Gunitain ang Ika-50 anibersaryo ng Batas Militar sa Diwa ng Puspusang Pakikibaka Laban sa Pasismo-terorismo ng Estado at Neoliberalismo

,

Hindi malilimutam ang madilim na panahon limampung taon na ang nakalilipas nang sumaklot sa buong bayan ang Batas Militar na ipinataw ng rehimeng US-Marcos noong Setyembre 21, 1972. Higit kailanman dapat na muling pag-alabin ang mga damdamin sa harap ng lubos na panunumbalik ng pamilyang Marcos sa estado-poder sa pagkakaupo ng ilehitimong pangulong si Marcos Jr. sa Malakanyang at ng mga kamag-anakan nito sa iba’t ibang pusisyon sa gubyerno. Ang pagkapanalo ni Marcos Jr. ay resulta ng orkestrado at sistematikong pandaraya sa de-kompyuter na sistema at sari-saring maniobra sa eleksyon nitong Mayo 2022.

Hindi dapat mawaglit sa kolektibong gunita ng sambayanang Pilipino ang mapait at madilim na kabanatang ito sa kasaysayan ng bansa sa ilalim ng Batas Militar na ipinataw ng rehimeng Marcos I. Hindi dapat pahintulutan ang pamamayagpag ng bagong pasista-teroristang rehimen na walang pakundangang yumuyurak sa buhay, kabuhayan at demokratikong mga karapatan ng mamamayan.

Alalahanin at bigyan natin ng pagpupugay ang lahat ng nakibaka sa panahon ng Batas Militar na nakaranas ng iba’t ibang sakripisyo, kahirapan hanggang sa pag-aalay ng kanilang mga buhay sa anti-diktadurang pakikibaka at para sa pambansang demokrasya na tuluyang nagpabagsak sa rehimen ng pasistang diktador noong Pebrero 1986. Ang kanilang kabayanihan ay magsisilbing inspirasyon para sama-sama at kapit-bisig na itaguyod at ipaglaban ang adhikain ng sambayanang “Never Again to Martial Law”.

Sa ngalan ng “anti-komunistang” gera, inudyukan ng imperyalistang US ang papet na rehimeng Marcos I na ipatupad ang pasistang diktadura sa batayan ng alyansa ng naghaharing-uring malaking burgesya kumprador, malaking panginoong maylupa at burukrata-kapitalista. Idineklara ni Marcos Sr. ng Batas Militar noong Setyembre 23, 1972 na nauna na niyang pinirmahan noong Setyembre 21, sa kalagayang hindi na nito kayang maghari sa tabing ng palamuti ng mga demokratikong institusyon at proseso para pagtakpan ang labis-labis na krisis sa pulitika at ekonomya dulot ng pangangayupapa sa mga neoliberal na patakaran ng imperyalistang US. Ginamit na sangkalan ng diktador sa pagdedeklara ng Batas Militar ang noo’y patuloy na lumalawak at lumalakas na anti-imperyalista, anti-pasista at anti-diktadurang paglaban ng mamamayan. Isinagawa ito sa tabing ng diumanong“pagsasalba sa republika”laban sa komunismo at ang“pagtatayo ng bagong lipunan”. Bago ito, pataksil siyang nag-utos ng mga masaker at at pamamaslang na awtomatikong ipinaratang sa PKP bilang salarin.

Habang ipinailalim ang buong bansa sa Batas Militar, kinonsolida ni Marcos Sr. ang kanyang kapangyarihan. Itinatag niya ang Kilusang Bagong Lipunan (KBL), ang pampulitikang base ng mga pinakareaksyunaryong burges na partido sa panahong iyon. Naging naghaharing paksyong pampulitika ang KBL at tiniyak nitong mahawakan ang buong pampulitikang istruktura ng gubyerno sa papamamagitan ng pandaraya at minaniobrang resulta ng halalan. Higit pa nitong pinatatag ang sarili sa poder sa pag-aalaga ng mga pinaborang dinastiyang pulitikal.

Nagposturang liberal demokratiko noong una si Marcos Sr. Subalit sa panahon ng diktadura, inangkin niya ang lahat ng kapangyarihang ehekutibo, hudikatura, lehislatibo at ginawang rubberstamp ang Kumbensyong Konstitusyunal para bigyan ang sarili ng walang taning na pananatili sa kapangyarihang. Ginamit niya ang AFP-PNP at mga pwersang para-militar para marahas na supilin ang lahat ng institusyon, organisasyon, mga indibidwal at grupong oposisyon, mga indibidwal na kritikal o tumutunggali sa kanyang pasistang paghahari. Sa udyok ng US, pinasimulan nya ang mabagsik na kontra-rebolusyonaryong gerang Oplan Katatagan at Oplan Nip-in-the-Bud (Kitlin-sa-usbong) ang batang-batang PKP-BHB at ligal na kilusang pambansa-demokratiko.

