Ipagtanggol ang kapaligiran, kaligtasan at kabuhayan laban sa mga mapaminsalang proyekto ng mga kapitalista at rehimeng Marcos! Isulong ang pakikibakang masa at armadong pakikibaka sa Ilocos!
Dahil sa pagkakaisa at pagpupunyagi, isa na namang tagumpay ang nakamit ng masang Ilokano sa pagtatanggol sa kapaligiran, sa kanilang kaligtasan at kabuhayan laban sa mapanirang mga proyekto ng malalaking kumpanya.
Noong Setyembre 2, ipinahayag nina Ilocos Sur Governor Jeremias Singson at dating gobernador Chavit Singson na ipapatigil ang mapaminsalang dredging operation ng Isla Verde Mining and Development Company (IVMDC) sa bukana ng Lower Abra River sa bahagi ng Ilocos Sur. Natulak ang lokal na gobyerno ng probinsya na magpahayag ng pagpapatigil sa nasabing dredging operation pagkatapos ng serye ng mga kilos-protesta, pakikipagdayalogo at petisyon ng mamamayan, pangunahin sa mga apektadong komunidad ng operasyon.
Ang Isla Verde, isang kumpanyang nagmimina na nakabase sa Taiwan, ay nagsimulang magsagawa ng dredging operation noong Mayo 2024 sa bukana ng Lower Abra River na sumasaklaw sa mga bayan ng Santa at Caoayan at syudad ng Vigan sa Ilocos Sur. Noong June 2022, nagpirmahan ang Isla Verde at DENR Region I ng isang MOA (Memorandum of Agreement) na magsasagawa ang kumpanya ng paghuhukay, desiltasyon o paglilinis at rehabilitasyon sa isang bahagi ng Lower Abra River para umano sa “FLOOD CONTROL” at ang mga buhanging huhukayin ay dadalhin sa Pasay City. Maliban sa mga konsultasyon sa mga upisyal ng LGU at mga punong barangay, isinagawa ng kumpanya ang operasyon nang walang malinaw na impormasyon at pagpayag ng mga apektadong komunidad.
Inireklamo ng umaabot sa 9,536 na mga residente, mula sa siyam na barangay ng Santa at Caoayan, ang perwisyo na idinudulot ng dredging. Kadalasa’y isinasagawa sa gabi, matinding ingay ng mga barko’t makina, at walang-tigil na pagyanig ng mga istruktura ang nililikha ng operasyon. Lagpas pa rito, simula nang isagawa ang dredging, bumaba na ang huli ng mangingisda. Nabubulabog ang mga isda gawa ng matinding pagyanig at ingay na nililikha ng mga barko, nakokontamina ang mga ito at iba pang lamang-dagat. Ang baybay na ikinabubuhay ng mamamayan dito ay napopolusyon.
Mula nang isagawa ang dredging, naranasan na ng mga residente sa bisinidad ang paglala ng pagguho ng buhangin na sanhi ng matagal na nilang nararanasang pagbaha. Dahil sa dredging, mas pinalala ang pagbaha imbis na kontrolin ito.
Upang busalan ang protesta ng masa at magtuloy-tuloy ang operasyon, nagbibigay ang Isla Verde ng ilampung milyong pisong “share” sa lokal na gubyerno mula sa kita nito, kung saan 40% ay para sa barangay LGU, 30% para sa municipal LGU at 30% pa para sa provincial LGU. Ang pagbibigay ng kumpanya ng ganitong “share” sa lokal na gubyerno ay porma ng panunuhol at maliwanag na patunay na ang kanilang operasyon ay hindi para sa “flood control” at pangangalaga sa kapaligiran kundi NEGOSYO.
Ang pagtutulak ng mamamayan upang magpahayag ang lokal na gubyerno ng pagpapatigil sa operasyon ay isang makabuluhang hakbang na kailangang isulong hanggang tuluyang mapatigil ito, matulak ang rehabilitasyon ng mga pinsalang nilikha ng dredging at maibigay ang kumpensasyon sa masang naapektuhan nito. Nararapat lamang na panagutin ang Isla Verde at pakikipagsabwatan dito ng DENR at lokal na gubyerno.
Sa nakaraan, matagumpay na nalabanan ng mamamayang Ilokano ang mapanirang black sand mining sa prubinsya. Dahil ito sa kanilang malawak na pagkakaisa at pagpupunyagi. Hanggang sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang kanilang pakikibaka sa pagtatanggol sa kapaligiran.
