Kabataang Lagunense, isulong ang digmang bayan!
Pinagpupugayan ng lahat ng rebolusyonaryong kabataan sa probinsya ng Laguna ang ika-61 anibersaryo ng Kabataang Makabayan, kasabay ang kaarawan ng dakilang proletaryadong si Gat Andres Bonifacio! Nang itinatag ang KM noong 1964, tanda ito ng pangunguna ng kilusan ng kabataan-estudyante sa pagmulat sa malawak na hanay ng sambayanang Pilipino upang itaguyod ang pambansang demokratikong rebolusyon sa ating bayan.
Tinanganan ng mga kadre ng KM ang pagtataguyod ng rebolusyon sa kalunsuran sa pamamagitan ng paglubog sa mga pamantasan, at mga batayang sektor panlipunan upang mag-organisa sa mga kabataan sa iba’t-ibang panig ng bansa. Isa ang Kabataang Makabayan sa pinakamatanda at militanteng organisasyon ng kilusang Kabataan-Estudyante na nagsusulong ng pakikibaka para sa pambansang kalayaan, demorakasya, at karapatan ng mamamayang Pilipino.
Pinagpupugayan ng KM Laguna ang mga dakilang anak ng bayan na naging martir ng sambayanan: sina Jeramie “Ka Ash” Garcia, Abigael “Ka Laura” Bartolome, Allyssa “Ka Ilaya” Lemoncito, at marami pang iba. Inalay nila ang kanilang buhay sa pagtangan ng pinakamataas na porma ng pakikibaka bilang mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan. Binibigyan din natin ng natatanging pagpupugay si Kasamang Jose Maria Sison, tagapangulong tagapagtatag ng KM at ng Partido Komunista ng Pilipinas. Nagsilbing tanglaw si Ka Joma sa pagsikad ng pambansa-demokratikong rebolusyon sa batayang antipasista, antipyudal, at anti-imperyalista, at sa pagsulong ng demokratikong rebolusyong bayan na may sosyalistang perspektiba. Inilapat niya ang teorya’t praktika ng mga dakilang komunistang sina Marx, Engels, Lenin, Stalin, at Ho para bigyan ng kongkretong hugis ang rebolusyon sa Pilipinas. Pinagpupugayan din ng KM Laguna ang lahat ng martir ng Timog Katagalugan na nag-alay ng buhay at panahon para sa masang anakpawis.
Sa panahong lumalala ang krisis panlipunan dahil sa malawakang pananamantala ng naghaharing-uri’t pananatili ng mala-pyudal at mala-kolonyal na lipunan, hamon sa ating mga kabataan ang pagpapalalim sa pag-aaral sa ating lipunan.
Patuloy na iniinda ng kabataang Lagunense ang hagupit ng nabubulok na sistema sa edukasyon, mula sa patuloy na pagkaltas sa badyet ng mga pamantasan sa probinsya upang ilipat sa mga proyektong imprastruktura, militar, at malawakang korapsyon. Dahil dito’y nananatiling kulang ang mga pasilidad, silid-aralan, iskolarsyip, at iba pang pangangailangan ng isang estudyante upang makapag-aral.
Inihahanda ang mga kabataang-estudyante ng kanilang mga paaralan upang maging lakas-paggawa ng mga korporasyon at kumpanya sa pamamagitan ng mga imersyon sa pamantasan. Itinatali ang kabataan sa mga asignaturang nakabalangkas sa kung ano lamang ang gustong ipaalam sa atin ng Imperyalistang US, ang sistema ng edukasyon, na nagsimula pa noong panahon ng diktadurang US-Marcos Sr. Nagpapatuloy rin ang pasistang patakaran ng administrasyon ng mga pamantasan sa lalawigan na laban sa estudyanteng lumalaban para igiit ang kanilang mga demoraktiko at akademikong karapatan.
Sa kanayunan, maraming kabataan ang hindi pa rin nakakatamasa ng maayos na edukasyon dahil sa lumalalang krisis sosyo-ekonomiko. Marami sa mga kabataan ang nagiging manggagawa o manggagawang bukid kung saan lubhang pinagsasamantalahan sila ng banat-sa-butong pagtatrabaho para sa napakababang pasahod. Maraming kabataang Lagunense ang natutulak sa kontrakwal na paggawa, business outsourcing, o mga malaproletaryadong trabaho. Nagiging biktima sila ng lumalalang krisis ng de-industriyalisasyon sa kalunsuran at land-use conversion sa kanayunan.
