Deklarasyon ng national state of calamity ng rehimeng US-Marcos II maniobra para sa pampulitikang kaligtasan hindi para sa bayan!
Ang deklarasyon ni Marcos Jr na buong taong national state of calamity ay isang pampulitikang maniobra upang iligtas ang sarili sa bumubulwak na galit ng mamamayan sa pagkalantad ng gabundok na anomalya sa flood control project at iba pang imprastrukturang pang-agap sa mga sakuna. Inilabas ang deklarasyon noong Nobyembre 5 bilang tugon sa pinsalang iniwan ng bagyong Tino at paghahanda sa noo’y di pa nakakapasok na bagyong Uwan. Layunin diumano ng rehimen na mas mabilis na ilabas ang mga quick response fund (QRF) para sa mga biktima ng mga kalamidad.
Habang ang sambayanan ay nalulunod sa baha at banlik, nasira ang mga pananim at iba pang pagkakakitaan sa sunud-sunod na bagyo, ang deklarasyong ito ay nagsisilbiung salbabida ng rehimen at hindi para isalba ang biktima ng kalamidad. Sa laki ng pinsala sa kabuhayan ng mamamayan, ga-mumo ang ayuda at tiyak na hindi naman maililigtas nito ang mga biktima sa kagutuman at kahirapan. Samantala, inuuga ngayon ng pampulitikang krisis ang rehimen na pinalalim pa ng pagkalantad ng papel ni Marcos Jr sa daang-bilyong anomalya sa flood control at iba pang proyektong pang-imprastruktura. Kaya ang deklarasyon ay isang dramatikong aksyon para maibsan ang sumasambulat na galit ng mamamayan. Dramatiko subalit kapos sa nilalaman.
Kulang na kulang ang pondong inilalaan ng gubyerno para rito. Halimbawa, matapos ang bagyong Tino, may ₱760 milyon na inihanda ang Office of the President (OP) bilang cash assistance para sa 2,100,905 na biktima ni Tino sa buong bansa kabilang dito ang 1,026 na pamilya sa Mindoro. Kung hahatiin ito sa lahat ng biktima, mayroon lang ₱361.75 inilaan para sa kada indibidwal. Kung tutuusin, konserbatibo pa ang datos sa bilang ng biktima dahil ang mas marami ay hindi naman naitatala ng mga ahensya ng gubyerno.
Ang dalawang probinsya ng Mindoro ay makatatanggap lamang ng tig-limang milyon mula sa ₱760 milyong pondo ng OP. Tila limos ito sa bilyong pinsala sa agrikultura at iba pang kabuhayan ng mga Mindoreño.
Bukod sa maliit na pondong inilalaan dito, pinahihirapan pa ang mga biktima ng kung anu-anong rekisitos para makatanggap ng ayuda. Sa gastos pa lang sa pagpapauli-uli sa mga opisina ng gobyerno, at sa maligoy na proseso, kaya sinusukuan na nila ang paghahabol dito. May bisa ang deklarasyon ng state of calamity na pabilisin ang pagrelis ng ayuda, pero sa aktwal ay tumatagal nang buwan, minsan pa nga taon, bago matanggap ito ng mga biktima.
Sa kairalan, ang mga QRF at iba pang pondo pang-ayuda ay kagaya din ng mga pondong pang imprastruktura na mabilis at madaling makulimbat ng mga burukrata sa lahat ng antas ng gubyerno. Bago makarating sa mamamayan, kanya-kanyang tapyas na ang mga korap na upisyal ng gubyerno, kaya di na nakakapagtaka ang limitadong saklaw ng ayuda at mabagal na pamamahagi nito. Dagdag na anomalya pa ang pulitikahan kung sino ang makatatanggap ng ayuda lalo na kapag papalapit na ang eleksyon. Maluwag ang daloy ng pondo sa mga pulitikong kapartido at tagasunod ng mga burukratang nasa tuktok ng kapangyarihan.
