Pahayag

Itanghal at i-ukit sa kasaysayan ang ala-ala ng 11 Martir at Bayani ng Agosto ng Panay!

 

August 30, 2024 | Pinakamataas na pagpaparangal ang ibinibigay ng Komiteng Rehiyon-Panay kina Vicente Hinojales (Ka Hadjie/Ka LG/Ka Jorge), Concha Araneta-Bocala (Ka Jojo/Ka Unding/Ka Minay/Ka Marta/Ka Ling/Ka Tonya), Rewilmar ‘Vivian’ Torrato (Ka Mia/Kikay/Minerva/Mara/Moray) at sa walo pang Martir at Bayani ng Agosto ng Panay. Sila ang mga kadre ng Partido, Pulang kumander at mandirigma na magiting na nakipaglaban sa pasistang rehimeng Marcos upang ipagtanggol at isulong ang demokratikong mga layunin ng mga api at pinagsasamantalahang Panayanon at ng buong mamamayang Pilipino para sa tunay na kalayaan at demokrasya.

Si Ka Hadjie, Ka Minay at Ka Minerva kasama kina Romulo Iturriaga Gangoso (Ka Reagan/Biboy/Pedik), Aurelio Bosque (Ka Zarco/Baijan/Rio), Jose Jerry Tacaisan (Ka Boy/Miller), Juvylene Silverio (Ka Porang/Inday/Kaykay), Benjamin Cortel (Ka Amor/Ruby/Mamang), Armando Sabares (Ka Nene/Kamlon), John Paul Capio (Ka Roling/Ronron), at Jielmor Gauranoc (Ka Doc/Tango/Baron), ang namatay, batay sa salaysay ng militar, sa serye ng armadong engkwentro sa mga pwersa ng 12IB, 82IB, 61IB kag PNP-RMFB noong Agosto 5, 7, 8, 15 sa Calinog at Lambunao, Iloilo at noong Agosto 24 sa Valderrama, Antique.

Nagbibigay kami ng espesyal na papuri at parangal kina Ka Hadjie, Ka Minay, at Ka Minerva. Si Ka Hadjie ay kagawad ng Komite Sentral at kalihim ng Panrehiyong Komite ng Partido sa Panay mula huling bahagi ng 2016, nanguna sa pagpatupad ng Ikatlong Kampanya sa Pagwawasto at ng 5-Taong Programa ng Komite Sentral. Walang-pagod at ubos-kayang ibinahagi niya ang mga abanteng karanasan ng kanyang pinanggalingang rehiyon sa Mindanao at hindi naging hadlang ang hindi niya pagiging pamilyar sa Panay at sa mga kasama upang gampanan ang kanyang responsilidad. Naging huwaran sya sa kababang-loob at sa pagpatupad ng mga polisiya at desisyon ng Panrehiyong Komite at ng nakatataas na organo. Si Ka Minay ang ikalawang pangalawang kalihim ng Panrehiyong Komite at isa sa mga nanguna sa pagtatag ng rebolusyonaryong kilusan sa isla ng Panay mula 1972. Pinangunahan niya ang IDKP laluna na ang pagsusulat ng burador ng 13-taong paglalagom ng rebolusyonaryong praktika ng Panay at ang pakikipaglaban sa paksyunalismo ng pangkat Tabara-Dumalaog. Naging huwaran sya sa walang hanggang optimismo, katapatan sa Partido at armadong rebolusyon. Sa kabila ng kanyang matandang edad na 71 at natamong pisikal na pinsala na halos naging bulag ang kanyang mata dahil sa eye stroke noong 2021, pinili niyang magpanatili sa kanayunan upang patuloy na pamunuan ang Partido at Hukbo. Si Ka Minerva ay kagawad ng Komiteng Tagapaganap ng Panrehiyong Komite, naging kalihim ng Larangang Komite ng Partido sa Central Panay at nitong huli, ng Southern Panay. Nagpakita siya ng walang hanggang pag-unawa ng mga responsibilidad, kasipagan, kasanayan sa gawain (efficiency) at pagiging matatag sa harap ng mga kahirapan at sakripisyo. Tunay na malaking kawalan sila sa pamumuno ng Partido sa Panay.