Nagbunga ang Batas Militar ng rehimeng Marcos I ng lansakang paglabag sa mga karapatang-tao at demokratikong mga karapatan ng mamamayan. Sa tala mismo ng Amnesty International, sa ilalim ng Batas Militar 3,240 ang pinatay ng mga ahente ng estado; 70,000 ang iligal na inaresto at ikinulong; 34,000 ang biktima ng tortyur at 800 ang biktima ng sapilitang pagkawala.

Sa Timog Katagalugan naging tampok ang sinapit ng mga biktima ng paglabag sa karapatang-tao na kinilala bilang ST 10 na sina: Rizalina Ilagan, Jessica Sales, Gerardo Faustino, Cristina Catalla, Ramon Jasul, Modesto Sison, Samuel Ting (kilalang si Erwin de la Torre), Manny Salvacruz, Salvador Panganiban at Virgilio Silva. Dinukot sila noong Hulyo 1977 sa Makati sa kasagsagan ng Batas Militar. Grupo sila ng mga kabataang aktibistang lumaban sa diktadura. Karamihan sa kanila ay mga mag-aaral ng UP Los Baños (UPLB), habang si Sales ay isang instruktor sa pamantasan.

Pinakamalalang pasistang pang-atake ang inihasik ng diktadura sa kanayunan. Umabot sa 150,000 ang kaswalti ng inilunsad na kontra-rebolusyoryong gera ni Marcos I. Karamihan sa kanila ay mga sibilyang biktima ng masaker ng AFP-PNP at mga grupong para-militar. Marahas na sinupil ang mga mapayapang protesta ng mga magsasaka sa iba’t ibang bahagi ng bansa na tumututol sa mabilis na rekonsentrasyon ng malalawak na mga lupain sa mga kamay ng mga bagong PML at kroni ni Marcos Sr. at pagkakait ng rehimen ng lupa. Aabot sa anim na milyong Pilipino ang napalayas sa kanilang mga tahanan at komunidad. Pinakamalaki sa mga ito (tinatayang 2.2 milyon) ang nagmula sa Mindanao kabilang na ang mga Moro bunga ng matinding militarisasyon sa kanayunan.

Ipinatupad ni Marcos Sr. ang“green revolution” sa anyo ng Masagana ’99 sa balangkas ng neoliberal na globalisasyon. Isang anti-magsasakang iskema sa agrikultura na hanggang ngayon ay pinagdurusahan ng milyun-milyong magsasakang nawalan ng lupa at nabaon sa gabundok na utang habang pinanatili ng gubyerno ang atrasadong pagsasaka. Higit na nakinabang dito ang mga dayuhang korporasyong agro-kemikal. Ang mga kumpanya tulad ng Shell at Chevron ang nagpondo sa pananaliksik ng mga bagong binhi at ang kumpanya ng fertilizer na Esso Atlas Fertilizers, Union-Hikari at BASF (ngayo’y subsidyaryo ng Monsanto) ang nagbenta ng napakamamahal na pestisidyo at abono sa mga magsasaka. Tumaas nang limang beses ang inaangkat ng bansa na pestisidyo sa loob lamang ng anim na taon.

Lumaganap din ang pangangamkam ng lupa sa masang magsasaka. Noong 1978, higit 250 korporasyon ang pumihit sa produksyon ng palay kagaya ng Caltex, Shell, Del Monte, Dole, at iba pa. Pinaghati-hatian nila ang 58,450 ektarya ng lupa. Nang lumaon, nagpalawak pa ang mga ito ng produksyon labas sa palay. Kaya pagsapit ng 1981, aabot na sa 86,000 ektarya ang mga lupaing naokupa ng mga multinational corporations at sadyang inikutan ang reaksyunaryong batas sa reporma sa lupa na PD 27 ni Marcos Sr.

Naging gatasan din ng rehimeng Marcos I ang mga magniniyog. Mula 1972 hanggang 1983, nakalikom ng P9.8 bilyon ang pondo ng coco levy na pinagpasasaan ni Marcos Sr. at mga kroni nitong sina Danding Cojuangco, Maria Clara Lobregat at Juan Ponce Enrile. Hanggang sa kasalukuyan patuloy na ipinagkakait sa mga magniniyog ang pondong coco levy sa kabila nang patuloy na pagdausdos ng industriya ng niyog sa bansa at kahirapang dinaranas ng mga mga magsasaka sa niyugan.

Naganap ang pinakamalubhang pandarambong sa kabang-yaman ng bansa sa panahon ng diktadurang US-Marcos I. Tinatayang aabot sa $5-10 bilyon o katumbas ng P253-506 bilyon ang pinagsama-samang nakaw na yaman ng pamilyang Marcos sang-ayon sa deklarasyon ng Korte Suprema at maging ng World Bank. Lahat ng reaksyunaryong mga rehimen matapos pabagsakin ang diktadurya ay inutil para bawiin ang mga nakaw na yaman ng pamilyang Marcos. Nasa 80% pa nito ang kontrolado ng pamilyang Marcos hanggang sa kasalukukuyan. Gumagawa sila ng iba’t ibang maniobra para patuloy na angkinin at ipagkait ang kanilang ninakaw na yaman sa mga tunay na nagmamay-ari nito — ang sambayanang Pilipino. At sa pagkakaupo ng batang Marcos sa Malakanyang, kabilang sa mga unang hakbang nito ang pagsagka sa pagbawi sa mga nakaw na yaman ng kanyang pamilya.

