Pahayag

Pahayag sa ika-61 na anibersaryo ng Kabataang Makabayan Kabataang Mindoreño, singilin at ibagsak ang rehimeng US-Marcos II at buong naghaharing sistema sa pagnanakaw sa kinabukasan ng mga kabataan!

, ,

Habang papatindi ang krisis panlipunan sa ilalim ng rehimen ni Ferdinand Marcos Jr, lalong hinahamon ang mga kabataan na panghawakan ang kanilang makasaysayang papel sa pagpapabagsak di lang kay Marcos Jr kundi sa buong nabubulok na naghaharing sistema. Ito ang hamon ng kasalukuyang panahon sa lahat ng kabataan sa okasyon ng paggunita sa araw ng kapanganakan ni Gat Andres Bonifacio noong 30 Nobyembre. Ipinagdiriwang din sa araw na ito ang ika-61 na anibersaryo ng Kabataang Makabayan—ang natatanging rebolusyonaryong organisasyon ng mga kabataan na malaon nang naglinaw na nasa demokratikong rebolusyong bayan ang pag-asa ng mga kabataan.

Sa kasalukuyang lipunan, walang kinabukasan ang mga kabataan. Ang tanging mamanahin nila ay ang lumalalang krisis at kahirapan. Pinagkakait sa mga kabataan ang kanilang pinakabatayang karapatan. Kasama sila sa milyun-milyong mamamayang nakagapos sa matinding kahirapan at kaapihan, dumaranas ng kagutuman, napagkakaitan ng batayang serbisyong panlipunan, biktima ng marahas, malupit at mapagsamantalang sistema at hindi malaya na mangarap para sa kanilang mga sarili.

Pinakamatindi ang dagok ng kahirapan sa kabataang anakpawis. Sa Mindoro kung saan 90% ng populasyon ay binubuo ng mga magsasaka, ang mga kabataan ay apektado rin ng pyudal at malapyudal na pagsasamantalang dinaranas ng kanilang mga magulang. Ang kawalan ng lupa at ang tahasang pangangamkam sa lupa ng kanilang mga pamilya, ang di makatarungan at bagsak na presyo ng kanilang mga kalakal, ang barat na sahod sa mga trabaho sa bukid, ang pagdadamot ng gubyerno ng edukasyon, kalusugan at iba pang serbisyong panlipunan ang pang-araw-araw na reyalidad sa mga kabataang anakpawis. Ang mga ito rin ang dahilan bakit lumalabas sila ng Mindoro, lumuluwas sa kalunsuran para maghanapbuhay o nangingibang bansa sa pagbabaka-sakaling mabigyan ng maginhawang buhay ang kanyang pamilya. Sakripisyo ang kapalit ng pagbabaka-sakaling ito at minsan pa nga kamatayan o kapinsalaan ang sinasapit sa ibang bansa. Sa kabukiran man, sa lunsod o sa ibayong dagat, pagsasamantala at pang-aapi ang kapalaran ng mamamayan hangga’t malakolonyal at malapyudal ang bansa.

Pinapangako ng naghaharing sistema sa mga kabataan na makakaahon sa kahirapan at matutupad ang kanilang mga pangarap kung magtatapos ng pag-aaral. Ngunit bukod sa komersyalisado at pagpapabaya ng gobyerno sa sistema ng edukasyon, anong klaseng edukasyon ba ang binibigay ng gubyerno? Kahit anong pagtatakip dito, hindi kayang itago ng Department of Education at Commission on Higher Education ang nabubulok na kalidad ng edukasyon. Patunay rito ang 18 milyong kabataang nakapagtapos ng hayskul nang functionally illiterate o marunong magbasa pero di kayang unawain ang kanilang binabasa.

