Pahayag

Ipaglaban ang karapatan! Isulong ang pakikibang masa at digmang bayan sa gitna ng umiigting na pasismo ng rehimeng US-Marcos II!

,

Sa paggunita sa Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao, nakikiisa ang NDF-Ilocos sa lahat ng kilusan at mamamayan sa buong mundo na lumalaban at naninindigan para sa karapatang-pantao. Higit kailanman, napapatibay ang mga batayan upang pahigpitin ang pagkakaisa ng mamamayang Ilokano at tumipon sa sambayanang Pilipino at mamamayan ng daigdigan sa pagsusulong ng pakikibakang masa at digmang bayan upang matamasa ang mga karapatan, hustisya at kalayaan.

Kasama ng masang Pilipino, pahirap na pahirap ang kundisyon ng kabuhayan ng masang Ilokano dahil sa sunod-sunod na kalamidad na pumatong sa dati nang mga kontra-mamamayang patakaran ng reaksyunaryong estado. Sa harap nito, ang rehimeng Marcos ay sadyang nagwawalang-bahala sa karaingan ng mamamayan. Bagkus, batas militar ang iwinawasiwas sa pagpapatupad sa Anti-Terror Law upang sikilin ang pagkilos ng mga demokratikong samahan ng mamamayang nagsusulong ng kanilang kagalingan.

Sa pagkaluklok nito sa poder, isinisigurado ni Marcos Jr., na ang kaniyang balwarte sa Ilocos ay “mapayapa at malaya” mula sa rebolusyonaryo at demokratikong pakikibaka ng mamamayan. Hindi binaklas ng AFP ang mga pwersa nito sa rehiyon upang isustini ang pagiging “insurgency-free” at “tuluyang durugin” ang demokratikong pakikibaka ng masa. Nakadeploy sa mga komunidad at nagsasagawa ng mga Focused Military Operations at mapanlinlang na “community service and development” sa Ilocos ang mga tropa ng 50th IBn, 102nd IBn, 702nd IBn Phil Army, ang 4th Marine Brigade Landing Team, mga CAFGU at mga pangkombat na pwersa ng PNP. Noong Abril, nagsagawa ang mga ito ng aerial bombing at strafing sa bukid at bundok na nagsapeligro sa buhay at kabuhayan ng mga sibilyan sa pakikipagsagupa nila sa NPA sa hangganan ng Abra at Ilocos Sur. Dinagdagan at pinalakas ang mga pwersa ng AFP sa pagdeploy dito ng 4th Marine Brigade na maliban sa lokal na kontra-insurhensiyang kampanya ay kaagapay ng imperyalistang US sa pagpapanatili ng base militar nito dito sa Ilocos.

Sa ilalim ng rehimeng Marcos II, pinopokusan ng panunupil ang hayag na demokratikong kilusan ng masa. Sa Ilocos, tampok ang pagpapaigting ng surveillance, harassment at iligal na pang-aaresto sa mga lider at kasapi ng tribung Isnag-Yapayao na tumututol sa pagtatayo ng mga proyekto kagaya ng Cabacanan Dam, Buhawind, mga solar at windpower plants na nang-aagaw sa kanilang ansestral na lupain. Sinusupil kahit pagsusurbey lamang ng mga magsasaka sa salanta ng kalamidad at pananaliksik ng mga grupong pangkaunlaran sa kalagayan ng masang mangingisda at magsasaka. Sinusubaybayan at ginigipit pati mga operasyong relip ng mga mapagkawanggawang grupo. Walang-lubay ang red-tagging, maging sa mga taong-simbahan.

Pinag-iibayo ang pwersahang pagpapasurender sa mga magsasaka at mangingisda. Ang mga pekeng surrenderees na sibilyan ay binubuo sa mga organisasyon upang ipanakot at ipagyabang sa publiko na nadudurog na nila a rebolusyonaryong kilusan. Ipinangangalandakan ng AFP na nakapagbuo na sila ng 64 na “organisasyon” sa Ilocos region, na “nagtatamasa na” umano ng mga maunlad na kabuhayan sa mga ibinigay nilang livelihood, kahit alam na alam ng mga pekeng surrenderees na kinukurakot lamang ng mga pulis at militar ang pondo para dito. Gamit ang Terroism Financing Prevention and Suppression Act, umiigting ang pagsasampa sa gawa-gawang kasong financing terrorism sa mga organisasyon, aktibista at manggagawang pangkaunlaran sa Ilocos na pinararatangang nagpopondo sa rebolusyonaryong kilusan.

