Pagpupugay sa ika-60 anibersaryo ng KM: Kabataan, militanteng mag-aral at makibaka para sa pambansang demokrasya!
Kaisa ng sambayanang Pilipino, nagpupugay kami sa ika-60 taon ng pagkakatatag ng Kabataang Makabayan (KM) at kinikilala ang malalaki at natatanging ambag ng kilusang kabataang Pilipino sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan laban sa dayuhan at lokal na pang-aapi. Pinakatampok at mahalaga sa mga ito ang naging papel ng KM sa paglalatag ng kalagayan para sa muling pagtatatag ng Communist Party of the Philippines (CPP) at muling pagsisimula ng armadong pakikibaka sa pangunguna ng Bagong Hukbong Bayan.
Pinangunahan ng KM ang ikalawang kilusang propaganda noong dekada ’60 laban sa imperyalismo, pyudalismo at burukrata-kapitalismo. Giniyahan nito ang lumalakas na nasyunalismong Pilipino mula dekada ’50 tungo sa pambansang-demokrasya. Nagtungo sila sa mga pabrika at komunidad ng mga manggagawa, sa mga sakahan ng magsasakang inaagawan ng lupa at umanib sa pakikibaka ng masang anakpawis. Sa okasyon ding ito, muli nating pagpugayan si Kasamang Jose Maria Sison na Tagapangulong Tagapagtatag ng KM at kalaunan ng CPP. Hanggang sa kanyang huling sandali ay naging tanglaw at gabay siya ng KM at rebolusyong Pilipino.
Sa Timog Katagalugan, nanguna ang KM sa pakikibaka ng mga kabataang-estudyante sa pasismo at panunupil ng estado sa academic freedom at karapatan ng mga estudyante sa panahon ng Martial Law. Sa mga komunidad, sumama sila sa piket ng mga drayber laban sa sumisirit na presyo ng petrolyo, ganundin sa laban ng mga manggagawa at magsasaka. Instrumental sila sa pagtatayo ng kauna-unahang mga sangay ng CPP at mga yunit ng New People’s Army (NPA) sa rehiyon. Nagsilbi silang mga binhing isinabog na mabilis na kumalat at nakapagpalawak sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon. Iginuhit at inihudyat nito ang pagpapasigabo ng rebolusyonaryong pakikibaka ng uring anakpawis at iba pang aping sektor sa lipunan.
Marami sa kanila ang kalauna’y naging mga pinuno at haligi ng rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon kabilang sina Armando Teng, Melito Glor, Jose Luneta, Rizalina Ilagan, Jessica Sales, Gregorio Rosal, Eduardo Serrano, Rosario Lodronio-Rosal, Ermin Bellen, Charity Diño, Misael Ongtangco, Josephine Mendoza, Jhunalice Arante-Isita at maraming iba pa. Ipinagpapatuloy ito ng sumunod na henerasyon ng KM kabilang sina Andrea Rosal, Jethro Isaac Ferrer, Kevin Castro, John Carlo Capistrano, Rhona Jane Manalo, Jason Pagalan, Abigail Bartolome, Daina Benna Lagrama, Jhune Eric Perey at iba pang mga kabataang walang pag-iimbot na inialay ang lakas, talino at buong buhay para paglingkuran ang sambayanan. Niyakap nila ang masalimuot at malupit na landas ng armadong pakikibaka at tinalikuran ang pansariling alwan at interes para ipauna ang interes ng nakararaming api’t pinagsasamantalahan.
Sa gitna ng tumitinding krisis ng malakolonyal at malapyudal na lipunan at pasistang pananalasa ng estado, nahaharap sa mabibigat na hamon ang kilusang kabataan sa buong bansa. Sa pagtindi ng kahirapan, paparaming kabataan ang di nakakapag-aral o tumitigil sa pag-aaral para maagap na maghanapbuhay at makatuwang ng kani-kanilang magulang. Ngunit resulta ng pagtahak sa de-industriyalisasyon ng naghaharing estado, papaliit ang oportunidad sa trabaho kaya’t marami sa kanila ang dumaragdag taun-taon sa lumalaking lobo ng disempleyo sa bansa. Ayon sa datos ng IBON foundation, aabot sa 5.9 milyon ang kabataang Pilipinong edad 15-24 ang walang trabaho sa kabuuang bilang na 7 milyon. Samantala, nasa 2.2 milyon naman ang kabataang hindi nag-aaral at/o nagtatrabaho. Sa loob ng mga eskwelahan, hinuhulma sila bilang mga bagong alipin ng monopolyo kapital sa halip na turuang gugulin ang talino sa pagpapaunlad ng lokal na agrikultura at industriya.
