Ipagbunyi ang 50-taong moratorium sa mina sa Palawan! Isang bigwas sa imperyalismo, makasaysayang panimulang tagumpay ng mamamayang Palaweño!
Malugod na binabati ng NDFP-Palawan ang matagumpay na pagpapasa ng ordinansa na nagpapataw ng 50-taong moratoryum sa bagong mga operasyon ng mina sa probinsya noong Marso 5. Dahil sa masigasig at matagal nang pakikibaka ng mga Palaweño kontra sa dambuhala at mapaminsalang mina, ipinasa ng Sangguniang Panlalawigan ang moratorium dalawang araw matapos ang ika-30 taong anibersaryo ng Mining Act of 1995 noong Marso 3. Nagdiriwang ang malawak na hanay ng mamamayang Palaweño sa panimulang makasaysayang tagumpay na ito. Malaking bigwas ito sa imperyalismo at pandarambong nito sa yaman ng bansa, gayundin sa rehimeng US-Marcos II na nangangayupapa at sunud-sunuran sa makauring interes ng mga imperyalista at dayuhang korporasyon ng mina.
Ang nasabing moratorium ay nagbabawal sa lokal na gubyerno sa Palawan na mag-endorso ng mga bagong aplikasyon ng operasyon ng mina, maliitan man o malawakan (small-scale at large-scale), sa probinsya sa loob ng 50 taon. Kabilang dito ang mga aplikasyon para sa permit sa eksplorasyon, mineral agreements (MPSA), at financial or technical agreements (FTAA). Panimulang maililigtas at mapoprotektahan nito sa kasunod na limang dekada ang mahigit 200,000 ektaryang nanganganib na ipailalim sa bagong aplikasyon ng mina. Dagdag pa, itinutulak din nito si Marcos Jr na iproklama ang Palawan bilang isang “probinsyang walang-mina.”
Hindi ipapasa ang moratorium na ito kung wala ang malakas na kahilingan ng mamamayang Palaweño laban sa ibayong pandarambong sa likas na yaman at pangwawasak sa kalikasan dulot ng mga dayuhan at lokal na operasyon ng mina. Tuluy-tuloy ang kilusang masa kontra-mina sa Palawan na nag-aanyo sa mga petition signing, dayalogo sa LGU, paglulunsad ng mga siyentipikong pag-aaral at edukasyon, mga kilos protesta at umaabot pa sa pagtatayo ng barikada. Higit pang lumakas ang panawagan para sa moratorium sa mina matapos makita at danasin ng mamamayan ang mistulang ganting paniningil ng kalikasan nang lubugin sa baha ang probinsya, laluna ang Timog Palawan, sa nakaraang mga pag-ulan, pinakahuli nitong nakaraang buwan kung saan 5 ang namatay. Bukod pa rito ang malulubha at matagalang epekto sa kalikasan tulad ng pagkakalbo sa kagubatan, pagpapatag ng kabundukan at polusyon at pagkalason ng mga anyong tubig na nagdudulot ng pagkawasak ng mayamang saribuhay (biodiversity) ng probinsya. Nilalabanan din ng mga katutubo, magsasaka at mangingisdang Palaweño ang epekto nito sa kanilang buhay at kabuhayan tulad ng pangangamkam ng lupa at lupaing ninuno, pag-agos ng mga banlik at laterite sa kanilang sakahan, at pagkamatay ng mga isda’t lamang-tubig sa mga ilog at sapa.
