Ipanata natin ang hustisya para sa Aglonok 5

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Ang paunang impormasyon na aming natanggap tungkol sa pagkamatay ng limang Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan sa Barangay Aglonok, Calinog, Iloilo noong Agosto 8 ay nagpapakita na ang mga biktima ay nadakip ng mga pwersang militar sa ilalim ng 12th IB, 61st IB, at 82nd IB ng Philippine Army, ipinailalim sa matinding tortyur, at pagkatapos ay pinatay. Ang kanilang mga katawan ay may mga palatandaan ng matinding pambubugbog, mga saksak at harapang mga tama ng baril. Nakagapos pa ang mga paa ng isa sa mga biktima nang matanggap ng pamilya ang kanyang bangkay.

Habang patuloy ang imbestigasyon at naghihintay pa ng mga upisyal na ulat mula sa lokal na yunit ng BHB, malinaw na ang pangyayaring ito ay nakasunod sa padron ng pagpatay sa mga hors de combat na Pulang mandirigma ng BHB, na ginagawa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa ilalim ng rehimeng Marcos. Ang patakarang “huwag kumuha ng mga bilanggo” ng AFP ay malubhang paglabag sa internasyunal na makataong batas, partikular sa First Geneva Convention, na ginagarantiyahan ang mga karapatan ng mga maysakit at sugatang mandirigma, at Artikulo 41 ng Additional Protocol I, na nagbabawal sa anumang pag-atake laban sa mga kalabang pwersa na kinikilala bilang hors de combat.

Pinapanagot namin si Marcos mismo, at ang mga upisyal ng AFP, sa ekstrahudisyal na pagpatay sa hindi bababa sa 68 hors de combat na Pulang mandirigma ng BHB. Ang Partido ay determinadong kamtin ang hustisya para sa lahat ng biktima at ipinapanatang tiyakin na si Marcos at ang kanyang pasistang pangkatin ay mapananagot sa kanilang mga krimen sa digmaan sa harap man ng mga hukumang bayan o naaangkop na mga internasyunal na tribunal.

Nalaman namin na kabilang sa Aglonok 5 si Aurelio “Boy” Bosque, na kilalang pinuno ng mga manggagawa sa asukal at ang malawak na masa ng isla ng Panay. Inialay niya ang kanyang buhay sa pakikibaka ng mga taong nagpapagal at kanilang pambansang demokratikong layunin. Sumasaludo kami kay Ka Boy, gayundin sa iba pang Pulang mandirigma ng BHB na nagbigay ng sukdulang sakripisyo sa paglilingkod sa sambayanan.

Nais ng PKP na ipahayag ang pinakamarubdob na pakikiramay sa mga pamilya at mga mahal sa buhay ng Aglonok 5. Ang masang Pilipino at ang kanilang mga rebolusyonaryong pwersa ay kasama ninyong nagdadalamhati. Ang inyong kawalan ay kawalan din ng masa. Kasing bigat ng Bundok Madja-as ang kalungkutang dinadama ng aming mga puso sa kanilang pagkamatay.

Nananawagan kami sa sambayanang Pilipino na bigyang-galang at laging panatilihin ang alaala ni Aurelio Bosque at ng Aglonok 5. Bilang pagpaparangal sa kanila, mangako tayo na ipagpapatuloy ang rebolusyonaryong pakikibaka nang may pagpupursigeng hindi nauupos, hanggang sa mapuksa natin ang imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo, ang mga saligang problema ng sambayanang Pilipino, na araw-araw ay nang-aapi at nagsasamantala sa kanila, at itatag ang bagong bansa na nakabatay sa pambansang kalayaan at katarungang panlipunan.

Ipanata natin ang hustisya para sa Aglonok 5