Ang Komiteng Rehiyon-Panay ay nakikiramay sa pagdadalamhati ng mga pamilya ng 11 Martir at Bayani, sa lahat ng mga kadre at kasapi ng Partido, mga Pulang kumander at mandirigma ng NPA, sa mga alyadong organisasyon ng NDF at mga kaibigan at taga-suporta sa simulain ng pambansang demokratikong rebolusyon. Mas mabigat pa sa Bundok Madyaas ang ating nadaramang kalungkutan sa pagkamatay ng 11 Martir ngunit higit na mas mabigat at nangingibabaw ang ating galit sa pasistang rehimeng-Marcos Jr at sa kanyang uhaw-sa-dugo na berdugong militar.

Mariing kinokondena ng Komiteng Rehiyon-Panay ang 3rd Infantry Division at 301st Brigade ng Philippine Army at ang PNP-Region 6 ang brutal na pagpaslang at paglabag sa karapatang pantao ng siyam na mga kasama, ang Aglonok 5 (Ka Reagan, Ka Nene, Ka Zarco, Kaykay at Ka Tanggo) at Cabatangan 4 (Ka Hadjie, Ka Minay, Ka Minerva, Ka Miller) na pawang mga hors de combat sa panahong naganap ang sinasabi ng 3rd ID na mga engkwentro noong Agosto 7, 8 at 15. Higit dalawang linggo nang gutom dahil sa kakulangan sa pagkain, sobrang pagod at kulang sa tulog (physically and mentally exhausted) dahil sa ilang araw nang martsa/maniobra sa matatarik at may kahirapang akyatin na kabundukan at matatanda na at may sakit (hypertension, diabetes) ang karamihan sa kanila. Ayon sa paunang pagsisiyasat ng mga yunit ng NPA, walang narinig na palitan ng putok ng baril ang ilang mga masa na malapit sa lugar ng engkwentro. Nagpahayag din ng obserbasyon ang ilang pamilya ng mga martir na may palatandaan ng torture ang mga biktima at may mga kasapi ng midya na nagreport na sobra-sobra ang mga tinamong sugat na indikasyon ng “overkill.” Sa batas ng digmaan na nakasaad sa International Humanitarian Law at Comprehensive Agreement on Human Rights and Internationational Humanitarian Law dapat ipagtanggol ang karapatan ng mga hors de combat o wala nang kakayahang lumaban.

Mahaba ang rekord ng 3rd Infantry Division, Philippine Army at ng PNP-Region 6 sa paglabag sa karapatang pantao—pagpatay sa batang Tumandok na si Rodelyn Aguirre noong 2012, Antique 7 masaker noong 2018, Tumandok 9 masaker noong 2020, pagpatay kay Roosevelt, Tapaz Barangay Captain Julie Catamin noong 2021, pagdakip at pagpatay kina Ka Blu at Ka Hope noong 2022 at marami pang iba.

Ang 11 Martir at Bayani ng Agosto ng Panay ang pinakahuling marka ng daang-taong pakikibaka ng mamamayang Panayanon laban sa dayuhan at lokal na pananamantala at pang-aapi simula pa sa mga pag-alsa laban sa kolonyalistang Espanyol, mapanakop na digma ng Amerikano at Hapon hanggang sa pakikipaglaban sa pasistang rehimeng-Marcos Jr at mga sinundan nitong mga pasistang rehimen.

Ang 11 Martir at Bayani na nagmula sa apat na probinsya ng Panay at sa Mindanao ang kumakatawan sa halos lahat ng uri at sektor ng lipunang Pilipino na pinagkaisa ng prinsipyo ng paglilingkod sa sambayanan at sa simulain ng pambansang demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng armadong pakikibaka. Pinanindigan nila ang prinsipyo at simulaing ito hanggang sa kanilang huling hininga. Dapat laging sariwa sa ating isipan at bigyang buhay sa ating araw-araw na praktika ang mga prinsipyo at simulaing kanilang pinag-alayan ng buhay. Angkinin natin ang kanilang mga katangian ng walang takot sa mga kahirapan at sakripisyo, katapangan sa pagharap sa kamatayan, walang hanggang optimismo, ubos-lakas na paglilingkod sa masa, at katapatan sa Partido at sa rebolusyon. Sa ganitong paraan mabibigyan natin ng paunang hakbang sa paggawad ng hustisya ang pagkamatay ng 11 Martir at Bayani at sa mga libong nauna pa.

