Ipagdiwang ang ika-55 na anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas! Ibayong sumulong tungo sa tagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan!
Binabati ng National Democratic Front at ng lahat ng rebolusyonaryong organisasyon sa probinsya ng Laguna ang Partido Komunista ng Pilipinas sa ika-55 na anibersaryo nito. Mabuhay!
Sa okasyong ito, pinapaalalahanan tayo ng Partido na kailangang mahigpit nating hawakan ang ating mga prinsipyo at linya sa ideolohiya, pulitika, at organisasyon. Wasto at napapanahon ang panawagan ng Partido na magwasto at matuto mula sa ating nagdaang praktika.
Pinapatunayan ngayon ng Partido na handa ito magpaunlad upang lalong mapagsilbihan ang masa. Hindi ito nag-iilusyon bilang palaging perpekto. Takda lamang ito na isa itong tunay na Marxista-Leninistang Partido, na palagiang nagsusuri sa sarili at sa kongkretong kalagayan ng rebolusyon.
Gayundin, kinikilala ng rebolusyonaryong kilusan ng Laguna ang dakilang ambag ng laksa-laksang mga martir ng sambayanan sa nagdaang 55 na taon ng pambansa-demokratikong pakikibaka. Pinakamataas na pagpupugay ang ibinibigay namin kanila kasamang Jose Maria Sison, Benito Tiamzon, Wilma Austria, Josephine Mendoza, at sa marami pang mga kadre at tanglaw ng rebolusyong Pilipino.
Pinagpupugayan din namin ang mga dakilang anak ng Laguna na nagbuwis ng kanilang buhay para sa sambayanan. Kabilang na rito sina Abegail “Ka Laura” Bartolome, Allysa “Ka Ilaya” Lemoncito, at sa marami pang mga anak ng bayan na nagpatuloy ng simulain ni Gat Andres Bonifacio.
Dakilang inspirasyon ang buhay at pakikibaka ng ating mga bayani para sa ating patuloy na pagpursige at pagsulong. Palaging dadalhin ng rebolusyonaryong kilusan sa Laguna ang mga aral na tinuturo sa atin ng masa at ng ating Partido.
Wasto ang panawagan ng Partido sa lahat ng rebolusyonaryong puwersa na magpursige sa pagsulong ng demokratikong rebolusyon ng bayan. Tumitindi ang kronikong krisis ng lipunan sa lahat ng aspeto nito. Sabay na lumalala ang krisis sa ekonomya dulot ng neoliberalismo at malapyudalismo, at ang pampulitikang krisis ng mga magkaribal na reaksyunaryong pangkatin. Tumatalas din ang mga kontradiksyon ng imperyalismo at sumisikad ang kapwa armadong rebolusyon at demokratikong kilusang masa sa iba’t ibang panig ng daigdig.
Hindi nahihiwalay ang probinsya ng Laguna sa ganitong kalagayan. Danas ng mamamayang Lagunense ang kahirapan mula sa mga sentrong urban hanggang sa malawak na kanayunan nito.
Sa kalunsuran, bumababa ang kalidad ng trabaho habang lumiliit ang tunay na halaga ng sahod. Umiikot lamang sa PHP 385 hanggang PHP 520 ang arawang minimum na sahod ng isang manggagawa sa industriya; malayong malayo sa halos PHP 1,100/araw na living wage na kailangan ng isang pamilya ng lima.
Lumalaki ang bilang ng mga malamanggagawa sa lalawigan. Sa kabila ng datos ng estado na lumiliit ang bilang ng disempleyo, kapansin-pansin na karamihan sa mga trabahong nalilikha ay mga informal, kaswal, at walang kasiguraduhan. Lumalaki ang konsentrasyon ng mga maliliit na manininda, mga tsuper at drayber ng pampublikong transportasyon, at mga pumapasok sa mga impormal na kontrata para sa hanapbuhay.
Kasabay ng ganitong kalagayan, patuloy na pinapatay ng rehimeng US-Marcos Jr. ang mga maralitang Lagunense. Nananatili ang kontrakwalisasyon sa hanay ng mga manggagawa sa kagustuhan ni Marcos Jr. na akitin ang dayuhang pamumuhunan sa mga engklabo ng lalawigan. Samantala, mawawalan ng hanapbuhay ang libu-libong mga drayber at maliliit na opereytor ng jeep dahil sa “franchise consolidation” ng hungkag na PUV Modernization Program.