Sa panunumbalik sa estado-poder ng magnanakaw na pamilyang Marcos tiyak ang panganib na mauulit ang madilim at mapait na kasaysayan ng rehimeng US-Marcos I. Iniidolo ni Marcos Jr. ang diktador na ama at binigyang puri ang diumanong “ginintiuang panahon” ng paghahari nito. Kaya asahang susundan ng kanyang rehimen ang yapak ng kanyang amang diktador at pasista. Hindi man pormal na magdeklara ng Batas Militar katulad ng kanyang ama, sapat-sapat na ang nailatag na mga pasistang batas at patakaran ng sinundang rehimeng Duterte tulad ng Anti-Terror Law para maisagawa ng estado ang panunupil at teroristang panggigipit at atake sa mamamayang lumalaban. Sa loob pa lamang ng ilang buwang pagkakaupo sa poder ni Marcos Jr., tuluy-tuloy ang red-tagging, iligal na pang-aaresto, pagdukot at pagpatay ng mga ahente ng estado.

Sa ilalim ni Marcos Jr. ipinagwawagwagan niya ang diumano’y “ginintuang panahon” sa ilalim ng amang pasista at diktador. Ginagamit niya ang buong makinarya ng reakyunaryong estado, mga ahensya nito, tauhan at lahat ng rekurso para baluktutin ang kasaysayan at palabasing dapat parangalang tunay na bayani ang kanyang ama at lahat ng katulad niyang mga tirano at pasista. Pinabibilis niya ang pagbura sa kasaysayan ng makabuluhang pakikibaka at tagumpay ng mga pambansa-demokratikong pwersa at iba pang progresibong pwersang nagpabagsak sa diktaduryang Marcos I. Subalit, nagkakamali si Marcos Jr. kung inaakala niyang mababaon sa limot ang alaala ng kalupitan ng Batas Militar. Paulit-ulit nang napatutunayan ang mga krimen at pandarambong ng pamilyang Marcos na hindi na kailanman mabubura pa sa kasaysayan gaano pa man ito pilit na baklasin ng mga maniobrang pagrebisa at pagbaluktot sa kasaysayan ng pamilya Marcos at ng kanyang mga panatikong tagasunod.

Higit pang palalalain ng rehimeng Marcos II ang krisis sa ekonomya, pulitika at lipunan ng naghaharing sistemang malakolonyal at malapyudal at lalo itong malulugmok dahil sa patuloy na paglalim ng krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista at ng teroristang agresyon ng imperyalismong US. Niratsada ng sunud-sunurang Kongreso ang pagsasabatas ng mga neoliberal na patakaran tulad ng Rice Tarrification Law, Real Estate Investment Trust (REIT) Act at kanyang mga amyenda sa the Retail Trade Liberalization Act (RTLA), Foreign Investments Act (FIA) at Public Service Act (PSA). Lahat ng ito ay pagsasalaula sa pang-ekonomyang soberanya ng Pilipinas.

Ngunit katulad ng diktador at pasistang si Marcos Sr. at ng kanyang galamay na AFP-PNP, tiyak na mabibigo din si Marcos Jr. sa kanyang planong pagdurog sa CPP-NPA-NDFP. Ibayong napanday ng rebolusyonaryong kilusan ang sarili sa armadong pakikipaglaban sa gitna ng brutalidad ng mga nagdaang pasistang rehimen, laluna sa ilalim ng rehimeng US-Duterte. Higit nitong napahusay ang estratehiya at taktika sa pagsusulong ng malaganap at masinsing pakikidigmang gerilya batay sa papalawak at papalalim na baseng masa. Nakahanda ito para mapagpasyang biguin ang pinakabrutal na “kontra-insurhensyang” gera ng pasista-teroristang rehimeng nakaasa sa modernong mga kagamitang pandigma.

Nananawagan ang PKP-Timog Katagalugan sa rebolusyonaryong pwersa at mamamayan sa rehiyon na ibayong magpalakas sa ideolohiya, pulitika at organisasyon. Pamunuan ang puspusang pakikibaka ng mamamayan sa rehiyon para itakwil ang ilehitimong pangulong si Marcos Jr. Paiigtingin ang digmang bayan para ibagsak ang pasista-teroristang estadong kinakatawan ni Marcos Jr. hanggang ihatid ang rebolusyong Pilipino sa ganap na tagumpay ng pambansa-demokratikong rebolusyon na may sosyalistang perspektiba.###

Gunitain ang Ika-50 anibersaryo ng Batas Militar sa Diwa ng Puspusang Pakikibaka Laban sa Pasismo-terorismo ng Estado at Neoliberalismo