Kasuhan ang berdugong 4th IB sa walang habas na pambubugbog sa inosenteng sibilyan!

,

Mariing kinokondena ng NDFP – Mindoro ang walang habas na paghahalughog sa tahanan at pambubugbog kay G. Kitot at anak nito, mga Mangyan-Hanunuo, residente ng Sitio Gaang, Barangay Panaytayan, Mansalay, Oriental Mindoro ng mga pasistang pwersa ng 4th Infantry Battalion Philippine Army (4IBPA) nitong Huwebes, Setyembre 22.

Nagkakaong ang mag-ama sa kanilang lupain nang biglang lumusob ang berdugong militar sa kanilang tahanan at hinalughog ang bahay nito. Inakusahan si G. Kitot na may natagpuang dalawang baril sa kanyang tahanan. Binastos din ng militar ang maybahay ni G. Kitot at niyayang magsiping habang binubugbog ang asawa nito. Ayon sa ulat, hindi na makatayo si G. Kitot sa pambubugbog sa kanya ng mga mala-halimaw na militar. Hanggang ngayon, hawak pa rin ng mga sundalo si G. Kitot at hindi pa rin inililitaw.

Malinaw sa nabanggit na insidente ang tahasang paglabag ng 4IBPA sa Internasyunal na Makataong Batas at kahit sa Bill of Rights ng Reaksyunaryong Konstitusyon 1987. Dapat panagutin ang 4IBPA sa mga sumusunod na kaso:

1. Enforced Disappearance;
2. Illegal Search and Seizure;
3. Cruel, Inhuman, and/or Degrading Treatment or Punishment;
4. Physical Assault;
5. Torture;
6. Violation of Domicile;
7. Sexual Harassment;

Dapat na kumilos ang mamamayang Mindoreño upang panagutin ang 4IBPA sa krimen nito laban kay G. Kitot at sa kanyang pamilya. Kinakailangang ilitaw si G. Kitot sa lalong madaling panahon upang mabigyan ng atensyong medikal at tulong psychosocial. Kapuri-puri ang paunang hakbangin ng mga lingkod-bayan sa Barangay Panaytayan at sa Sangguniang Bayan ng Mansalay na kagyat na paalisin ang mga berdugong militar sa kabundukan matapos maganap ang karumal-dumal na krimen. Dapat ipursige ang imbestigasyon at kasuhan ang mga sangkot na opisyal hanggang sa pinuno ng 203rd Brigade na si BGen. Jose Augusto Villareal.

Ang kasong ito ay nagpapakita na lalong magpapatuloy at lalala ang paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng ilehitimong rehimeng US-Marcos II, kabaliktaran ng dati niyang pahayag na gumagalang ang kanilang pamilya sa karapatang pantao. Pinanatili nito ang hibang na ahensyang NTF-ELCAC na nasa likod ng kampanyang supresyon sa mga ordinaryong mamamayan. Malaki pa rin ang pondo ng mga berdugong AFP-PNP para sa mga mapanalasang FMO at RCSPO at inuudyukan pa ang patuloy na paghahasik ng karahasan sa ngalan ng pagtapos sa CPP-NPA-NDFP. Katunayan, nagresulta na ito sa pagkamatay ng dalawang sibilyan sa Mindoro: isang menor-de-edad, mula sa pagraratrat ng 76th IB sa bahay ng isang Mangyan-Buhid noong Hulyo 4 sa Sitio Tauga Daka, Brgy. San Vicente, Roxas, Oriental Mindoro; at ni Kapitan Dante Yumanao, isang Mangyan-Batangan, ng Sitio Tiabong, Barangay Ligaya, Sablayan, Occidental Mindoro noong Hulyo 15. Bilang tumatayong Commander-in-Chief ng berdugong AFP, hindi abswelto at dapat ding panagutin si Ferdinand Marcos Jr sa kasalanan nito sa mamamayan!

Asahan ng mamamayan na gagawin ng rebolusyonaryong kilusan ang tungkulin nitong ipagtanggol ang inaapi at pinagsasamantalahan. Magpupunyagi ang mga rebolusyonaryong sa pagsusulong sa digmang bayan na siyang maggagawad ng rebolusyonaryong hustisya sa mga kriminal na militar!

Pagbayarin ang berdugong 4IBPA at 203rd Brigade sa panibagong krimen nito sa mamamayang Mindoreño!
Singilin ang ilehitimong rehimeng US-Marcos II sa kasalanan nito sa mamamayan!

Hustisya para kay G. Kitot!
Militar sa kanayunan, palayasin!

Kasuhan ang berdugong 4th IB sa walang habas na pambubugbog sa inosenteng sibilyan!