Pahayag

Ipagdiwang ang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan!

, ,

Ngayong ika-8 ng Marso, ipinagdiriwang ng buong rebolusyunaryong kilusan, sa pangunguna ng Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (MAKIBAKA), ang Pandaigdigang Araw ng Kababaihang Anakpawis, isang panandang bato na nagsisimbolo sa kapasyahan ng kababaihan, sa partikular ng kababaihang anakpawis, na gapiin ang macho-pyudal at burges-dekadenteng pagtrato sa kababaihan.

Sa mahigit 100 taong pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng Kababaihang Anakpawis, hindi na mabilang ang signipikateng ambag ng kababaihan sa pag-unlad ng lipunan at mga tagumpay na nakamit ng iba’t ibang tipo ng kilusan ng kababaihan. Ngunit ang pinakamalaking ambag at tagumpay sa lahat ng ito ay ang paglahok ng kababaihan sa armadong rebolusyon upang ibagsak ang mga naghaharing-uri na siyang nagpapanatili ng mababang katayuan sa ekonomiya at pulitika ng kababaihan sa lipunan. Ang armadong rebolusyon ay may ultimong layuning makapagtayo ng sosyalistang lipunan hanggang sa maabot ang komunismo na kung saan tiyak ang pantay na pagtrato sa kababaihan sa iba-ibang larangan.

Hindi na mabilang ang mga kababaihang lumahok sa digmang bayang pinamumunuan ng pinakamamahal nating Partido Komunista ng Pilipinas. Sila ay galing sa uring manggagawa, magsasaka, at peti-burgesya. Sila’y mga kababaihang manggagawang barat na barat ang sahod samantalang supertubo ang kinukuha ng kapitalista. Sila’y mga kontraktwal na manggagawang kapag naggumiit na maging regular ay tatanggalin sa trabaho. Silang nagbubuo ng mga unyon na wala nang masasandigan kundi ang welga ngunit dadahasin ng pinagsanib na pwersa ng kapitalista at estado. Sila’y mga kababaihang magsasaka na wala o kulang sa lupang pag-aari, ngunit siyang nagpapagal sa mga tubigan, niyugan, gulayan, at tubuhan ngunit hindi natatanggap ang bunga ng pinagpaguran.

Masaklap pa’y kakamkamin ng mga malalaking panginoong-maylupa at negosyante ang lupang binubungkal upang tayuan ng solar farm at iba pang negosyo tulad ng plano sa Hacienda Roxas. Sila’y mga manggagawang-bukid, mga naghuhurnal at naggagapak sa mga tubuhan na napakababa, ni wala man lang sa minimum wage, ang natatanggap na sahod mula sa mga nagmamay-ari ng maluluwang na mga lupain.

Sila’y mga kababaihang binaka ang apat na awtoridad sa mala-kolonyal at mala-pyudal na lipunan na kumubabaw sa kanila sa daan-daang taon–awtoridad sa pulitika, ng simbahan, ng angkan, at ng lalaki–upang ilaan ang buhay para sa pagtatagumpay ng rebolusyon, para sa paglaya ng kababaihang anakpawis!

Sa makasaysayang araw ding ito, muling idinadambana ng MAKIBAKA-Batangas at ng buong rebolusyonaryong kilusan sa probinsya ang mga kababaihang lumahok sa pinakamataas na porma ng pakikibaka, ang armadong pakikibaka. Sila ang mga kababaihang mandirigma at opisyal ng New People’s Army na nagsisilbing ate, tiya, ina, at lola sa mga magsasaka at iba pang mababang uri sa mga sonang gerilyang kanilang saklaw. Ang kanilang walang maliw na pagmamahal sa masang inaapi at pinagsasamantalahan ang siyang patuloy na nagpapa-apoy sa kanilang damdamin upang hindi sumuko sa anumang hirap na kailangan nilang batain hanggang sa pagsasakripisyo ng kanilang buhay.

Ating paalingawngawin ang pinakamataas na pagdakila kina Jhunalice “Ka Arya” Arante-Isita, Baby Jane “Ka Binhi” Orbe, Maria Jetruth “Ka Seven” Julongbayan, Gladys Cassandra “Ka George” Mendoza, Precious Alyssa “Ka Komi” Anacta, at Allyssa “Ka Ilaya” Lemoncito, mga mandirigma ng NPA-Eduardo Dagli Command at kadre ng Partido. Sila’y mga kababaihang martir ng Batangas na nagbuwis ng kanilang buhay para sa dakilang adhikain ng pambansang kalayaan, demokrasya at sosyalistang hinaharap. Isinusumpa ng MAKIBAKA-Batangas na magiging aktibo ito sa pagkakamit ng hustisya para sa mga martir ng rebolusyon at sa mga kababaihang biktima ng karahasan ng estado!

Ngayon, higit-kailanman, kinakailangan ang pinakamalawak na partisipasyon ng kababaihan sa iba’t ibang larangan ng pakikibaka, lalo higit sa armadong pakikibaka upang ibagsak ang imperyalismo, pyudalismo, burukrata-kapitalismo. Lumahok tayo sa pagkakamit ng isang lipunang magtitiyak na ang kababaihang manggagawa at magsasaka ay hindi na makakaranas ng makauri at batay-sa-kasariang pagsasamantala. Para sa mga susunod na henerasyon, kamtin natin ang lipunang masagana, may hustisyang panlipunan at wala nang pagsasamantala ng tao sa tao!

Pinakamataas na pagdakila kina Ka Arya, Ka Binhi, Ka Seven, Ka George, Ka Ilaya, Ka Komi at sa lahat ng kababaihang martir ng rebolusyon! Sila ay mga rebolusyonaryo, hindi terorista!

Kababaihang Batangueño, labanan ang maka-uring pang-aapi! Sumapi sa NPA!
Ipagtagumpay ang pambansa-demokratikong rebolusyon na may sosyalistang perspektiba!

Mabuhay ang mga rebolusyonaryong kababaihan!

Ipagdiwang ang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan!