Makibaka, huwag matakot! Kabataan, isulong ang laban para sa pambansang kalayaan at demokrasya
Sa ilalim ng paghahari ng rehimeng US-Marcos II, malaki ang hamon sa mga kabataan na ipagpatuloy ang pamana ng kasaysayan at panghawakan ang turan sa kanila na “pag-asa ng bayan”. Marapat na ibayong palakasin ang kanilang pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya sa gitna ng tumitinding pasismo ng estado.
Sa nagdaang dalawang taon, ipinagpatuloy ni Marcos Jr ang teroristang pang-aatake sa bayan at ginamit ang mga mapanupil na batas ng nagdaang rehimeng Duterte kagaya ng Anti-Terrorism Law at Anti-Terrorism Financing Law. Mayor na tinatarget ng atrosidad ng estado ang kabataan sa layuning sikilin ang kanilang kritikal na pag-iisip at pilit na gawing mga bulag na tagasunod at panatiko ng pamilya Marcos.
Pinangungunahan ng AFP-PNP at NTF-ELCAC ang pang-aatake sa hanay ng kabataan. Tampok na mga kaso ng paglabag ng rehimeng US-Marcos II sa karapatang tao ng mga kabataan sa Timog Katagalugan ang sumusunod:
Brutal na pagpatay ng 4th IBPA kay Jay-el Maligday, isang second year student sa Grace Mission College, sa kanilang tahanan sa Brgy. San Roque, Bulalacao, Oriental Mindoro noong Abril 7. Walang makitang anumang motibo ang pamilya sa pagpaslang kay Jay-el.
Sunud-sunod na kaso ng pagbabanta, harrassment at intimidasyon kina Paolo Tarra ng De Lasalle University-Dasmariñas, Cavite; at Nemo Yangco ng Anakbayan-UPLB.
Pagsasampa ng gawa-gawang kaso sa bisa ng Anti-terrorism Law laban sa mga kabataang lider-aktibista na sina Hailey Pecayo, Kenneth Rementilla, John Paul Garcia, Jasmin Rubia at Anti-terrorism Financing Law sa mga organisador sa Quezon na sina Fritz Labiano at Paul Tagle.
Red-tagging at kampanyang saywar sa mga eskwelahan sa tabing ng mga leadership training, community service, forum at symposium. Ginawa ito sa Batangas (Batangas State University, TUP Batangas, PUP Sto. Tomas, Cuenca Institute, Cuenca Senior High School), Rizal (Cainta Senior High School, Taytay Senior High School, Antonio Esguerra Senior High School), at Mindoro (Sablayan, San Jose at Calintaan, Occidental Mindoro; Roxas, Mansalay at Bulalacao, Oriental Mindoro.
Pagkakampo ng militar sa balangkas ng Retooled Community Support Program sa mga paaralan sa kanayunan ng Rizal, Quezon at Mindoro.
Pinakahuli namang pang-aatake sa kabataan at desperadong hakbang ng estado sa pagsikil sa kalayaan sa malayang pamamahayag at akademikong kalagayan ang pinirmahang “Deklarasyon ng Kooperasyon” sa pagitan ng UP at Department of National Defense noong Agosto 8. Pataksil na inilusot ang kasunduan nina AFP Chief of staff General Romeo Brawner Jr. at UP Vice president for Academic Affairs Dr. Leo DP. Cullan nang lingid sa kaalaman ng komunidad ng UP. Samantala, naganap naman noong Agosto 16 ang pagpipiit ng PNP-Tacloban sa mga kabataang estudyante ng UP-Tacloban at delegasyon ng mga lider estudyante ng General Assembly of Student Councils ng UP system dahil sa pagpoprotesta sa Tacloban City. Iwinawasiwas ng PNP-Tacloban ang warrantless arrest sa buktot na dahilang “may NPA” sa hanay ng mga nagpoprotestang kabataan. Nagkataong naganap ang mga ito sa parehong buwan na ipinagdiriwang ang International Youth Day—isang garapalang pag-amin ng estado sa pambubusabos nito sa kabataan.