Maliban sa operasyong dredging ng Isla Verde, nahaharap ang masang Ilokano sa marami pa at malalaking proyekto ng malalaking kapitalistang kumpanya at ng rehimeng Marcos na mapaminsala sa kapaligiran, sa kanilang kaligtasan at kabuhayan. Tinututulan nila ang dambuhalang Buhawind offshore windfarm na planong itayo sa Ilocos Norte na pipinsala sa pangisdaang baybay at sa kabuhayan ng libo-libong mangingisda dito. Idadagdag ito sa dati nang tinututulang malalaking wind at solar farm projects sa prubinsya na nangwasak at patuloy pang nangwawasak ng libo-libong ektaryang kagubatan at kalupaan na inagaw mula sa mga ansestral na teritoryo ng mga katutubo at mga magsasaka. Tinututulan din nila ang planong malalaking dam na nagdudulot ng panganib sa pagbaha at pagkamkam ng kanilang ansestral na teritoryo. Sa La Union ay patuloy ding tinututulan ang coal-fired power plant ng isang malaking kumpanya sa bayan ng Luna na nagdudulot ng panganib sa kapaligiran at kalusugan ng mamamayan dito.
Dahil sa mga mapanirang mga negosyong ito ay nalalagay sa labis na bulnerabilidad ang mamamayan sa Ilocos sa mga bagyo, landslide, pagbaha at tagtuyot. Ang mga sakunang ito ay pumapatong sa dati nang lugmok na kalagayan ng karamihang masang magsasaka, mangingisda at maralita sa rehiyon. Kung kayat nararapat lamang na pukawin ang masa sa ugat ng kanilang paghihirap na idinudulot ng paninira sa kapaligiran ng mga hayok sa ganansyang monopolyo kapitalista, mga lokal na burges-kumprador at pakikipagsabwatan ng rehimeng Marcos. Organisahin ang masa para sa mga militanteng pakikibaka at demokratikong rebolusyon ng bayan.
Ang laban sa Isla Verde at mapanirang mga negosyo sa Ilocos ay kailangang isulong, palawakin at paigtingin.
Bawat tagumpay sa mga ito ay nararapat lamang na humahantong sa pagtatayo at pagpapalawak ng mga pambansa demokratikong samahan ng masang magsasaka, mangingisda, pambansang minorya, at paghamig sa suporta ng panggitnang uri. Higit kailanman ay pinakamahalaga ang pagpapalakas sa ubod ng mga pakikibakang ito sa pagtatayo, pagpapalawak at pagpapalakas ng mga rebolusyonaryong organisasyong masa hanggang sa pagpapasampa sa hukbong bayan.
Tumitindi ang pangwawasak sa kapaligiran ng mga malalaking kapitalistang kumpanya sa pakikipagsabwatan ng mga burukrata kapitalista ng reaksyunaryong gubyerno. Mas nagiging marahas ang kanilang panglilimas sa likas yaman ng bansa at pagsasapanganib sa buhay at kabuhayan ng masa sa paghahabol nila ng pinakamalaking ganansya.
Ang hustisya sa pagsasamantalang ito ay makakamit lamang sa armadong pakikibaka sa ilalim ng demokratikong rebolusyon ng bayan. Nararapat lamang na singilin ang mga kapitalista sa danyos ng kanilang pinsala sa kapaligiran at kabuhayan ng mamamayan, subalit ang ultimong pagpapanagot sa mga ito ay ang pagpaparusa sa kanila ng New People’s Army. Kasama ang masa at ang rebolusyonaryong gubyerno, ang NPA ang nagtatanggol sa kalikasan, nagpepreserba at naglilinang sa mga ito para sa pambansang industriya kaakibat ng tunay na reporma sa lupa para sa kapakinabangan ng mamamayang Pilipino, hindi ng mga ganid na monopolyo kapitalista, malalaking burges kumprador, panginoong maylupa at kasabwat nilang burukrata kapitalista.
Ang pagiging “maybahay” ng Ilocos sa napakaraming mapanirang negosyo ay siyang nagiging malaking batayan upang lalo pang palakasin ang armadong pakikibaka sa rehiyon. Sa puntong ito ay nananawagan ang NDF-Ilocos ng maramihang pagpapasampa lalo na sa hanay ng kabataan, upang maging Pulang mandirigmang ultimong tagapagtanggol ng kalikasan, kaligtasan at kabuhayan ng mamamayan.