Dapat magkaisa ang mga Masbatenyo at NPA para sa pagpapahinto ng operasyon ng Filminera Mining!
Mariing kinukundena ng mamamayang Masbatenyo ang kumpanyang Filminera Mining sa paggamit ng dahas at panlilinlang bilang bahagi ng agresibo nitong pagpapalawak ng operasyon. Nananawagan ang Jose Rapsing Command-NPA Masbate sa mga Masbatenyo na huwag magpatinag sa pandarahas at panlilinlang ng Filminera Mining at lumaban kasama ang NPA upang tuluyang mapahinto ang mapaminsalang operasyon ng kumpanya.
Nakatakdang simulan ng Filminera ang exploration activities nito sa taong 2025 target ang mga kabundukan ng Bagulayag, Uac at Irong-irong sa gitnang bahagi ng prubinsya. Walang awat ang mga operasyong militar sa mga bayang tinatahi ng naturang mga kabundukan partikular ang bayan ng Uson upang maghasik ng takot sa mga residente at pwersahin silang sumang-ayon sa pagsagasa ng dambuhalang mina sa kanilang komunidad.
Naiulat din kamakailan sa ilang komunidad sa bayan ng Baleno ang pambabanta ng Filminera sa mga magsasaka na papatayin kung hindi ipapagamit ang kanilang lupa para sa exploration ng naturang kumpanya sa mina.
Kasabwat ng Filminera ang militar at si Gov. Antonio Kho sa pandarahas sa mga magsasaka, mga may-ari ng lupa at maliliit na minero. Inatasan ng gubernador ang.mga tauhan nito na pagbantaan ang mga upisyal ng barangay sa bayan ng Uson at pwersahing gumawa ng resolusyong nagpapahintulot sa exploration activities ng Filminera sa naturang bayan.
Maaalalang ilang magsasaka na ang pinatay ng militar sa mga baryong pakay pagminahan ng Filminera tulad nina Randy Mahinay, Roger Clores at Ronnel Abril upang lunurin sa takot ang mga residente. Hindi rin dapat malimutan ang panganganyon ng 2nd IBPA sa Mt. Bagulayag noong 2023.
Ilang mga small-scale mining operations din ang kinikikilan ng militar ng labis-labis na patong upang pwersahin itong tumigil sa kanilang hanapbuhay tulad ng karanasan ng mga paralimbas sa Barangay San Jose, bayan ng Uson.
Sa likod ng dahas militar, naglulunsad ng mga bogus na konsultasyon ang Filminera sa ilang mga barangay sa Uson tulad ng Madao dala-dala ang iba’t ibang panlilinlang tulad ng livelihood, eskwelahan para sa mga bata at iba pang panlilinlang para lasunin ang isip ng masa na maghahatid ng kabutihan at kaunlaran ang dambuhalang minahan sa kanilang lugar. Tiyak ding mag-aalok ng kabayaran ang Filminera upang mapuwersa ang mga residente na ibenta ang kanilang lupa.
Winasak ng Filminera ang kapaligiran, lupa, kabuhayan at kinabukasan ng mga Masbatenyo kapalit ng tone-toneladang yamang nalimas ng Filminera. Sa datos pa lamang ng gubyerno mula 2009–kung saan bumwelo na ang operasyon ng Filminera—hanggang 2023, humigit-kumulang 85,000 kilo ng ginto ang deklaradong naproseso sa halagang higit P130 bilyon. Walang napakinabangan ang mga Masbatenyo sa tone-toneladang naminang ginto na ito.
Magiging madilim ang buhay ng Masbatenyo, laluna ng mga mamamayan ng Uson kung makapaglawak ng operasyon ang Filminera sa kanilang lugar. Matutunaw ang Mount Bagulayag, isa sa mga nalalabing kabundukan ng prubinsya, at siyang pinagkukunan ng masa ng pangangailangan para sa tubig, pagkain, lupa at kabuhayan. Mawawalan ng lupa at kabuhayan ang karamihan. Mapupuno ng nakalalasong kemikal ang mga tubig at lupa.
Lalong magiging bulnerable ang Masbate sa mas mapaminsalang epekto ng mga kalamidad tulad ng bagyo at lindol. Buo-buong komunidad ang maaaring malubog sa lusaw na lupa sa isang iglap. Hindi na rin makapamumuhay nang mapayapa ang mga residente sa lugar dahil sa araw-araw pag-blasting ng minahan, liban pa sa pangambang hatid ng nakapalibot na mga kampo ng militar.
Lalong nagiging nararapat para sa mga Masbatenyo na palakasin ang kanilang pagkakaisa at pagsuporta sa rebolusyonaryong kilusan bilang natatanging pag-asa upang labanan ang banta ng Filminera.
Dapat na samantalahin ng mga Masbatenyo ang nalalapit na halalang 2025 upang hamunin ang mga lokal na upisyal ng gubyerno na manindigan laban sa ekspansyon ng Filminera. Maraming mga pulitiko ang tutol sa pagpapalawak ng Filminera subalit nag-aalangan na ilantad ang kanilang paninindigan sa takot na balikan ng mga Kho. Kailangan silang hikayatin na makiisa sa anumang paraan. Dapat namang panagutin ang mga naghaharing angkan sa prubinsya tulad ng mga Kho bilang promotor ng mapangwasak na pagmimina sa prubinsya.
Higit sa lahat, dapat ibayong palakasin ng mga Masbatenyo ang kanilang tunay na Hukbo. Kailangan ng NPA ng mas maraming Masbatenyo na handang mag-armas upang panagutin ang Filminera at kasabwat nitong mga militar. Kailangang ibukas ng mga komunidad ang kanilang mga pintuan para mabigyang paglilinaw at gabay ng Hukbo paano haharapin ang pananalasa ng Filminera.
Nawa’y gawing inspirasyon ng mga Masbatenyo ang ika-56 anibersaryo ng bagong tatag na Partido Komunista ng Pilipinas upang harapin anumang hamon at pagsubok at lumaban para sa magandang kinabukasan ng prubinsyang Masbate.