Ang patuloy na pang-aatake sa hanay ng kabataan ay desperasyon ng estadong supilin ang lumalakas na paglaban ng mga kabataang namumuhi sa kasalukuyang bulok na kalagayan ng malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino. Hindi nila matanggap na sa kabila ng pagkontrol sa kaisipan ng mga kabataang Pilipino sa hulma ng imperyalistang oryentasyon sa pamamagitan ng neoliberal na edukasyon ay marami pa ring kabataang namumulat at nagsisimulang kumwestyon at lumaban sa mga anti-mamamayang patakaran ng estado. Nahihintakutan ang estado sa malaking potensyal at pwersa ng mga nag-aaklas na kabataan na maaaring maging daan upang palakasin ang paglaban ng iba pang sektor gaya ng mga manggagawa, magsasaka, maralitang lungsod at iba pang aping uri. Nagpapakalat ang rehimen ng isterya ng anti-communist witch hunt hanggang sa hanay ng kabataan upang bigyang katwiran ang isinasagawang panunupil at pang-aatake. Tahasang paglabag ito ng AFP-PNP at rehimeng US-Marcos II sa karapatan ng mga kabataan na nakasaad sa internasyunal na makataong batas, UN Convention on the Rights of the Child at Special Protection of Children During Armed Conflicts sa ilalim ng Geneva Conventions. Nilalabag din nila ang mga kasunduan sa mga pamantasan tulad ng UP-DND Accord.
Sa ilalim ng mga naturang internasyunal na batas kung saan nakapirma ang GRP, dapat na kinikilala at iginagalang ang karapatan ng kabataan. Dapat malaya ang mga kabataan na matuto at mag-aral nang hindi sinasaklot ang kanilang isip. Mayroon ding batayang kalayaan sa pagpapahayag ng mga kritika, puna at hinaing nang hindi marahas na binubusalan ng estado. Sa bahagi ng NDFP, isinusulong nito ang paggalang at pangangalaga sa karapatan ng mga kabataan at bata. Itinatag nito ang opisina ng NDFP Special Protection on the Rights of the Children upang isulong ang karapatan ng mga bata, maglikom ng mga kaso ng paglabag ng AFP-PNP at reaksyunaryong estado sa karapatan ng mga bata at tulungan ang mga bata, kabataan at kanilang pamilya sa paghahanap ng hustisya sa mga naturang krimen. Kasabay nito ang pagtataguyod ng NDFP ng pambansa, siyentipiko at makamasang edukasyon na nakatuon para sa pagpapaunlad at pagsasarili ng bansang Pilipinas.
Sa harap ng pasismo ng estado, nagpupunyagi ang kabataan na lumaban at sumulong. Ang klima ng pasismo, laganap na inhustisya, kabulukan ng estado at labis na pagsasamantala ay matabang lupa na nagtutulak sa paghahanap ng kabataan ng tunay na solusyon sa pamamagitan ng rebolusyon. Ang naliliwanagang kabataan ay sumasapi sa Kabataang Makabayan, ang rebolusyonaryong organisasyong ng mga kabataan na halos 60 taong naglilingkod sa bayan buhat nang itatag noong Nobyembre 30, 1964. Kumikilos sila at isinasanib ang kanilang lakas sa mga manggagawa, magsasaka, pambansang minorya at iba pang aping uri sa lipunan tungo sa pagsusulong ng pambansa demokratikong rebolusyon.
Nananawagan ang NDFP-ST sa mga kabataan na ipagpatuloy ang pakikibaka para makamit ang kanilang pambansa demokratikong mithiin. Hindi dapat matakot sa pasismo ng estado, bagkus magpunyagi at magpursige sa paglilingkod nang buong puso para sa masang anakpawis. Ilaan ang katalinuhan, kaliksihan, katapangan at buong buhay sa pagbubunsod ng panlipunang pagbabago. Tahakin ang landas ng armadong rebolusyon at itayo ang lipunang malaya, masagana, mapayapa at makatarungan.