Krimen sa bayan ang pandarambong sa pondong pang-ayuda sa mga biktima ng kalamidad. At kahit ang mismong kabagalan ng paghahatid nito sa nangangailangan ay malaking pagpapabaya sa tungkulin. Kaya masasabing inutil at kriminal ang rehimeng ito sa pagtugon sa mga kalamidad. May pananagutan dito ang kasalukuyang rehimeng Marcos Jr. at maging ang naunang mga rehimen, kabilang ang rehimeng Duterte sa kabulukan sa mga ayudang pangkalamidad
Samantala, ang papalalang mga sakuna sa bansa—mga malakas na bagyo, mahahaba at matitinding tagtuyot at iba pang abnormalidad sa panahon—ay hindi gawa ng karaniwang tao, lalong hindi ng Diyos, kundi hatid ng pandaigdigang sistemang ipinataw ng imperyalismo—ang pinakamataas na yugto ng kapitalistang sistema. Kasibaan ng mga imperyalista na magkamal ng super tubo ang nagtutulak sa paligsahan sa pandarambong ng mga likas na yaman sa lahat ng dako ng mundo. Binungkal na ang malalawak na kabundukan at kinalbo na ang mga kagubatan para sa mga hilaw na materyales. Nagbuga nang nagbuga ang mga pagawaan ng mga kapitalista ng lason sa lupa, hangin at tubig para sa sobra-sobrang produksyon ng mga kalakal na hindi rin naman kayang bilhin ng mayorya ng populasyon na binubuo ng masang anakpawis. Dahil sa paligsahan para makontrol ang mga pinagmumulan ng mineral, likas ng yaman at hilaw na materyals, naging kasingkahhulugan ng pananakop at digmaan ang imperyalistang dominasyon. Ito ang dahilan kung bakit hindi alpasan ng US ang Pilipinas sa saklaw ng kanyang pang-ekonomiya, pampulitika, kultural at pangmilitar na kontrol.
Ang tugon sa kalamidad ng rehimen ni Marcos Jr ay nakaayon din sa dikta ng US. Hindi pinapanagot ang mga imperyalistang negosyo na nangwasak at patuloy na nangwawasak sa kalikasan. Nakasentro ang mga plano sa pagharap sa mga kalamidad sa mga programang para pa rin sa ganansya ng mga lokal na naghaharing uri at ng mga dayuhang negosyo at bangko. Halimbawa, ang pangungutang ng bilyun-bilyon para sa mga calamity fund sa mga dayuhang bansa at negosyo na ibubulsa lang din naman ng mga upisyal sa gubyerno. Maski ang pagkahibang ng gubyerno sa mga proyektong flood control at iba pang proyektong imprastraktura ay tulak ng mga imperyalistang bansa na nakikisosyo at nagpopondo sa mga ito. Sinasamantala rin ang mga sakuna upang lalong makapanghimasok ang militar ng US at iba pang bansa sa pakunwaring mga “humanitarian mission” pero sa kaibuturan ay pagsasanay militar bilang paghahanda ng imperyalistang US sa pagputok ng digmaan nito sa Tsina.
Tiyak na sa susunod na mga taon ay dadalas at lalala pa ang mga sakuna dahil sa patuloy na pangwawasak ng imperyalismo sa kalikasan kasabwat ang mga rehimeng nakaupo sa poder. Sa ilalim ng rehimeng US-Marcos II, tiyak din ang ibayong pagdurusa ng mamamayan. Laging ipapapasan sa mamamayan ang pagharap sa mga sakuna gayong hawak ng reaksyunaryong gubyerno ang pera at lahat ng pamamaraan upang solusyonan ang mga ito. Subalit ginagamit lang din ng mga lokal na naghaharing uri at ng imperyalismo ang mga sakuna upang lalong magkamal ng yaman at kapangyarihan.
Kaya nananatili pa rin na ang tanging pag-asa ng mamamayan ay ang kanilang pagbangon at paglaban para sa sariling kagalingan at kinabukasan.
Habang kumikilos ang taumbayan para mapanagot ang rehimen ni Marcos Jr. sa kanyang kainutilan at mga krimen sa bayan, dapat mapagkaisa at mapakilos ang mamamayan laban sa tunay na ugat ng kanilang kahirapan—ang malakolonyal at malapyudal na naghaharing sistema. Dapat na sumigla at dumami ang mga pakikibakang masa para sa pagtatanggol ng lupa, tubig at iba pang likas-yaman laban sa pandarambong ng imperyalismo at mga lokal na ahente nito.
Dapat palaganapin ang programa ng demokratikong rebolusyong bayan bilang tugon sa papalalang mga sakuna. Ang pagwawakas sa kontrol ng imperyalismo, mga malaking burgesya kumprador at mga panginoong maylupa sa buong buhay pang-ekonomya at pampulitika ng bansa ang tanging garantiya na mapangalagaan ang kalikasan, kabuhayan, at karapatan ng mamamayan. Sa pagtitindig ng isang gubyernong bayan, mahahawakan ng mamamayan ang karapatan at kapangyarihan na gamitin at linangin ang mga yaman ng bansa para sa pangangailangan at interes ng sambayanan.
Mamamayang Mindoreño, magkaisa at singilin ang rehimeng US-Marcos II para sa pabaya at inutil na tugon sa mga sakuna!
Panagutin ang imperyalismong US at mga lokal na naghaharing uri sa pandarambong at pagwawasak sa kalikasan!
Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan para ipagtanggol ang kalikasan at kinabukasan ng mamamayan!