Pahayag

Ipagdiwang ang ika-55 anibersaryo ng Partido Pomunista ng Pilipinas! Dakilain ang alaala ng mga martir ng sambayanan! Maghimagsik at isulong ang pambansa-demokratikong rebolusyon tungong ganap na tagumpay!


Buong lakas na nakikiisa ang Kabataang Makabayan – Timog Katagalugan (KM-TK) sa pagdiriwang ng ika-55 anibersaryo ng dakilang talibang partido ng proletaryado at mamamayang Pilipino, ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP). Muling itinatag ang PKP noong Disyembre 26, 1968 upang pagbuklurin ang masang nagbabalikwas laban sa imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo. Mula noon hanggang sa kasalukuyan, tiwala ang KM sa makauring pamumuno ng PKP sa lahatang-panig na pagsusulong ng demokratikong rebolusyon hanggang sa ganap na tagumpay at sa susunod na yugto ng sosyalistang rebolusyon at konstruksyon.

Ngayong taon, hindi biro ang kinaharap ng sambayanang Pilipino sa gitna ng tumitinding kronikong krisis panlipunan sa loob at labas ng bansa. Gayunpaman, ubos-lakas nating sinikap na ikambyo-pasulong ang ating mga rebolusyonaryong tungkulin, at nararapat lamang na sama-sama natin itong balikan, gayundin ang ating mga kahinaan at tagumpay, upang patuloy na dumaluyong kasama ang malawak na masa ng sambayanang Pilipino.

Sa umpisa pa lamang ng taon, hindi pa man nakakabangon mula sa lugmok ng pandemya ang sektor ng edukasyon ay muli itong walang pakundangang pinahirapan ng rehimeng US-Marcos-Duterte nang bawasan ng bilyon-bilyon ang badyet ng State Universities and Colleges (SUCs). Umabot sa 6.1 bilyon ang kinaltas sa badyet ng SUCs habang garapalan ang pandarambong gamit ang “Confidential Intelligence Funds (CIF)” lalo na sa opisina ni Bise Presidente at Kalihim ng Edukasyon Sara Duterte. Kaliwa’t kanan ang naging pagtutol ng mga mamamayan at kabataan sa CIF na ito sa gitna ng mas nailantad na mga anti-mahirap na polisiya ng gobyerno at nabubulok na kolonyal, komersyalisado, at pasistang sistema ng edukasyon sa bansa.

Kasabay ng lumalalang sosyo-ekonomikong krisis, patuloy pa rin ang pagyurak ng estado sa karapatang pantao ng mamamayang Pilipino. Nasaksihan natin ang pagpupumilit ng mga berdugong elemento ng estado na panghimasukan ang ating mga pamantasan gamit ang niraratsadang Mandatory ROTC, mga tahasang red-tagging forum, at kabi-kabilang paniniktik lalo na sa mga progresibong kabataan. Tumindi rin ang paggamit ng estado sa mga batas gaya ng Anti-Terrorism Act of 2020 laban sa mga tagapagtanggol ng karapatang pantao kabilang ang mga kabataang sina Hailey Pecayo, Jasmin Rubia, Ken Rementilla, Jpeg Garcia, at iba pang mga mamamayan ng Timog Katagalugan, kung saan higit 20 na ang sinampahan ng mga gawa-gawang reklamo gamit ang labag sa konstitusyong Terror Law.

Higit pang masahol ang kawalang respeto ng estado sa karapatang pantao sa kanayunan. Sa Mindoro pa lamang, tinatayang higit 28,000 mamamayan na ang apektado sa serye ng aerial bombings, pag-iistraping, at panganganyon ng 203rd Infantry Brigade habang sa Balayan, Batangas naman, nasa 128 pamilya ang sapilitang pinalisan mula sa kanilang mga tahanan dahil sa indiscriminate firings ng 59th Infantry Battalion.

Lantad na lantad na sa mga mamamayang Pilipino at buong daigdig ang mga paglabag ng reaksyunaryong gobyerno ni Marcos Jr. sa karapatang pantao at internasyunal na makataong batas. Imbwelto at dapat ding panagutin dito ang imperyalismong US na siyang utak sa likod ng anti-mamamayang kontrainsurhensyang digma na gumagamit ng pasistang “whole-of-nation approach.”

Nasaksihan natin ngayong taon ang isa sa pinakamalaking military exercises sa bansa sa pagitan ng Pilipinas at US at iba pang mga dayuhang bansa. Noong Abril ay humigit-kumulang 12,000 sundalong Amerikano ang nakiisa sa Balikatan Exercises na siyang higit nagpalubha sa tensyong geopolitikal sa Pilipinas. Bukod pa sa maaaring banta nito sa kaligtasan ng mga mamamayan, milyon-milyon din ang winaldas na badyet dito mula sa kaban ng bayan.

