga anak upang itayo ang mas magandang bukas para sa susunod na mga anak ng bayan. Ultimong sakripisyo niya ang pag-aalay ng buong buhay sa rebolusyon hanggang sa huling hininga.

Dapat na magsilbing inspirasyon ang buhay at pakikibaka ni Ka Sandy at mga katulad niya sa bagong henerasyon ng mga rebolusyonaryo. Sa gitna ng mapanghamong panahon, kailangan ang mahigpit na kapit sa mga aral at pamanang iniwan ng mga naunang martir at sa wastong prinsipyo ng Marxismo-Leninismo-Maoismo. Patuloy na pagyamanin ang kanilang dakilang ambag na puhunan sa pagpapanibagong sigla.

Marapat ialay ang selebrasyon ng darating na ika-60 anibersaryo ng Kabataang Makabayan sa mga dakilang martir nito kagaya nina Jose Maria “Ka Joma” Sison, Wilma Tiamzon, Benito Tiamzon, Concha Araneta, Jude Rimando at iba pa. Higit na dakilain ang kanilang alaala sa puspusang pakikibaka at pagsisikhay sa gawain.

Hinahamon ang mga kabataan ng kasalukuyang panahon na malalim na sapulin ang kanilang pinagmulang uri at hubugin ang sarili tungong mga proletaryado upang iangat ang kamulatan at yakapin ang buhay-rebolusyonaryo. Tulad ni Ka Sandy, maaabot ng mga kabataang Pilipino ang pinakamataas na potensyal at ambag sa lipunan kung buu-buong iaambag ang sarili sa pagsusulong ng pambansa-demokratikong rebolusyon hanggang makamit ang sosyalismo.

Ipagpatuloy ang rebolusyonaryong simulain ng mga dakilang martir at bayani ng sambayanan!

Dakilain ang alaala ni Ka Sandy: Kabataan, tanganan ang pamana ng rebolusyon!