Kababaihan, tumungo sa kanayunan at lumahok sa digmang bayan! Palakasin ang Bagong Hukbong Bayan!
Taas-kamaong pagpupugay ang ipinapaabot ng buong kasapian ng Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (MAKIBAKA) sa ika-55 anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan (BHB), ang tunay na hukbo ng sambayanang Pilipino! Pinagpupugayan din ng MAKIBAKA ang mga Pulang kumander at mandirigma na nag-alay ng buhay para sa rebolusyonaryong adhikain. Hinding-hindi malilimutan ang buhay na inialay nila para sa paglaya ng ating bayan.
Hindi maikukubli ng kasalukuyang naghaharing sistema ng monopolyo kapitalismo ang kanyang kabulukan. Kung kaya, hindi na rin kagulat-gulat ang pagpapatuloy ng mga pakikibaka’t pag-aalsa ng mamamayan para sa tunay na kalayaan at demokrasya sa iba’t-ibang panig ng daigdig.
Sa loob ng halos kalahating siglo, naghari ang neoliberalismo na siyang unti-unting nangwasak ng kabuhayan at todo-todong pumipiga sa milyun-milyong masang anakpawis para sa ganansya at tubo ng iilang naghaharing-uri. Nalalantad na walang tunay na pagbangon sa ilalim ng bulok na sistemang ito. Hindi pa nga lubos na nakakabangon mula sa hagupit ng pandemya nitong nagdaang mga taon ay ramdam muli ang bagsik ng matinding krisis sa pandaigdigang ekonomiya. Higit pang pinasahol ng ribalan ng mga imperyalistang kapangyarihan para sa dominasyon. Matingkad ang epekto ng krisis lalo higit sa mga bansang bansot ang ekonomiya tulad ng Pilipinas.
Ang halos dalawang taon na pagkakaupo sa kapangyarihan ni Marcos Jr. ay walang ibang hinatid sa mamamayang Pilipino kundi matinding kahirapan, pangangamkam ng lupain, kawalan ng nakabubuhay na sahod, paglaganap ng kontraktwalisasyon at bulok na pampublikong serbisyo. Imbes na mga napapanahong problema ng mamamayan, pagbabago sa konstitusyon ang inaatupag ng rehimeng US-Marcos II para bigyang daan ang kanyang imperyalistang amo sa higit na pagpiga ng supertubo sa mamamayang Pilipino at pagdambong sa likas na yaman ng ating bansa.
Sa ilalim din ng malakolonyal at malapyudal na lipunan ay pagtindi rin ng dinaranas na karahasan sa kababaihan at mga bata. Sa kasalukuyan, kilala ang Pilipinas bilang isa sa mga pinakamalaking pinagmumulan ng child pornography. Liban pa dito, mas malaking bilang pa rin ang tiyak natin na hindi pa naidudulog sa kinauukulan lalo na sa kanayunan kung saan matitinding pang-aabuso ang ginagawa ng mga mersenaryong AFP at PNP sa mga militarisadong lugar.
Sa patuloy na paghahari ng sistemang walang pag-aruga sa kababaihan ay tiyak na wala ding ibang tatahiking daan ang kababaihan kundi ang paglaban.
Mahalaga ang tungkulin ng kababaihan sa rebolusyon. Ika nga ni Kasamang Mao Ze Dong, kalahati ng mundo ang kababaihan. Kung hindi pakikilusin, tiyak na malaking kawalan ito sa ating isinusulong na hangarin. Ito ay isang malaking pwersa na maaaring makapagpayanig sa kuta ng mga naghaharing uri.
Panawagan ng MAKIBAKA sa kababaihang Pilipino ang pagtungo sa kanayunan at paglahok sa digmang bayan. Sa pagtahak sa landas ng rebolusyon ay tunay na matutuklasan ng kababaihan ang kanyang mahalagang tungkulin sa lipunan at kasaysayan: ang pakikibaka para sa tunay na kalayaan at demokrasya.
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang Rebolusyong Pilipino!