Pahayag

Pahayag sa ika-60 anibersaryo ng Kabataang Makabayan Ipagpatuloy ang anim na dekadang militanteng kasaysayan! Kabataang Mindoreño, pag-aralan at isulong ang demokratikong rebolusyong bayan!

,

Nag-aalab na rebolusyonaryong pagbati ang ipinaaabot ng Kabataang Makabayan (KM) – Mindoro sa lahat ng kasapi nito at lahat ng kabataang Mindoreño. Sa ika-60 taon ng pagkakatatag ng natatanging rebolusyonaryong organisasyon para sa ating mga kabataan, muli tayong manumpa ng ating pagtanggap sa tungkuling isulong at kumpletuhin ang pambansa demokratikong rebolusyon!

Ang pagkakatatag ng KM anim na dekada na ang nakalipas ay panandang bato sa muling pagsusulong ng Rebolusyong 1896 ni Gat Andres Bonifacio at muhon ng pagbangon at pagpapanibagong-lakas ng pambansang demokratikong kilusan. Binasag ng Ikalawang Kilusang Propagandang ibinandila ng KM ang higit isang dekadang kawalan ng pakikibaka laban sa malakolonyal, malapyudal na naghaharing sistema. Nagawa ito ng KM dahil matatag at mahusay itong tumupad sa tungkulin ng mga kabataan na pag-aralan ang lipunan sa pamamagitan ng paglubog sa masang api, laluna sa uring magsasaka at manggagawa. Naninindigan ang KM na ang tunay na pag-aaral ay magagawa lang kung ito’y nakasanib sa pakikibaka ng uring anakpawis at sambayanan para sa paglaya mula sa pagsasamantala at pang-aapi.

Sa gitna ng tumitinding pagsasamantala ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo sa mamamayan, marapat na tumungo tayo mula sa ating mga klasrum papunta sa mga sakahan, pagawaan at komunidad upang lumubog, mag-aral, makipamuhay at magmartsa kasabay sa pakikibaka ng masang magsasaka, manggagawa at iba pang mga maralita ng kanayunan at kalunsuran gaya ng ginawa ng nagdaang mga henerasyon ng rebolusyonaryong kabataan.

Ang kabataang Mindoreño ay dapat na pumunta sa mga sakahan at bukid. Dito, dapat tayong matuto mula sa mga magsasaka at manggagawang bukid na silang bumubuo sa 90% ng populasyon ng ating isla. Dapat ding pag-aralan ang kalagayan ng mga katutubong Mangyan na nabibilang sa uring magsasaka at silang nakararanas ng pinakamasahol na pang-aapi. Sa pag-aaral sa matinding kahirapan ng magsasakang Mindoreño at katutubong Mangyan na dulot ng kawalan ng lupa, atrasado at napakamahal na produksyon, mababang presyo ng mga produktong bukid, mababang pasahod sa mga manggagawang bukid, tagibang na hatian sa ani at kita at iba pang porma ng pyudal at mala-pyudal na pagsasamantala, magagawa ng mga kabataang Mindoreño na maunawaan nang malalim ang kalagayan ng laksang Mindoreño at ang pyudalismong higit limang daan taong nang nagtatali sa isla sa kahirapan at atrasadong panlipunang kundisyon.

Sa pakikipamuhay naman sa mga manggagawa at malamanggagawa sa isla, makikita natin kung paano pinahihirapan ang masa ng kawalan ng mga pambansang industriya na sadyang pinipigilan ng imperyalismong US na umusbong. Ang mga manggagawa at mala-manggagawang pang-serbisyo at pang-industriya—ang mga kargador sa pier at palengke, tindera, construction worker, drayber ng mga dyip at traysikel at kasambahay sa kalakhan aymula talaga sa uring magsasaka na pumapasok sa panandalian at di regular na mga trabaho dahil sa napakatinding paghihikahos. Napakatingkad sa Mindoro ng mala-pyudalismo na laganap sa buong bansa. Ang paglubog sa uring anakpawis sa Mindoro ang magmumulat sa atin sa kungkretong mukha ng sabwatan ng imperyalismo at pyudalismo sa isla na mahusay na sumasalamin sa pangkabuuang malakolonyal at malapyudal na katayuan ng Pilipinas.

Kailangan nating mulat at aktibong pag-aralan ang lipunan dahil ang totoong kalagayan nito ay sadyang binabaluktot at tinatago mula sa atin ng kolonyal, mapanupil at komersyalisadong edukasyon at kulturang pinapalaganap sa hanay nating mga kabataan.

Pinagdidikdikan sa atin na ibuhos ang ating oras, atensyon at enerhiya sa pag-asikaso lamang sa ating makitid na makasariling interes at layawi, pikit matang pagsunod at di pagkwestiyon sa umiiral na mapagsamantala at mapang-aping kaayusan bilang diumano’y patunay ng ating kabutihang-loob at kagandahang-asal. Ito raw ang ating tanging mga tungkulin bilang mga kabataan. Anumang di pagsunod sa mga ito ay magdadala raw sa atin sa kapahamakan at kabiguan ng ating mga hinaharap.