Hindi lamang sa ating mga kapuluan sumikad ang karahasan ng imperyalismong US dahil sa kabilang dako ng mundo, patuloy na pinupupog ng Israel ang Palestine sa tulong ng US. Sa nakaraang pagpupulong ng United Nations upang magkaisa sa resolusyong magkaroon ng tigil-putukan sa nagpapatuloy na henosidyo sa Gaza, tanging US lamang ang bumoto upang pigilan ang desisyong ito. Walang puso at halang ang bituka ng imperyalismong US at mga pasistang papet nito na nasa likod ng walang-habas na pagpatay sa mga mamamayang Palestino para sa pansarili nilang interes.

Ang pakikibaka ng mamamayang Palestino ay karugtong ng pakikibaka ng uring manggagawa at mamamayan sa buong daigdig. Sa Pilipinas, nananatiling hinog ang mga kondisyon upang lahatang-panig na isulong ang demokratikong rebolusyong bayan na siyang gagapi sa bulok na sistema ng isang malakolonyal at malapyudal na lipunan at sa mga batayang suliranin ng imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo. Gagap ng mga kabataang makabayan ang kahalagahan ng determinadong pakikibaka upang tuldukan ang mga kondisyon at kronikong krisis na ito. Sa katunayan, sa mga nakalipas na buwan pa lamang ay daan-daan ang mga kabataan sa Timog Katagalugan na aktibong kumilos upang ipagdiwang ang ika-59 anibersaryo ng Kabataang Makabayan noong Nobyembre 30 at ika-55 anibersaryo naman ng PKP ngayong araw, Disyembre 26. Bakas sa ating mga inilunsad na iglap-protesta, oplan-pinta at oplan-dikit (OP-OD), mga pagtitipon, at iba’t iba pang aktibidad na sumusulong at ‘di magagapi ang ating rebolusyon.

Sa pagpapatuloy ng ating makaturangang paglaban, kasabay ng pagdiriwang ng ating mga tagumpay ay nararapat lamang bigyan ng karangalan at pagpupugay ang hene-henerasyon ng mga kabataang nag-alay ng kanilang buhay para sa sambayanan. Pagpugayan at dakilain natin ang mga alaala at aral na iniwan ng mga naunang henerasyon ng mga Kabataang Makabayan—sina Prop. Joma Sison, Rizalina Ilagan, Lorena Barros, Leticia Ladlad, Jessica Sales, Eduardo Serrano, Gerry Faustino, Lucio de Guzman, Bacolor Mendoza, Melito Glor, Pamela Jane Lapis, at marami pang iba.

Sa mga kabataang martir ng kasalukuyang panahon kagaya nina John Carlo “Ka Iñigo” Capistrano Alberto, Kevin Cedrick “Ka Lucio” Castro, Arc John “Ka Hunter” Varon, Queenie Loricel “Ka Kira” Daraman, Josephine “Ka Ella” Lapira, at Jethro Isaac “Ka Pascual” Ferrer, at marami pang iba, aming ipagpapatuloy ang inyong nasimulang laban.

Pinakamataas na pagdakila at pagpupugay din ang alay ng KM-TK sa huwarang rebolusyunaryong lider ng Timog Katagalugan na isa sa mga naghabi ng deka-dekadang pakikibaka sa kalunsuran at kanayunan na si Josephine “Ka Sandy” Mendoza. Sa pamamagitan ng iyong pamumuno ay lalong tumatag at naging makabuluhan ang tapiserya ng rebolusyong Pilipino.

Sa nakaraang 55 taon ng ating paghihimagsik, naging makabuluhan at mabunga ang paglahok ng mga kabataang makabayan sa landas ng digmang bayan at pambansa-demokratikong rebolusyon. Hanggang sa kasalukuyan ay hinahamon tayo ng panahon na patuloy na itaas ang rebolusyonaryong kamulatan ng mga kabataang maaari nating kabigin sa digmang wawakas sa imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo na sumasadlak sa sambayanan. Ilang dekada man ang lumipas, tiyak pa rin ang tagumpay ng ating pambansa-demokratikong rebolusyon na makauring pinamumunuan ng Partido Komunista ng Pilipinas sa tanglaw ng Marxismo-Leninismo-Maoismo.

Mabuhay ang PKP, dakilang talibang partido ng rebolusyong Pilipino!
Kabataan, lumahok sa armadong pakikibaka at sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!
Lahatang-panig na isulong ang rebolusyon hanggang sa ganap na tagumpay!

Download: PDF

Ipagdiwang ang ika-55 anibersaryo ng Partido Pomunista ng Pilipinas! Dakilain ang alaala ng mga martir ng sambayanan! Maghimagsik at isulong ang pambansa-demokratikong rebolusyon tungong ganap na tagumpay!