Drayber man o pasahero, hindi masa ang dapat bumalikat sa problema sa langis! Igiit ang oil price rollback at ang pagbasura sa Oil Deregulation Law!
‘Alin ang mas matimbang? Ang kapakanan ng mga pasaherong papatawan ng dagdag-pasahe o ang mga drayber na hirap na hirap na sa taas ng presyo ng produktong petrolyo?’ Ito ang baluktot na lohikang idinadahilan ng rehimeng US-Duterte kung bakit ito nananatiling inutil sa harap ng walang patid at linggu-linggong pagtaas ng presyo ng langis. Hindi pa raw masolusyunan ang problema dahil tinitimbang pa ang mga salik. Ngunit ang totoo, wala namang kailangang pagbanggain sa interes ng mga pasahero at ng mga drayber. Kung sinsero ang gubyernong harapin ang problema sa langis, dapat tutukan nito ang pagwakas sa deregulasyon ng industriya ng langis na nagpapahintulot sa walang sagkang pagkamal ng iilang mga dambuhalang korporasyon ng supertubo at hindi ang lalo pang pigain ang masang Pilipino.
Simula’t sapul, ang pagsasabong sa mga maralita sa kapwa nila maralita ang tatak ng pahirap na rehimeng US-Duterte. Sa usapin man ng pandemya, krisis sa agrikultura hanggang sa problema sa langis sa kasalukuyan. Upang maresolba nang lubusan ang usapin, una sa lahat, dapat magkaisa ang mamamayan sa pagbasag sa lohikang ito. Dapat manindigang hindi dapat masa ang bumalikat sa problema sa langis – sektor man ng mga tsuper o ng mga konsyumer at itutok ang kanilang laban sa kartel ng langis at sa gubyernong nagkakanlong ng ganitong kaayusan.
Hindi sustenableng solusyon ang pagtataas ng presyo ng pasahe tuwing sisikad ang presyo ng petrolyo. Sa kalagayang ni hindi na mapagkasya ng milyun-milyong pamilyang Pilipino ang kanilang kita sa araw-araw na gastusin at walang makabuluhang dagdag sahod, lalo lamang ilulugmok ng dagdag-pasahe sa mas malalim na kumunoy ng kahirapan ang mamamayan. Hindi rin naman nito tunay na matutugunan ang hinaing ng mga drayber gayong ang kanilang mga kapamilya ay mga pasahero ring mapapatawan din naman ng dagdag bayarin.
Kahit ang pagbibigay ng fuel subsidy, bagamat pansamantalang lunas, ay hindi rin pangmatagalang solusyon. Sa kamay ng rehimeng US-Duterte, paraan lamang ito upang pahupain ang galit ng sambayanan at makaligtas mula sa paniningil at obligasyon nitong gumawa ng kongkretong hakbang na wawakas sa sistema ng deregulasyon. Sa esensya, dahil wala nang kakayahan ang konsyumer na magbayad sa mga negosyante, ang gubyerno na ang magbabayad para sa kanila. Pinababayaan ng iskema ng subsidyo sa langis ang pagpapatuloy ng malalaking korporasyon sa arbitraryong pagtataas ng presyo habang ginagamit ang pera mula sa buwis ng taumbayan upang tiyaking mabibili ang mga produkto at kikita ang mga kapitalista anumang sirit ng presyo.
Sa kagyat, maaaring ipanawagan ang suspensyon sa excise tax at EVAT sa langis upang bumaba ang presyo nito. Kasabay dapat nito ang umento sa sahod upang tumaas ang kakayahan ng mga konsyumer at pagbibigay naman ng fuel subsidy at iba pang ayuda para sa mga drayber at opereytor. Ngunit sa pangmatagalan, dapat itutok ng masa ang laban sa langis sa pagbabasura ng Oil Deregulation Law at ipanawagan ang nasyunalisasyon ng industriya ng langis. Ito ang tanging paraan upang mapagsilbi ang naturang industriya sa kapakanan ng mamamayan. Hanggat kontrolado ito ng iilan at negosyo kung turing, hindi magtatapos ang krisis sa langis.
Ipanawagan ang rolbak sa presyo ng langis at suspensyon ng excise tax sa produktong petrolyo!
Ibasura ang Oil Deregulation Law!