Pahayag

Higit pang palakasin ang mga nakatayong rebolusyonaryong organisasyong masa sa Masbate at makiisa sa mga pakikibakang masa laban sa Imperyalismo, Burukrata-kapitalismo at Pyudalismo

,

Ipinapaabot ng Jose Rapsing Command-NPA Masbate ang pakikiisa sa lahat ng mga rebolusyongaryong organisasyon, mga progresibo at patriyotiko at sa lahat ng nagsusulong ng pambansa-demokratikong rebolusyon sa pagdiriwang sa ika-52 taong anibersaryo ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP).

Hindi maitanggi na dahil sa malakas na pakikibakang masa nagkamit ang masang Masbatenyo ng makabuluhang mga tagumpay. Hindi lang libreng napasakamay sa ilandaang mga magsasaka ang ilanlibong ektaryang lupang sakahan, kundi naitayo rin ang mga samahan ng mga magsasaka at unti-unting napaunlad ang kanilang kabuhayan. Maging ang mga lokal na pulitiko-rantsero sa prubinsya ay hindi nangahas na hamakin ang kapangyarihan ng masa. Malinaw na ipinapakita sa nakaraan na kung mahigpit na nagkakaisa at nakikibaka ang lahat ng inaapi at pinagsasamantalahan walang hindi kayang kamtin ang mamamayan.

Kabaligtaran dito ang nangyayari, kung humihina ang pagkakaisa at pakikibaka ng masa.

Kritikal ito sa ngayon laluna isinailalim ni Bongbong Marcos Jr sa di deklaradong batas militar ang mga kanayunan sa bansa kabilang ang prubinsya ng Masbate. Kasabwat ang mga lokal na pulitiko, Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police naghahasik ito ng pasismo at terorismo laban sa masang Masbatenyo. Itinataboy nito ang masang magsasaka mula sa kanilang lupang sakahan at kabuhayan. Habang todo-todong ibinukas sa mga mapangwasak na proyektong neoliberal ang prubinsya.

Nakatakdang wawasakin ng dayuhang kumpanyang Filminera-Masbate Gold Project ang kabundukan sa mga bayan ng Uson, Mobo at Milagros. Habang nagpapatuloy ang pagdebelop sa bayan ng Dimasalang para sa ekoturismong MPark na magtataboy sa mga magsasaka at mangingisda sa kanilang lupa at kabuhayan.

Nagpapatuloy rin ang pamamayagpag ng dinastiyang Kho sa pulitika sa prubinsya na mahigpit na nakikipagsabwatan kay Marcos Jr upang dambungin ang kayamanan ng prubinsya. Nagsasabwatan rin ang mga ito upang muling mapasakamay ng mga Marcos ang mga lupaing dating kinamkam at inangkin ng dating diktador.

Hindi dapat hayaan ng masang Masbatenyo na magtagumpay ang reaksyunaryong estado sa pamumuno ni Bongbong Marcos Jr kasabwat ang mga lokal na pulitiko-rantsero, AFP at PNP na tuluyang ipawalang-saysay ang mga nakamit na tagumpay at muling dambungin ang inyong lupa at kabuhayan.

Dapat alalahanin at paghugutan ng dakilang aral ng masang Masbatenyo at buong rebolusyonaryong organisasyong masa ang mga nakamit na tagumpay sa pagsusulong ng pakikibakang masa sa prubinsya sa loob ng limang dekada. Gamitin ang aral mula sa mga nagdaang pakikibaka upang higit pang palakasin ang hanay at isulong sa mas mataas na antas ang pambansa-demokratikong rebolusyon.

Higit pang palakasin ang mga nakatayong rebolusyonaryong organisasyong masa sa Masbate at makiisa sa mga pakikibakang masa laban sa Imperyalismo, Burukrata-kapitalismo at Pyudalismo