Hinggil sa pagpapanatili ni Duterte kay Gen. Debold Sinas sa pwesto

Mariing kinokondena ng National Democratic Front of the Philippines-Southern Tagalog (NDFP-ST) ang pasistang rehimeng US-Duterte sa hakbang nitong panatilihin sa pwesto si General Debold Sinas bilang hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO)-Philippine National Police (PNP) sa kabila na may mga hinaharap na itong kasong kriminal at administratibo dahil sa paglabag sa mga tuntunin sa community quarantine at sa umiiral na ordinansya sa Taguig City nang magsagawa ito ng birthday party sa kanilang mismong kampo sa Taguig City para ipagdiwang ang kanyang ika-55 taong kaarawan nuong Mayo 8, 2020.

Sa kaso nina General Sinas, isinantabi ni Duterte ang kairalan na pansamantalang tinatanggal sa pwesto ang sinumang pulis o sundalo na sumasailalim sa imbestigasyon o nahaharap sa mga kaso para hindi nila maimpluwensyahan ang takbo ng imbestigasyon o magkaroon sila ng pagkakataon na magamit ang kanilang katungkulan para sirain ang mga ebidensya laban sa kanila. Ang hakbang na ito ni Duterte kay General Sinas ay kabaligtaran sa nangyari sa mga pangkaraniwang pulis na nakalalabag na agarang tinatanggal sa pwesto tulad sa nangyari kay Police Captain Peter Paul Sison, hepe ng pulisya ng bayan ng Sto Tomas, Pangasinan dahil sa paglabag sa community quarantine rules nang dumalo ito sa birthday party ng meyor ng nasabing bayan na si Timoteo Villar nuong Mayo 6, 2020. Ang katangian ng naging paglabag ni Captain Sison ay katulad din ng naging paglabag ni General Sinas pero magkaiba ang pagtrato sa kanila ni Duterte.

Walang ibang dahilan kung bakit ayaw ni Duterte na matanggal sa pwesto si General Sinas bilang pinuno ng NCRPO sa kabila ng malinaw na paglabag ng heneral at ng kanyang iba pang mga matataas na opisyal sa NCRPO sa pinatutupad na mga tuntunin sa community quarantine tulad ng mahigpit na pagbabawal sa maramihang pagtitipon. Kailangan pa ng tiranikong si Rodrigo Roa Duterte ang serbisyo ng berdugong katulad ni General Debold Sinas para sa kanyang kamay-na-bakal na pagpapatakbo ng “modipikadong” lockdown sa kalakhang Maynila at pagpapatupad ng iba pang anti-mamamayan at anti-demokratikong batas ng kanyang pasistang rehimen.

Para kay Duterte, kailangan niya si Sinas dahil siya’y maaasahan at epektibo sa pagsupil at pagkitil sa kalayaan sa pananalita at pamamahayag ng mga mamamayan sa kalakhang Maynila. Kailangan ni Duterte si Sinas para hadlangan ang anumang pagtatangka ng taumbayan sa rehiyon na maiparating sa gubyerno ang kanilang kalunos-lunos na kalagayan, ng kanilang reklamo sa mabagal at kakakarampot na ayuda at ng kanilang matagal nang panawagan para sa libre at maramihang pag-eeksamen kaugnay sa Covid-19.

Pinapurihan pa nuon ni Duterte ang NCRPO sa pamumuno ni General Sinas dahil sa pagdakip at pagpapakulong sa 21 mga taga Sityo San Roque ng Barangay Bagong Pag-asa, Quezon City dahil lamang sa ginawa nilang pagtitipon upang maiparating sa kinakukulan na sila’y nagugutom at hindi pa nahahatiran ng ayuda ng pamahalaan. Sa pangyayaring ito, imbes na kilalanin ni Duterte na lehitimo ang mga ipinaparating ng mga taga sityo San Roque, nagawa pa ni Duterte na magbabala na kanyang ipababaril ang sinumang magrarali lalo na kung malalagay sa peligro ang kanyang mga pasistang pulis at sundalo.

Matatandaan na promote si Sinas patungong NCR mula sa pagiging regional director ng PNP Region VII Office dahil sa kanyang brutalidad at terorismong pinatupad sa rehiyong Central Visayas tulad ng malawakan at maramihang pagpatay at paglabag sa karapatang pantao na ginawa ng PNP sa rehiyon, lalo na sa Negros Oriental at Negros Occidental, kung saan maraming magsasaka at aktibista ang pinatay, hinuli at ikinulong batay sa mga gawa-gawang kaso at pagtatanim ng ebidensya alinsunod sa Oplan Sauron at Synchronized Enhanced Management of Police Operation (SEMPO). Ang pagiging berdugo, may kriminal na kaisipan at mamamatay taong tulad ni General Debold Sinas ang paboritong karakter ni Duterte para pamunuan ang PNP at ganundin para sa AFP.

