Digmang bayan, solusyon sa kagutuman at kahirapan!

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Oras-oras, minu-minuto, nakikipagbuno ang malawak na hanay ng mamamayang Pilipino laban sa kagutuman. Sa kalunsuran, hindi na maipag-iba sa pagkain ng hayop ang pagpag o tira-tirang pagkaing pantawid-gutom ng maralitang lunsod. Sa kanayunan naman, hindi man lamang natitikman ng mismong mga tagapaglikha ng pagkain ang kanilang pinaghihirapan. Sa kada araw na pakikipagtagisan sa kahirapan, literal na naghahanap ng buhay ang mamamayan.

Nang tumama ang pandemya sa bansa, lalong sumidhi ang kagutuman at kawalan ng katiyakan sa pagkain ng karaniwang Pilipino. Noong 2020, tatlo sa kada limang pamilyang Pilipino ang nagsabing may kakapusan sila sa pagkain. Samantala, lampas dalawang milyong tahanan ang nakaranas ng matinding kagutuman. Ito ang kalunus-lunos na problema sa kagutuman ng sambayanang Pilipinong simula pa sa umpisa ay hindi tinutugunan ng pahirap at kontra-mahirap na estado.

Sa ilalim ni Marcos II, walang anumang kongkreto at makabuluhang hakbang upang simulang baguhin ito. Sa halip na pagaanin ang pasanin ng masa, inuna pa ni Marcos II ang pagpapatupad ng dagdag pang mga buwis. Sa halip na tunay na reporma sa lupa, pautang ang inaalok ng inutil na rehimen. Kinaltasan ang ayuda at lalo pang ginipit ang mga maralita. Lahat ng ito habang siya, ang kanyang mga kroni at ang kanyang mga amo ay nagpapasasa sa dugo at pawis ng sambayanan.

Sadyang walang ibibigay na solusyon ang papet na rehimen. Ang lahat ng galaw at patakaran ng estado sa ilalim ng kasalukuyang sistemang malakolonyal at malapyudal ay para lamang sa ikabubundat pang lalo ng mga imperyalista, mga dayuhang negosyante at pinakamakakapangyarihang lokal na naghaharing-uri. Hanggat nananatiling bulok ang sistema, mayroong mamamatay sa gutom at hirap. Walang puwang ang tunay na seguridad at kasapatan sa pagkain sa isang lipunang pinagpupugaran ng mga lintang panginoong may-lupa, burukrata kapitalista at malalaking burgesya kumprador.

Iisa lamang ang tunay na katugunang wawakas sa ganitong kairalan: Ang Digmang Bayan! Sa pagsidhi ng krisis panglipunan, lalong nagiging tumpak ang iba’t ibang anyo ng pagkilos upang lubusang baguhin ang kaayusan at ang paglahok sa demokratikong rebolusyong bayan. Sa paggunita ng buong mundo sa Pandaigdigang Araw ng Pagkain, dapat panghawakan ng bawat Pilipino ang katumpakan at kawastuhan ng pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan. Sa paglikha ng isang panibagong sistemang tunay nang maglilingkod sa sambayanan lamang magiging lubusang malaya ang lahat mula sa sagad-sa-butong kahirapan at kagutuman.

Digmang bayan, solusyon sa kagutuman at kahirapan!