Inaatasan ng Komiteng Rehiyon-Panay ang lahat ng mga yunit ng Partido at Hukbo sa isla na maglunsad ng mga pulong parangal at pag-gunita sa 11 Martir at Bayani. Ipinapanawagan din sa mga alyadong organisasyon ng NDF at iba pang kaibigan ng rebolusyon na maglunsad ng kaparehong mga aktibidad. Hinihimok ang lahat sa pag-ambag ng iba pang mga porma ng pagpaparangal at pag-gunita tulad ng mga pahayag sa PRWC, alternatibong midya, at mainstream midya, mga tula, anekdota, at iba pang mga pangkulturang likha. Iukit natin ang Agosto 26 ng bawat taon bilang Araw ng mga Martir at Bayani ng Panay.

Ipinapanawagan ng Komiteng Rehiyon-Panay ang pagsapi sa NPA ng lahat ng may pisikal at mental na kakayahan lalo na mula sa sektor ng kabataan-estudyante, manggagawa at propesyunal. Ngayon ang panahon na may katangi-tanging kabuluhan sa pag-ambag ng inyong kakayahan para sa pagpapasulong ng armadong pakikibaka bilang pangunahin at mapagpasyang porma ng rebolusyonaryong pakikibaka sa pagseguro ng tagumpay ng pambansang demokratikong rebolusyon at sosyalismo.

Nananaginip ng gising at nagpapakita ng kamangmangan sa kasaysayan at sa katangian ng rebolusyonaryong organisasyon ang pahayag ng pamunuan ng 3rd ID at 301st Bde ng Philippine Army na ang pagkamatay ng tatlong nangungunang lider ng Komiteng Rehiyon-Panay ay marka na ng katapusan ng rebolusyonaryong kilusan sa Panay. Pinatunayan ng kasaysayan sa kahit saang lipunan sa mundo na ang rebolusyonaryong pakikibaka ng mamamayan ay tiyak na uusbong at susulong hanggat may pagsasamantala at pang-aapi sa malawak na masa ng mamamayan. Pinatunayan din ng kasaysayan na sa bawat lider na nalalagas sa larangan ng digma, tiyak din na mas marami ang papalit. Sa bahagi ng Partido Komunista ng Pilipinas, umiiral ang sistema ng pagpapalit ng pamunuan na sa bawat pagbakante ng posisyon ay agad na may kadreng hahawak ng responsibilidad sa pamumuno.

Tiyak na malalampasan ng rebolusyonaryong pwersa sa isla ng Panay ang anumang mga pinsala at pag-atras na nararanasan nito ngayon at nang mga nakaraang taon at mabibigo ang ilusyon ng 3rd Infantry Division na wakasan ang armadong rebolusyon sa Panay sa katapusan ng Setyembre at ng taong 2024. Sa gabay ng Partido at sa isinusulong nito ngayong Kilusan sa Pagwawasto, mauugat ang panloob na mga pagkakamali at kahinaan na pangunahing dahilan ng mga pinsala at pag-atras at muli itong susulong. Ipinapangako ng mga natirang kadre at kasapian ng Partido at mga Pulang kumander at mandirigma ng NPA na patuloy nitong paglalagablabin ang apoy ng armadong rebolusyon hanggang sa lubos nga tagumpay.

Palaging gunitain ang 11 na Martir at Bayani ng Agosto sa Panay!

Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!

Mabuhay ang National Democratic Front of the Philippines!

Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!

Mabuhay ang sambayanang Pilipino!

Itanghal at i-ukit sa kasaysayan ang ala-ala ng 11 Martir at Bayani ng Agosto ng Panay!