Tumitindi ang pangkalahatang krisis para sa serbisyong panlipunan. Dahil sa pribatisasyon ng edukasyon, kalusugan, tubig, kuryente, at iba pang batayang serbisyo, maraming mga Lagunense ang hindi nakakatamasa ng disenteng pamumuhay. Lumalaki ang mga slum colony sa baybay lawa at baybay riles ng probinsya dahil sa kawalan ng maayos na pabahay. Marami namang nasa pampublikong pabahay ang hindi makabayad ng upa dahil sa kawalan ng disenteng trabaho.
Sa kapwa kanayunan at kalunsuran, nakaambang banta ang mga poryektong komersyal at imprastruktura na nagbabantang magpalayas ng libong mamamayan at sirain ang kalikasan.
Sa baybay lawa ng Laguna, kung saan nakatira ang malaking bilang ng mga maralita at maliliit na mangingisda, sinisimulan ang konstruksyon ng Laguna Lakeshore Road Network, isang proyektong highway na magsisimula sa C6 ng Taguig at paiikutan ang kahabaan ng baybay lawa.
Ang LLRN ay proyektong pinopondohan ng Asian Development Bank at nagsisilbi para mas mapadali ang transportasyon ng mga produkto mula sa mga engklabo ng Laguna papunta sa mga export processing zone sa Maynila. Nagsisilbi rin ang LLRN sa mga proyektong eko-turismo sa lalawigan, partikular na ang balak na Freedom Park sa Santa Rosa, mga proyekto ng mga Ayala, Tan, at Villar sa Hacienda Yulo, pribatisasyon sa mga resort sa Calamba, at iba pa.
Sa mismong lawa naman, balak pondohan ng mga Ayala at iba pang mga dambuhalang komprador ang pagtatayo ng floating solar farm sa Laguna de Bay bilang tugon sa “energy crisis” ng bansa. Ito rin ang dahilan kung bakit tinutulak ng mga Razon at ng mga Araneta ang pagtatayo ng Ahunan Dam at Belisama Dam, parehong sa bayan ng Pakil.
Sa halip na tugunan ang krisis na ito, kumikiling ang reaksyunaryong estado sa pasismo at panunupil para maseguro ang kaniyang puwesto sa poder.
Malayang ginagamit ni Marcos ang NTF-Elcac at ang iba pang mga galamay ng estado para maniktik at manakot sa mga unyonista, lider-magsasaka, lider-kabataan, at mga progresibo sa mga komunidad.
Sinasagot ng PNP at AFP ang mga lehitimong daing ng mga tsuper ng pananakot at pagturing sa kanila bilang mga ahente-probokador. Tuloy-tuloy naman ang pagpapakalat ng Elcac ng maitim na propaganda para maipakita na “natatalo na nila” ang rebolusyonaryong kilusan.
Kagyat na tungkulin ngayon ng bawat rebolusyonaryo na pag-aralan ang lipunan at paunlarin ang teorya at praktika ng rebolusyon sa Pilipinas. Mula sa obhetibong kalagayan ng Laguna, kailangan nating paunlarin ang mga suhetibong pwersa ng rebolusyon sa pamamagitan ng pagsulong ng wastong linya sa ideolohiya, pulitika, at organisasyon.
Kailangan natin maging dalubhasa sa Marxismo-Leninismo-Maoismo at sa wastong pagsusuri ng mga buhol-buhol na kontradiksyon sa lipunan. Magagawa lamang ng rebolusyonaryong proletaryado na pamunuan ang rebolusyonaryong pakikibaka kung inaarmasan ito ng wastong teorya, at nailalapat ang teoryang ito sa tamang praktika.
Napapanahon ang mapangahas at matunog na pagsikad ng digmang bayan sa ating lalawigan. Inaasahan ang kapwa pagsulong ng armadong pakikibaka sa kanayunan at ng demokratikong kilusang masa sa kalunsuran. Hamon sa lahat ng rebolusyonaryong pwersa sa lungsod at mga mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan sa papulahin ang probinsya ng Laguna.
Nananatiling mahaba ang landas na dapat tahakin ng mamamayan para sa ganap na paglaya. Nananatiling mas malakas ang mga pwersa ng reaksyon kumpara sa mga rebolusyonaryong pwersa. Ngunit, sa gabay ng Partido Komunista ng Pilipinas, unti-unti nating maiipon ang lakas ng rebolusyon hanggang sa tuluyan nating mapabagsak ang imperyalismong US, mga naghaharing burgesya komprador at panginoong maylupa, at lahat ng reaksyunaryo sa ating bayan.
Salubungin natin ang susunod na taon na may tapang at determinasyon! Itaas natin ang ating rebolusyonaryong diwa at ibayong sumulong tungo sa tagumpay ng demokratikong rebolusyon ng bayan!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas! Mabuhay ang rebolusyong Pilipino!