Lansakan ang paglabag ng AFP sa Internasyunal na Makataong Batas at JASIG (Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees). Hindi kinikilala ang karapatan ng mga hors de combat o mga mandirigmang nawalan ng kakayanang lumaban, kagaya na lamang ng pagdakip at pagdetine sa tatlong maysakit na Pulang mandirigma sa Apayao noong Oktubre 3 at sa tagapagsalita ng CPDF (Cordillera People’s Democratic Front) at NDFP consultant na si Simon “Ka Filiw” Naogsan noong Oktubre 21.

Sukdulang paglapastangan sa soberanong karapatan at kalayaan ng mamamayang Ilokano at buong sambayanang Pilipino ang pagpapahintulot ni Marcos Sr. sa pagtatayo ng isang hindi-deklaradong EDCA site sa Ilocos Norte. Maliban sa malalaking ehersisyong militar na isinagawa sa probinsya mula 2022, tuloy-tuloy ang pagsasagawa ng mga tropang Amerikano at mga kaalyado nito ng ehersisyong militar dito, gayunding naka-istasyon dito ang mga malalakas na armas pandigma, kabilang ang isang Typhon mid-range capability (MRC) missile system at paggamit din ng Laoag City (Ilocos Norte) bilang refuelling station. Dahil dito ay humaharap sa malaking panganib ang masa lalo na sa mga komunidad na pinagdadausan ng mga ehersisyong militar at tinayuan ng base militar ng US.

Ang kasalukuyang latag ng militarisasyon sa Ilocos ay sadyang dinisenyo ng rehimeng Marcos Jr. upang magsilbing seguridad ng mga malalaking negosyo dito. Ang Ilocos ay itinakda ni Marcos Jr. na sentro ng pamumuhun sa Southeast Asia. Ang mga puersang militar at pulisya kasama ang mga tropang Amerikano ay nakapakat sa mga komunidad na kinatitirikan at pinagpapalawakan ng mga plantang enerhiya at ekoturismo, at kung nasaan ang mga demokratikong samahan ng magsasaka, mangingisda at pambansang minorya na lumalaban para sa kanilang karapatan sa lupa at kabuhayan, ansestral na teritoryo at sariling pagpapasya.

Sa malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipinas, sikil ang lahat ng karapatan ng mamamayan. Pinasisidhi ng rehimeng Marcos Jr. ang krisis sa ating lipunan sa ibayo pang pagpapatupad ng mga neoliberal na patakaran, pagtataguyod sa interes ng malalaking burges kumprador at panginoong maylupa at pagpapakatuta sa imperyalistang US.

Ang hustisya sa lipunan, kalayaan at karapatang pantao ay matatamasa sa pagtatagumpay ng pambansa demokratikong pakikibaka ng mamamayan. Ang mga ginigipit na aktibista, lider masa at mga samahan nila ay makakalaban kung sila ay marami at malakas, kung kaya’t nararapat lamang na sila’y magpursige sa pag-oorganisa at pagmomobilisa sa masa sa pambansa demokratikong rebolusyon. Habang pinag-iibayo ang mga hayag na kilusan upang mas malawak ang paghamig sa masa ay pinalalawak at pinalalakas din ang lihim na rebolusyonaryong gulugod nito upang hindi natitibag ang kanilang hanay kung mag-crackdown ang kaaway.

Kailangang alalahanin na noong kasagsagan ng pasistang paghahari ng diktador na Marcos Sr ay naglunsad ng malawakang pakikibakang masa ang mga aktibista, kasabay ang pagtatayo ng kilusang lihim hanggang sa pagtungo sa kanayunan upang maglunsad ng digmang bayan. Kabilang ang masang Ilokano sa karanasang ito.

Sa gitna ng tumitinding karahasan, panggigipit at paglabag sa karapatang pantao, ang panawagan ng NDF-Ilocos ay – makibaka, huwag matakot! Pag-ibayuhin at palawakin ang hayag na pakikibaka sa pagtatanggol sa karapatang pantao, kagalingan at interes ng masa. Higit pa dito ay umanib sa hukbong bayan at palakasin ang armadong pakikibaka, na pinakamapagpasyang sisingil sa hustisya at dudurog sa pasismo ng estado.

Ipaglaban ang karapatan! Isulong ang pakikibang masa at digmang bayan sa gitna ng umiigting na pasismo ng rehimeng US-Marcos II!