Sistematiko at sinadya ang pagpapabaya sa edukasyon. Unang salarin dito ang kawalan ng sapat na pondo at suporta ng estado. Hangga’t itinuturing itong negosyo at hindi batayang serbisyong tungkulin ng estado sa mamamayan, hindi nakapagtataka ang kawalan ng pondo para dito. Sa halip naaatim pa ng mga burukrata- kapitalistang nasa sistema ng edukasyon na kurakutin ang pondong laan dito. Balikan na lamang ang pagnanakaw ni Sara Duterte ng milyun-milyong piso bilang kalihim ng DepEd na nauna nang nabunyag bago pa ang mga maanomalyang proyektong flood control sa ilalim ni Marcos Jr.

Muli, pinakamalala ang kalagayan ng edukasyon sa kanayunan. Halimbawa, sa Mindoro, ang malubhang kakulangan sa mga klasrum, mga guro at mga kagamitan mula elementarya hanggang kolehiyo ay nagbubunga ng mababang kalidad ng edukasyon. Marami ang nakakaabot ng hayskul o kolehiyo nang may napakababang kakayanan sa pagbabasa, pagsusulat at pagkekwenta. Huwag nang banggitin pa ang pag-unawa, mapanuring pag-iisip (critical thinking) at ang komprehensibong pag-unawa sa syensya at matematika, sa kasaysayan, sa sining at iba pang larangan ng kaalaman na kailangan para sa kumpletong pagkatuto ng tao. Ipinapatupad ng gubyerno ang mga programa gaya ng K-12, MATATAG curriculum na lalong nagpapalala sa kalidad ng edukasyon at nagsisilbi sa neoliberal na direksyon na gawing aliping sahuran ng mga imperyalista ang lakas paggawa ng mga atrasadong bansa.

Hinuhubog ng bulok na edukasyon ang mga kabataan na maging mangmang, kimi at manhid sa kalagayang kinalulugmukan nila at lahat ng masang api. Ang iniluluwal ng nabubulok, komersyalisado at mapanupil na edukasyon at kultura ay mga sunud-sunurang trabahador at empleyado na pipigain lamang ng mga lokal na mapagsamantalang uri at mga dayuhang kapitalista para sa papalaking tubo at kita nila.

Sa tuwing mangangahas ang mga kabataan na baguhin ang kanilang kalagayan, pasismo ang tanging tugon sa kanila ng estado. Sa isla ng Mindoro, kasama ang mga kabataan sa mga pinaka-bulnerable sa pang-aabuso ng mga pwersa ng estado na nagpapatupad ng di-deklaradong batas militar sa isla. Biktima ng patung-patong na kaso ng pagbabanta, pananakot, paniniktik, pambubugbog, iligal na pag-aresto at interogasyon, pambobomba at istraping, blokeyo sa pagkain at ekonomya, sapilitang pagpapalikas at iba pang paglabag sa karapatang tao ang libu-libong kabataang Mindoreño. Nitong Oktubre lamang, biktima ng pandurukot at sapilitang pagwala ang tatlong kabataang Mangyan-Hanunuo. Dinukot ng mga elemento ng militar ang tatlo habang pauwi mula sa tiyanggean sa Barangay San Vicente, Roxas, Oriental Mindoro. Para pagtakpan ang kanilang krimen, nananawagan pa ang 1st Civil-Military Operations (CMO) Company at 2nd CMO Battalion para sa tulong sa paghahanap sa mga kabataang mga militar din naman ang dumukot. Hanggang ngayon din ay wala pa ring hustisya para kay Jay-el Maligday, isang kabataang Mangyan-Hanunuo, na walang awang pinatay ng mga tropa ng 4th Infantry Battalion noong Abril 7, 2024 sa loob ng kanyang bahay sa So. Soriawon, Barangay Nasucob, Bulalacao, Oriental Mindoro bago pinalabas na isang NPA na napatay kuno sa isang labanan.

Bukod pa rito’y tinatangkang lasunin ng AFP-PNP ang isip ng mga kabataan. Sa tuwing nagkakampo ang militar sa mga baryo, tinuturo rin nila ang pag-iinom, panonood ng pornograpiya, pagnanakaw at iba pang anti-sosyal na gawain. Kasabay nito ang pag-aalok sa mga kabataan na magsanay bilang CAFGU o sundalo o makipagtulungan bilang aset paniktik upang mahamig at magamit ang mga kabataang anakpawis laban sa kapwa nila masang api sa maruming digma ng rehimeng US-Marcos II. Nariyan din ang panghihimasok ng mga militar sa mga eskwelahan upang manakot at man-redtag sa tabing ng “terror grooming prevention.”