Nagkakaisa ang malawak na uri at sektor ng mga magsasaka at pambansang minorya, mga makakalikasan, anti-mina, progresibo at demokratikong mga grupo, organisasyon, kawani ng gubyerno, taong-simbahan, at iba pa para itulak ang pagpapanagot at pagpapatigil ng mga operasyon ng mina sa probinsya, o kung hindi man, sa minimum ay ang pagpapatupad ng moratorium sa pagmimina sa Palawan. Sa halos buong taon ng 2024, umugong ang mga panawagan para sa mas istriktong regulasyon sa mina, tampok ang pangunguna ng mga bishop ng Simbahang Katoliko sa Palawan sa kampanya para sa 25-taong moratorium sa mga aktibidad sa mina sa pamamagitan ng paglalabas ng pastoral letter. Sinuportahan ang nasabing panawagan ng kasunod na kampanya ng petisyon na nakapangalap ng halos 100,000 pirma sa pangunguna ng mga makakalikasang grupo kaisa ang komunidad ng mga katutubo, magsasaka at mangingisda. Mas maaga pa, noong Abril 2024, inilunsad ang Provincial Stakeholders Congress on Mining and the Environment (PSCME) kung saan nakuha ang komitment ni Gobernador Socrates para sa isang moratorium laban sa pag-iisyu ng mga bagong permit para sa 84 aplikasyon ng bagong operasyon ng mina sa probinsya. Malakas na tulak sa mga ito ang militanteng protestang masa laban sa mina sa nakaraan, tampok ang barikada ng mga residente ng Ipilan laban sa operasyon ng Ipilan Nickel Corporation (INC) sa Brooke’s Point. Dahil sa mga ito, at sa kabila ng maraming maniobra para hadlangan ang pagpapasa ng moratorium, natulak sa wakas ang Sangguniang Panlalawigan na maglunsad ng serye ng mga sesyon para talakayin ang moratorium sa mina noong Nobyembre 2024, Pebrero at Marso 2025.
Tulad ng inaasahan mula sa nasaging makauring interes ng mga korporasyon ng mina, nagpahayag sila ng pagtutol sa ipinasang 50-taong moratorium. Kabilang dito ang Philippine Nickel Industry Association (PNIA), ang pinakamalaking grupo ng mga kumpanyang nagmimina ng nickel kung saan nakapaloob ang INC, RTNMB at BNC na nag-oopereyt sa probinsya; at ang Chamber of Mines of the Philippines (COMP). Nagkokoro sila sa magiging epekto nito sa dami ng madadambong nilang rekursong mineral at sa diumano’y estratehikong negatibong epekto sa ekonomya ng bansa laluna sa gitna ng tumataas na demand sa nickel.
Nag-aastang marangal ang mga mandarambong, ngunit ang totoo’y iniinda nila ang epekto ng moratorium sa kanilang tubo. Kalakhan ng pagmimina sa Palawan ay nakatuon sa pagkuha ng nickel.
Ipinapakete at ipinagyayabang pa ng rehimeng US-Marcos II na hakbang tungong “industriyalisasyon” ito upang bigyang matwid ang pagpapalawak ng pagmimina ng nickel. Ang totoo, hindi ito kailanman naglilingkod sa pambansang interes dahil sa nananatilinga kontrolado pa rin ng mga dayuhan at kasabwat nilang MBK ang mina.
Hindi dapat magkampante at tumigil sa laban ang mamamayang Palaweño. Dapat magpatuloy at lalong pasiklabin ang mga pagkilos at panawagan laban sa pandarambong ng ating likas na yaman. Kasabay nito, dapat kilalanin na panimulang tagumpay at na marami pang mga limitasyon ang nasabing ordinansa at tiyak na gagawa ng paraan ang mga imperyalista, mga operasyon ng mina sa pakikipagsabwatan sa rehimeng US-Marcos II at lokal na mga burukrata kapitalista na ikutan ang nasabing moratorium.
Una sa lahat, hindi pa ito napipirmahan ni Gobernador Socrates, at kung gayon ay hindi pa epektibo. Pangalawa, kabilang sa limitasyon nito ang hindi pagsaklaw sa kasalukuyang 11 aktibong mga operasyon ng mina na nananalasa sa 29,430 ektaryang lupain sa anim na bayan: Bataraza, Brooke’s Point, Sofronio Española, Narra, Quezon at Aborlan. Kabilang dito ang mga operasyon ng mga kumpanyang Rio Tuba Nickel Mining Corporation (RTNMB) na pinakamalaking kumpanya sa pagmimina ng ore sa buong bansa, INC sa ilalim ng Global Ferronickel Holdings Inc., Berong Nickel Corporation (BNC), Coral Bay Nickel Corp, Citinickel Mines and Development Corp., Celestial Mining and Exploration Corp., Macroasia Mining Corp., Central Palawan Mining and Industrial Corp., Pyramid Hill Mining and Industrial Corp., at Palawan Star Mining Ventures Inc.
