Pahayag

Ika-40 Balikatan Exercises: Paghahanda ng US sa gera laban sa China, panganib at perwisyo sa sambayanang Pilipino

, ,

Dapat malawakang kundenahin at salubungin ng malalakas na protestang bayan ang ika-40 Balikatan exercises na magaganap ngayong Abril 21 hanggang Mayo 9 sa North at West Luzon. Nagsisilbi lang ang ehersisyong militar na ito sa interes ng imperyalismong US na iputok ang gera laban sa China sa Asia Pacific. Kapalit nito, inilalagay sa panganib ang buhay ng mamamayan at nadidisloka ang kanilang kabuhayan. Ang pagtutol sa Balikatan ay paglaban sa pandidigma ng imperyalismo at pagtatanggol sa soberanong karapatan ng mga Pilipino.

Malinaw na ginagamit ng US ang Balikatan upang galitin ang China at ihanda ang posisyon nito sa nilulutong gera sa Asia. Nakaharap sa West Philippine Sea at South China Sea ang mga sayt ng Balikatan Exercises. Ilulunsad ito matapos ang Phase 1 ng Salaknib and Balikatan (SABAK) Exercises sa saklaw naman ng North at Central Luzon. Lalahukan ito ng 14,000-15,000 tropa kung saan 5000 ang mula sa AFP, 9000 sa US, 200 Australia, at Japan. Liban sa mga ito ang kinatawan ng 16 na mga bansa na tatayong tagamasid—Brunei, Canada, Czech Republic, France, Germany, India, Indonesia, Lithuania, Malaysia, Netherlands, New Zealand, ROK, Singapore, Thailand, UK, at Vietnam.

Sa ika-40 Balikatan, ikakasa ang mga full-battle test sa lahat ng larangan ng labanan—ere (air), lupa (land), dagat (sea), kalawakan (space) at cyber. Mayor na komponente nito ang mga pagsasanay sa magkasanib na mga pagkilos sa iba’t ibang operasyong militar at sibiko. Sa balangkas ng “magkasanib na mga operasyon”, nilalayon ng US at mga tuta nitong paunlarin ang koordinasyon at command-and-control ng US sa mga tropang magsasanay. Itatampok rin ang pagpapaputok ng ipinakat ng US na Navy-Marine Expeditionary Ship Interdiction System (NMESIS), isang missile system na panlaban sa mga barko. Pagsasanayan din ng mga tropa ang paggamit ng matataas na klase ng mga unmanned surface vehicles o drone sa dagat para sa mga operasyong kontra-paniktik at sarbeylans.

Sa kamada ng kolonyal na pagsasanay ngayon, tiyak na namang pinsala ang kabuhayan ng mga mangingisda sa rehiyon. Noong nakaraang taon, pinagbawalang maglayag at pinagkaitan ng kabuhayan ang puu-puong libong mangingisda sa Zambales, Ilocos Norte at Palawan sa buong durasyon ng Balikatan mula Abril 22-Mayo 10. Sa ilang taong pagtutok ng mga Balikatan at iba pang pagsasanay-militar ng US at AFP sa WPS, halos nagiging permanente na ang idinudulot nitong dislokasyon sa tirahan at kabuhayan ng mga Palaweño, laluna sa mga residente ng bayan ng Rizal. Natatakot at naaalarma rin ang mga residente sa kabi-kabila at walang patumanggang pagpapaputok ng kanyon, missile, pamamaril at pagpapasabog mula sa himpapawid, dagat, atbp. Noong nakaraang taon, higit 100 residente ng Barangay Kampong Ulay, Rizal ang lumikas resulta ng isinagawang live-fire exercise ng HIMARS missile.

Ang kasalukuyang Balikatan, tulad ng lahat ng nauna ay manipestasyon ng malakolonyal na kontrol ng US sa bansa para ihanda ang papet na tropa sa gera at kaladkarin saanman dadalhin ng US. Kasabay nito ang pamilyarisasyon sa tereyn ng kalupaan at karagatan ng Pilipinas bilang estratehikong pwesto at base militar na mahalaga sa hegemonya nito sa Asia-Pacific katuwang ang Japan, South Korea at Australia. Ngayong napipinto ang pagputok ng gera sa karibal na China, pineperpekto ng US ang disenyo nito at paghahanda sa digmaan sa tabing ng pagpapanatili ng kapayapaan sa South China Sea.

Ilulunsad ang pagsasanay sa ilalim ng rehimeng Trump na lantarang kontra-China. Kamakailan lamang, muling tinukoy ng kanyang rehimen ang China bilang pangunahing bansang katunggali ng US sa kasalukuyan. Matatandaang noong nakaraang buwan ay bumisita sa bansa si US Defense Secretary Pete Hegseth para tiyakin ang mahigpit na pangangayupapa ng rehimeng Marcos II sa interes ng US laban sa China.