Sa paboritismong pagtrato ni Duterte sa kaso ni General Sinas kanya lamang pinatunayan na hindi patas ang pagpapatupad ng batas sa Pilipinas. Ang batas ay malupit kapag ang nakalalabag ay mahihirap pero mahabagin ang batas kapag ang nakagagawa ng pagkakasala at paglabag ay mga mayayaman, may sinasabi sa lipunan at nasa mataas na katungkulan tulad ni Senator Koko Pimentel, General Debold Sinas, Mocha Uson at dating Senador na si Jinggoy Estrada bilang mga halimbawa.

Nananawagan ang NDFP-ST sa mamamayang Pilipino, lalo na sa kalakhang Maynila, na kondenahin at tutulan ang pagpapanatili ni Duterte kay General Sinas sa pwesto. Dapat hindi maglubay ang taumbayan sa paggigiit na kasuhan at papanagutin si General Sinas at iba pang matataas na opisyal ng NCRPO dahil sa kanilang mga paglabag sa quarantine protocols at iba pang paglabag sa karapatang pantao. Igiit sa pasistang rehimeng US-Duterte ang agarang pagpapatanggal sa pwesto kay General Sinas at iba pang kasangkot bilang paunang hakbang administratibo.

Dapat ding ilantad at batikusin ng taumbayan ang pagpanig ni Duterte kay General Sinas at palitawin pa siyang matapat at mabuting opisyal sa kabila ng kanyang kalupitan at madugong rekord bilang berdugo at mamamatay tao. Grabe kung magalit at magbanta si Duterte sa taumbayan kapag nakagagawa ang huli ng maliliit na paglabag sa quarantine protocols pero napakaamong tupa kung magsalita sa pagdedepensa at pagpanig sa kanyang matatapat na tauhan kahit malinaw na may mga nilabag itong mga batas at ordinansya. Hindi natin dapat palagpasin at ipagsawalang kibo ang ginawang ito ni Duterte.

Nagawa nilang iligal na hulihin at ipakulong ang isang manunulat sa Cebu, isang guro sa Zambales, isang construction worker at isang ginang sa Bisaya dahil sa mga naging pahayag nila sa social media na magbibigay sila ng “milyong milyong” pabuya sa sinumang makakapatay kay Duterte. Palatandaan nito ng grabeng disgusto nila sa korap, pasista, mamamatay-tao at inutil na rehimen na pangkaraniwang sentimyento ng aping mamamayan. Ginawa nila ang pamamahayag sa isang sarkastikong paraan. Subalit tila mabilis pa sa kidlat ang iligal na pagdakip, pagsasampa ng kaso at pagpapakulong sa kanila ng gubyernong Duterte.

Sa kabilang panig, alumpihit, nagdadalawang isip at napakabagal sa pagsasampa ng kaso at pagpapadakip sa mga kaalyado nitong nakagagawa ng kasalanan at mga paglabag. Wala ding kaimik imik ang mga kaalyado ni Duterte sa kabila ng madalas nitong pagbabanta at pag-uutos ng pagpatay at pagbaril sa ari ng mahuhuli nilang babaeng NPA at maging sa pag-abswelto sa kaso ng sinumang pulis at sundalo kapag sila’y “nakapanggahasa”.

Ngayon naman, walang kahihiyan na inaarbor ni Duterte ang kaso ni General Sinas. Dahil nagsalita na si Duterte pabor sa kontrobersyal na General, walang kauuwian ang anumang mga imbestigasyon at pagkakaso kina General Sinas. Nagbubunyi ngayon ang kampo ng berdugong si General Sinas dahil aprub sa kanyang pasistang among si Duterte ang kanyang mga pinaggagawang mga kabuktutan at katiwalian.

Wala na sa katinuan si Duterte. Hindi na siya marunong kumilala sa “demokrasya at pantay na pag-iral ng batas” kahit sa balangkas ng malapyudal at malakolonyal na lipunang Pilipino. Mayroon na siyang sariling batas na pinatutupad alinsunod sa kanyang kagustuhan at huwisyo. Sa ganito, makatarungan at nararapat lamang na higit na magpursige ang taumbayan sa panawagan at pagkilos, batay sa umiiral na kundisyon sa bansa, para mapatalsik sa kapangyarihan ang pasistang rehimeng US-Duterte. ###

Hinggil sa pagpapanatili ni Duterte kay Gen. Debold Sinas sa pwesto