Pahayag

Hustisya para sa panibagong sibilyang biktima ng pagpaslang ng mga militar-CAFGU sa Donsol, Sorsogon

Mariing kinukundena ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Sorsogon (Celso Minguez Command) at mamamayang Sorsoganon ang AFP-CAFGU sa panibagong kaso ng walang awang pagpaslang sa sibilyan. Nobyembre 2 nang gabi, sa Sityo Balogo, Barangay Cristo, Donsol, Sorsogon, sapilitang pinasok ng 2 armadong lalaki at pinagbabaril hanggang sa mapatay ang maybahay na si Honeylet Herrera, may asawa at isang anak.

Ang pagpaslang kay Honeylet ay ginawa ng mga berdugo 3 araw matapos parusahan ng BHB ang sagadsaring CAFGU na si Darius Laya sa parehong lugar. Pinarusahan si Darius dahil sa pagkakanulo nya sa kanyang mga kababryo noong panahon ng RCSP at ang kanyang aktibong pagtatanim ng mga aset laban sa rebolusyonaryong kilusan.

Isa si Honeylet sa mga sibilyan na ipinagkanulo ni Darius sa militar na naging dahilan kung bakit hindi na sya tinigilan sa panggigipit sampu ng kanyang mga kapitbahay at kababaryo. Ang mga militar at CAFGU ang may malinaw na intensyong paslangin si Honeylet na may layuning maghasik ng takot sa mamamayan.

Dapat kondinahin ang pagbaling ng mga militar at CAFGU sa mga sibilyan tuwing may napapaslang sa kanilang hanay sa mga lihetimong operasyong militar.

Ang pagpaslang kay Honeylet ay malinaw na kaso ng paglabag ng mga militar sa karapatang pantao. Patunay lamang ito na ang AFP-CAFGU ay mga pasistang hindi kumikilala sa karapatan ng mga inosenteng silbiyan.

Ipinapaabot ng BHB-Sorsogon at buong rebolusyonaryong kilusan ang taos-pusong pakikiramay sa pamilyang naiwan ni Honeylet. Ipinapangako ng BHB na ipagpapatuloy nito ang paghahanap ng hustisya para sa inyong nasawing kapamilya at sa laksa-laksang biktima ng terorismo ng estado.

Sa harap ng mga mapanupil na pag-atakeng ito, kailangang mas pahigpitin ang pagkakaisa ng mga mamamayan para tutulan, kondinahin, at ilantad ang mga krimen ng berdugong AFP-CAFGU. Nananawagan ang CMC-BHB Sorsogon sa sinumang may nalalaman para sa ikalulutas ng kaso o makapagtuturo sa mga salarin na makipagtulungan sa kilusan upang mapabilis ang pagkakamit ng hustisya.

Hustisya para sa panibagong sibilyang biktima ng pagpaslang ng mga militar-CAFGU sa Donsol, Sorsogon