Gumagamit ang estado’t pamantasan ng mga porma tulad ng redtagging, pagpapatawag sa mga estudyanteng nakikilahok sa mga malalakihang pagkilos ng mamamayan, pananakot, at mga bomb threats. Sa pinakamasahol, ginagamit ang militarisasyon, gawa-gawang kaso, at iligal na pag-aaresto para busalan ang boses ng lumalakas na kilusan ng kabataan sa ating lalawigan.
Lahat ito ay manipestasyon ng pagpapatuloy ng malapyudal at malakolonyal na lipunan na nagiging dahilan kung bakit nagiging paborable para sa iilang naghaharing-uri ang pagnanakaw at katiwalian sa loob at labas ng pamahalaan. Nitong mga nakalipas na buwan lamang ay nailantad ang malawakang korapsyon sa bansa na pinapangunahan ng mga salot na burukrataka kapitalista tulad ni Marcos Jr., at Sara Duterte na nambulsa ng bilyun-bilyong pondo mula sa kaban ng ating bayan.
Mas lalong tumitindi ang girian ng mga paksyon sapagkat nabubunyag ang kanilang mga katiwalian at kasinungalingan sa taumbayan. Hindi makaya ng mga paksyon ng Duterte at Marcos Jr, at kanilang mga kasapakat ang galit ng mamamayan at ang mga malalakihang pagkilos na nagaganap hanggang sa ngayon.
Nakita natin sa mga nagdaang buwan ang pagsikad ng panibagong yugto ng kilusang propaganda sa hanay ng mga estudyante dahil sa tuminding krisis ng burukrata kapitalismo at sa hindi maresolbang tunggalian sa mga paksyon ng mga naghaharing uri. Patunay lamang ito na ang kabataan ang nagniningning na tagapagmandila ng pagbabago sa harap ng bulok na sistemang malakolonyal at malapyudal. Asahan pa natin na sa mga darating na panahon habang tumitindi ang krisis ng lipunan ay lalong kikilos at lalaban ang kabataan sa buong lalawigan.
Namumukod tanging solusyon at wasto ang pagsusulong ng KM at malawak na hanay ng mamamayan ng rebolusyong Pilipino. Kasabay ng paglala sa krisis panlipunan, partikular sa sosyo-ekonomiko, pulitika, at kultura ay marapat lamang na makibaka ang taumbayan laban sa reaksyunaryong pwersa ng estado upang makamit ang tunay na pambansang kalayaan, at panlipunang demoraksya.
Marapat lamang na panghawakan ng bawat rebulosyonaryong kabataan mula sa Laguna ang pagpapatuloy at pagpapalakas sa rebolusyonaryong kilusang Kabataan-Estudyante sa ating lalawigan. Palawakin natin ang gawaing propaganda, edukasyon, at pag-oorganisa sa lahat ng sulok na may matatagpuang kabataan. Itayo ang pinakamaraming bilang ng mga grupong pang-organisa at komiteng pang-organisa sa kanayunan at kalunsuran.
Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan na may sosyalistang perspektiba. Sa mga kadre sa kalunsuran, pamunuan at pangunahan ang pakikibaka ng kilusang kabataan-estudyante at hikayatin ang pinakamalaking bilang ng mga intelektwal at petiburges na kabataan na makilahok sa buhay-at-kamatayang pakikibaka ng masang anakpawis. Hikayatin natin silang tumungo sa kanayunan at sumapi sa tunay na hukbo ng sambayanan, ang Bagong Hukbong Bayan, para isulong ang armadong pakikibaka sa lalawigan at rehiyon.
Sa kanayunan, itayo natin ang mga ganap na samahang masa para isulong ang mga anti-pyudal na pakikibaka at rebolusyong agraryo. Dapat patuloy na magsilbing balon ng BHB ang kabataan kapwa sa kanayunan at kalunsuran. Sila ay nagnininging na inspirasyon para sa pagsulong ng rebolusyon hanggang sa tagumpay. Tanganan natin ang prinsipyo ng Marxismo-Leninismo-Maoismo sa gabay at patnubay ng Partido Komunista ng Pilipinas.
Kabataan, tumungo sa kanayunan, isulong ang digmang bayan! Paglingkuran ang sambayanan, sumapi sa Bagong Hukbong Bayan! Ipagpatuloy ang rebolusyong sinimulan ni Gat Andres Bonifacio!