Sa iba’t ibang panig ng rehiyon at bansa, laluna sa kanayunan, biktima ang mga kabataan ng paninibasib ng pasismo sa pangunguna ng mga yunit sa ilalim ng 2nd ID-SOLCOM at WESCOM ng AFP, mga yunit ng pulis at CAFGU. Kabilang sa mga biktima si JL Maligday sa Bulalaco, Oriental Mindoro na pinaslang ng 4th IB sa proseso ng panunugis ng mga ito sa NPA. Mga kabataang kababaihan din ang karamihan sa biktima ng panggagahasa ng mga militar na naitala sa Quezon at Mindoro. Ang mga kabataang aktibista tulad nina Hailey Pecayo, John Paul Garcia, Kenneth Rementilla, Jasmin Rubia at Paolo Tarra ay sinasampahan ng mga gawa-gawang kaso at hinaharas ng militar. Isinasakatuparan ang mga imbing pakana laban sa mga kabataan sa balangkas ng hibang na ambisyon ng estado at imperyalismo na pahinain hanggang wakasan ang rebolusyonaryong paglaban ng mamamayang Pilipino.
Para pigilan ang pagbulwak ng lakas ng militanteng kilusang kabataan, pinag-iibayo ng imperyalismo at lokal na reaksyon ang pagpapatupad ng neoliberalismo sa kultura at edukasyon. Nilulunod sila sa indibidwalismo, post-modernismo at iba’t ibang anyo ng burgis, dekadente at atrasadong kultura para patayin ang patriyotiko, kritikal at mapanuring katangian ng kabataan. Nilululong nito ang kabataan sa makitid na pagmamahal sa sarili at kawalang-pakialam sa nagaganap sa lipunan. Itinatakwil nito ang pakikibakang nakabatay sa uri at pinapalitan ng mga isyu na angat-sa-uri tulad ng isyu ng klima, kasarian, kulay, lahi at iba pa. May malaking tungkulin ang KM na ilantad at labanan ang rehimeng US-Marcos II sa pagpapakatuta nito sa imperyalismong US at paglalagay sa panganib sa sambayanang Pilipinong maipit sa inuupatang gyera ng US laban sa Tsina sa Asia Pacific.
Dapat pangunahan ng KM ang paglalantad at paglaban sa panlilinlang ng imperyalismo. Kailangang ibandila ng KM ang pambansa, makamasa at siyentipikong kultura sa hanay ng malawak na masa hanggang maabot at mamulat ang milyun-milyong kabataan sa kanilang mahalagang papel sa pagbabago ng lipunan.
Ngayong naglulunsad ang CPP ng pambansang kilusang pagwawasto para sa muling pagpapanibagong lakas at pagsulong, inaasahan ng Partido na gagampanan ng KM ang kanyang papel para sa malawakang kilusang edukasyon at pagmumulat sa masa. Pagkakataon din ito para silipin at magbalik-tanaw ang KM sa naging praktika nito sa nagdaang mga taon at dekada upang iwasto ang mga pagkakamali at kahinaan nito. Malaking ambag ito sa ibayong pagsulong hindi lamang ng kilusang kabataan, kundi pati ng buong rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon hanggang sa buong bansa.
Nananawagan ang Partido sa iba’t ibang balangay ng KM sa rehiyon na patuloy na mag-aral ng Marxismo-Leninismo-Maoismo at lumahok sa pakikibaka ng iba pang aping uri at sektor, lalo’t higit sa hanay ng masang magsasaka at manggagawa. Pangunahan ang kilusang propagandang pambansa-demokratiko upang labanan ang panglalabusaw ng imperyalismong US at mga burgis-reaksyunaryong institusyon sa diwang makabayan at rebolusyonaryo ng mga kabataang Pilipino. Maging mahigpit na katuwang ng CPP at NDFP sa pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa malawak na masang kabataan at sambayanan at patuloy na maging malalim na balon ng mga sumasampang Pulang mandirigma sa NPA.
Ipagbunyi ang ika-60 anibersaryo ng KM!
Mabuhay ang Kabataang Makabayan!
Kabataan, tumungo sa kanayunan, sumapi sa NPA!