Sinasabihan tayong mag-aral ngunit mismong gubyerno ang nagkakait sa atin ng karapatan natin sa edukasyon. Isinuko na ng gubyerno ang tungkulin nitong tiyakin ang edukasyon sa mga kapitalistangedukador para kanilang pagkakitaan. Ito ang dahilan bakit di abot kamay ang pag-aaral para sa napakaraming kabataan, laluna sa kabataang anakpawis. Taon-taong pang kinakaltasan ang pondo para sa sektor ng edukasyon na nagpapalala lalo sa pribadisado at komersyalisadong katangian ng sistema ng edukasyon.

Maski naman tayo’y makapag-aral at makapagtapos sa burges na paaralan, ipagkakait pa rin sa atin ang tunay at makabuluhang pagkatuto. Ang ating mga klasrum, mga libro at ang kurikulum kung saan tinatali maski ang ating mga guro ay daluyan ng mga ideya at konsepto na nagpapatibay sa paghahari ng imperyalismong US at lokal na mapagsamantalang uri sa bansa. Inaalis ang pag-aaral sa kasaysayan ng bansa at nirerebisa pa ito ng rehimeng Marcos II upang pagandahin ang imahin ng diktador, mandarambong at mamamatay taong rekord ng diktadurang US-Marcos. Ang tanging nilalaman ng edukasyon sa ilalim ng naghaharing sistema ay ang pinakabatayang mga kasanayan upang tayo’y makapasok bilang mga murang empleyado ng mga malalaking negosyo ng uring kumprador-panginoong maylupa-burgesya at mga dayuhang kumpanya. Sa mga trabahong ito, hindi sapat ang tinatanggap na sweldo para matustusan ang nagmamahalang presyo ng mga bilihin. At ito ay kung palarin man tayo na makahanap pa ng disenteng trabaho sa harap ng lumalaking disempleyo at kawalan ng oportunidad sa Pilipinas.

Sa tindi ng kagustuhan ng mga naghaharing uri na pigilan ang pagkamulat ng kabataan para gawin tayong balon ng kimi at masunuring lakas-paggawa, itininututok din ng reaksyunaryong gubyerno ang armas nito sa mga kabataan. Biktima tayong mga kabataan ng bangis ng terorismo ng estado. Sa katunayan, ang pinakahuling naitalang kaso ng ekstrahudisyal na pagpaslang sa Mindoro ay ang pagpatay ng mga sundalo ng 4th Infantry Batallion sa kabataang Mangyan na si Jay-el Maligday noong Abril 7, 2024. Hanggang ngayon ay di pa nabibigyang hustisya si Maligday—bagay na ikinapupuyos ng galit ng mga kabataang Mindoreño.

Partikular na anyo ng terorismo sa mga kabataan ang pagkakampo ng mga militar sa ating mga eskwelahan, paglulunsad ng AFP-PNP at NTF-ELCAC sa mga eskwelahan ng mga redtagging forum na humahadlang sa karapatan ng mga kabataan sa asosasyon at organisasyon at pagtatayo ng huwad na organisasyon para sa mga magulang ng mga diumano’y “kabataang biktima ng brainwashing ng CPP-NPA-NDF” upang gamitin ang umiiral na pyudal na kultura sa loob ng pamilya laban sa mga organisadong kabataan.

Malinaw, kung gayon, na ang pananahimik at kawalang pakialam ay lalong magsasapanganib sa ating kinabukasan at pati na rin ang kinabukasan ng lipunang Pilipino na ating mamanahin. Bukambibig ng mga reaksyunaryo na sayang ang ating kabataan kung ilalaan natin ito sa rebolusyon. Ngunit ang sumasambulat na malakolonyal, malapyudal na krisis ang mismong naglilinaw na ang dapat panghinayangan ay ang lakas, talino at buhay ng mga kabataan na sinisipsip ng iilang mga naghaharing uri at dayuhan sa ngalan ng kanilang pagpapasasa sa yaman at kapangyarihan.

Kung nais natin na matagpuan ang katuparan ng potensyal natin bilang kabataan, dapat mapagpasya tayong sumalungat at bumalikwas mula sa landas na itinatakda para sa atin ng bulok na lipunan. Sa pagbagtas sa rebolusyonaryong landas, gawin nating inspirasyon sina Ka Jose Maria Sison, Josephine “Ka Sandy” Mendoza, Lucio “Ka Cito” de Guzman, Arc John “Ka Hunter” Varon, Nancy “Ka Mamay” Looy Yaw-an, Jethro Isaac “Ka Bundo” Ferrer at lahat ng mga rebolusyonaryong inialay ang kanilang kabataan at kaisa-isang buhay para sa pagpapalaya sa sambayanan. Ang buhay at pakikibaka ng mga martir ng KM sa 60-taong kasaysayan nito ang patunay na ang pinakamakabuluhang mapaglalaanan ng ating kabataan ay ang lubusang paglilingkod sa rebolusyonaryong mithiin ng masang api at sambayanang Pilipino.

Hanggat hindi naibabagsak ang malakolonyal, malapyudal na sistema, madilim ang kinabukasan para sa ating mga kabataan at sa susunod pang henerasyon ng mga kabataang Pilipino. Sa gayon, mananatili ang hamon at panawagan sa ating mga kabataan:

Pag-aralan ang lipunan sa piling ng masang api’t nakikibaka! Ialay sa kanila ang lakas, talino at husay!

Ibagsak ang imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo! Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan!

Buong pusong paglingkuran ang sambayanan! Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!

Ipagpatuloy ang anim na dekadang militanteng kasaysayan! Kabataang Mindoreño, pag-aralan at isulong ang demokratikong rebolusyong bayan!