Ngunit anumang maitim na hakbangin nila, sadyang hindi kailanman mapipigilan ang pagkamulat at paglaban ng mga kabataan. Patunay rito ang pagbangon ng kilusang masa laban sa korapsyon ng rehimen ni Marcos Jr. at buong burukrata kapitalistang gubyerno na binibigyang sigla ng mga kabataan at estudyante. Mula Setyembre, walang patlang ang mga pagkilos sa buong bansa ng daan libong mamamayang tumutungo sa lansangan upang singilin ang lahat ng tiwaling upisyal na nagpapasasa sa bilyon pisong ninanakaw nila sa kaban ng bayan. Sa huling tala, nasa 50, 000 na kabataan ang tuloy-tuloy na kumikilos sa mga protesta sa buong bansa.

Hindi na bago sa kasaysayan ang aktibo at masiglang paglaban ng mga kabataan para sa rebolusyonaryong pagbabago. Pinatunayan ito ni Gat Andres Bonifacio ng itinayo niya ang Katipunan laban sa kolonyalistang Espanol. Noong dekada ’60, hudyat ang pagkakatatag ng Kabataang Makabayan noong Nob. 30, 1964, sa pagpasok ng rebolusyonaryong diwa ng pambansang demokrasya na bagong tipo sa kamalayan ng bayan. Nagtagumpay ang KM upang mabilis na maipalaganap ang adhikaing ito sa maraming sulok ng bansa. Ipinanawagan nito ang pagtungo sa mga pagawaan, sakahan at saanman may masang api upang doon mag-aral at, kasama ang uring anakpawis, baguhin ang lipunan. Ang mga tagumpay ng KM ay naging pundasyon para sa muling pagtatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas at mga rebolusyonaryong organisasyong pinamumunuan nito.

Ang napakalaking rebolusyonaryong potensyal ng mga kabataan ang dahilan bakit nanginginig ngayon sa takot si Marcos Jr. at buong naghaharing sistema. Kung tatanggapin ng mga kabataan ang kanilang tungkulin bilang mga tagapagmana ng rebolusyon at, gaya ng naunang mga henerasyon ng KM, walang pag-iimbot na mag-aalay ng kanilang lakas at talino sa masang api, maitatala sa kasaysayan ang panibagong daluyong ng rebolusyon. Ang pagtungo ng mga kabataan kung saan naroroon ang batayang masa ng magsasaka at manggagawa upang gumampan ng gawaing pagmumulat, pag oorganisa at pagpapakilos sa hanay nila ay isang misyon na karapat dapat lamang paglaanan ng talino at lakas o maging buong panahon at buhay.

Ang kagyat na.tungkulin ng Kabataan sa panahong ito ay ang pagpapabagsak kay Marcos Jr. na punong papet ng US, at kumakatawan sa buong sistemang pinaghaharian ng burukrata kapitalista, panginoong maylupa at burgesya komprador . Sa pagbagsak ng paghaharing ito at ang pagtatayo ng gobyernong bayan ng mga batayang masa ang garantiya ng magandang kinabukasan ng mga kabataan. Ito ang magtitiyak ng mas makatarungan at maaliwalas na lipunan para sa lahat ng masang api.

Kabataang Mindoreño, mag-aral ng lipunan sa hanay ng masang anakpawis! Ialay ang lakas at talino sa pakikibaka ng mamamayan para sa lupa, sahod, trabaho, serbisyong panlipunan at iba pang demokratikong karapatan!

Paglingkuran ang sambayanan! Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan! Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!

Kabataang Mindoreño, singilin at ibagsak ang rehimeng US-Marcos II at buong naghaharing sistema sa pagnanakaw sa kinabukasan ng mga kabataan!