Sa ilalim ni Trump, lalong pinaigting ng US ang panghahamon sa armadong presensya ng China sa WPS. Hinawakan ng US ang Task Force Ayungin na umaakto bilang Task Force West Philippine Sea na direktang may kontrol at kumand sa mga yunit ng AFP na nakapakat sa rehiyon, ganundin sa mga operasyon nito kabilang ang regular na resupply mission sa Ayungin shoal. Mas ginawang agresibo rin ng US ang paglulunsad ng mga joint patrols and operations kasama ang iba pang bansang kaalyado nito tulad ng Japan, tuluy-tuloy na pagpapakat ng tropa sa saklaw ng Indo-Pacific region, armas at iba pa hindi lamang ng sariling tropa kundi maging ng mga alyado nitong bansa kabilang ang Pilipinas. Lumalahok na sa routine naval patrol sa rehiyon ang Japan gamit ang boke de gera nito na Mogami-class frigate JS NOSHIRO (FFM 3). Umaalinsunod ito sa sinasabi ni Hegseth na “makakamit ang lakas (strength) sa pamamagitan ng paghahanda sa digmaan” na inuulit ngayong mantra ni AFP chief-of-staff Romeo Brawner.

Mabilis na pinaiinit ng US ang tensyon sa rehiyon sa paulit-ulit na probokasyon nito sa China gamit ang Pilipinas at iba pang malakolonya at alyado nito. Katugon nito ang mga hakbang at garapalang pananawagan ng AFP at rehimeng US-Marcos II hinggil sa pagsuporta ng mga ito sa nilulutong gera ng US laban sa China. Kamakailan lamang ay inihayag mismo ni Brawner na tiyak na masasangkot ang Pilipinas sakaling pumutok ang gera sa Taiwan at pinaghahanda ang Northern Luzon Command sakaling maganap ito. Tiyak na sa ganitong balangkas din nakatudla ang mga pagsasanay-militar na inilulunsad ngayong taon.

Kataksilan sa bayan ang ginagawa ng rehimeng Marcos Jr. na pagbibigay ng mas malaki at malawak na extra-teritoryal na karapatan sa pwersang militar ng US sa tabing ng Balikatan at “kooperasyon” sa depensa. Isinusubo na nga ni Marcos ang mamamayan sa gera, hinahayaan pa niya ang mga dayuhang tropa na abusuhin at yurakan ang karapatan ng mga Pilipino.

Dapat gawin ng bayan ang lahat ng makakaya para pigilang makaladkad ang Pilipinas sa gera ng US at China at gamiting piyon ang mga Pilipino. Pukawin ang tunay na makabayang diwa ng mga Pilipino laban sa imperyalistang panghihimasok at pandarambong ng US at China at labanan ang mapagpanggap at nakakiling-sa-US na nasyunalismong inihahalimbawa ni Marcos at tutang AFP.

Dapat ilantad at batikusin ang garapalang pagiging sunud-sunuran ng rehimeng Marcos II sa mga patakaran at interes ng US na malinaw na pagtatraydor sa kalayaan at kasarinlan ng bansa. Dapat palakasin at palawakin ang anti-imperyalistang nagkakaisang prente at pabulwakin ang malalaki at malalakas na kilos-protesta sa lansangan para igiit ang pagpapawalambisa sa mga tagibang na kasunduang militar na nagtatali sa Pilipinas sa US; pagpapalayas sa tropa, mga sandata at pasilidad militar ng US; paglaban sa panghihimasok ng US sa usapin ng WPS at eksklusibong karapatan ng Pilipinas sa rehiyon at iba pa. Susi ang malawakang propaganda-edukasyon at ahitasyon sa masa, laluna sa hanay ng mga kabataang Pilipino. Ikintal sa kanila ang patriyotismo at paglaban sa kolonyalismo at imperyalismo. Palakasin ang suporta ng mga Pilipino at iba pang mamamayan sa ibayong dagat para sa anti-imperyalistang pakikibaka ng sambayanang Pilipino laban sa imperyalismong US. Makipagkaisa sa mga mamamayan ng mga bansa sa Asia, laluna sa mga mamamayang Tsino upang labanan ang pakanang gera ng US at lutasin sa diplomatikong paraan ang sigalot sa WPS.

Sa kanayunan, dapat patamaan ng mga taktikal na opensiba ng BHB ang mga pasilidad ng US at tuta nitong AFP na perwisyo sa taumbayan. Dapat itong gawin ng mga yunit ng BHB batay sa kanilang kakayahan at para pagsilbihin sa kabuuang pagpapalakas at pagwawasto. Ito ang magsisilbing malinaw na mensahe ng Partido at buong rebolusyonaryong kilusan na tanging ang demokratikong rebolusyong bayan na may sosyalistang perspektiba ang magbabagsak sa imperyalismo at magwawakas sa daan-taong kontrol nito sa bansa.

Labanan ang tumitinding pang-uupat ng US ng gera kontra-China!
Marcos, AFP, tuta ng kano!
Imperyalismong US, ibagsak!

Ika-40 Balikatan Exercises: Paghahanda ng US sa gera laban sa China, panganib at perwisyo sa sambayanang Pilipino