Pangatlo, ang multa na ₱5,000 sa lokal na opisyal ng gubyerno sa mga barangay at munisipalidad na lalabag sa ordinansa at mag-eendorso ng bagong operasyon ng mina ay napakaliit lang din at wala sa kalingkingan ng matatanggap na kurakot at kikbak mula sa tutubuin ng mga dambuhalang mina kapag pinayagan nila ang operasyon ng mga ito.
Pang-apat, maaari pa ring maitulak ang mga bagong operasyon ng mina kapag pinahintulutan ng Palawan Council for Sustainable Development (PCSD) ang Strategic Environmental Plan (SEP) Clearance nito kahit wala ang pag-endorso ng lokal na reaksyunaryong gubyerno. Paglabag ito sa mga rekisito at patakaran ng pag-iisyu ng SEP Clearance na dapat ay mayroon munang kahit dalawang lokal na pag-endorso sa minimum.
Panglima, dahil sa papalapit na eleksyong mid-term sa Mayo, maaaring mabasura ang nasabing moratorium kapag nagbago ang komposisyon ng Sangguniang Panlalawigan at kung ang mayorya ng kasapian nito ay pumanig pabor sa mga dambuhala at mapaminsalang kumpanya ng mina.
At panghuli, umiiral pa rin ang Philippine Mining Act of 1995 at iba pang neoliberal na pambansang batas at patakaran na nagtutulak sa liberalisasyon ng industriya ng pagmimina. Ang batas na ito ang insrumento at tsapa ng mga dambuhala at mapaminsalang dayuhan at lokal na korporasyon ng mina kasabwat ang mga burukrata kapitalista para sa ibayong pandarambong at pangwawasak sa kaligiran.
Ang pagpapasa ng 50-taong moratorium ay panimulang tagumpay pa lang sa pakikibaka ng mamamayan laban sa garapalang pagnanakaw ng imperyalismo sa yaman ng Pilipinas. Marami pang mga isyu at usapin, mga programa at proyekto ng imperyalistang mga bansa, malalaking burgesya kumprador at mga panginoong maylupa tulad ng pangangamkam ng lupa, pagpapalit-gamit ng lupa, ekoturismo, iligal na pagtotroso, mababang sahod ng mga manggagawang-bukid, at iba pa na dapat labanan ng mamamayang Palaweño. Kaya dapat ipagpatuloy, lawakan at paigtingin ang ating mga pakikibakang masa. Kailangang higit na palakasin ang mga organisasyon ng mamamayan at mga alyansa, at ihanda ang mga ito sa walang puknat at puspusang paglaban sa mga neoliberal na patakaran at pang-aatake sa kabuhayan ng masang anakpawis.
Makakamit ng bayan ang mga kahilingan at demanda para sa buhay, kabuhayan, karapatan at kalikasan kung ang mamamayan ay magkakaisa, sama-samang kikilos,magpapamalas ng ating kolektibong lakas upang masandal sa pader ang mga kaaway sa uri. Lubusan lang nating mapagtatagumpayan ang pakikibaka para sa ating pambansa demokratikong interes sa pamamagitan ng paglulunsad ng demokratikong rebolusyong bayan at pagsusulong ng armadong pakikibaka. Sa rebolusyon, ibabagsak ang mga salot sa lipunan at ugat ng kahirapan na imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo hanggang sa makamit ang tunay na kalayaan, pambansang demokrasya at kasaganaan ng buong sambayanan.