Kilalanin at itaguyod ang rebolusyonaryong pamana ni Ka Louie Jalandoni: matatag na tagapagtaguyod ng kapayapaan, rebolusyonaryo!
Bilang pagkilala sa kanyang buong buhay na dedikasyon at mga kontribusyon sa demokratikong rebolusyon bayan, iginagawad ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas ang pinakamataas na pagkilala kay Ka Louie Jalandoni. Hindi kailanman mapapawi ang kanyang mga ambag sa pagbubuo at pagpapalakas ng Partido at National Democratic Front, at sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan, pangunahin sa pamamagitan ng armadong pakikibaka, gayundin sa iba pang mga anyo ng pakikibaka, kabilang ang negosasyong pangkapayapaan.
Pumanaw si Ka Louie ngayong araw. Siya ay 90.
Hindi pangkaraniwan ang naging buhay ni Ka Louie. Ipinanganak siya sa isang pamilya ng malalaking panginoong-maylupa at tagapagmay-ari ng mga tubuhan sa Isla ng Negros noong Pebrero 26, 1935. Sa kabila ng kaginhawaan at pribilehiyong kanyang kinamulatan, nagkaroon si Ka Louie ng malalim na kamalayan sa pulitika sa pamamagitan ng kanyang pakikisalamuha sa buhay at pakikibaka ng mga manggagawang-bukid na walang tigil sa pagtatrabaho sa mga tubuhan sa Negros.
Seryoso niyang niyakap ang prinsipyo ng “pagbibigay halaga sa kagalingan ng mahihirap” bilang gabay sa kanyang buhay. Bilang isang dating paring Katoliko, lumahok siya sa programang “Simbahan sa mga Baryo,” nanguna sa mga inisyatiba sa mga napabayaang komunidad sa kanayunan at personal na naranasan ang masasaklap na reyalidad ng kahirapan, pagsasamantala, at panunupil ng estado. Binago siya ng kanyang gawain sa hanay ng masa at lalo pang nagpatibay ng kanyang paninindigan na kumilos hindi lamang bilang pastol ng pananampalataya, kundi bilang lingkod ng rebolusyon.

Noong Pebrero 17, 1972, gumampan ng susing tungkulin si Ka Louie sa pagtatatag sa Christians for National Liberation (CNL) sa pag-oorganisa sa mga tulad niyang relihiyosong may progresibong pag-iisip, para labanan ang pasistang lagim ng estado ng diktadurang Marcos Sr. Sa asembliya ng pagtatatag nito, nahalal kapwa sina Ka Louie at kanyang asawang si Ka Coni sa National Executive Board. Sa kasunod na buwan, noong Marso 1972, sumali si Ka Louie sa Partido Komunista ng Pilipinas. Ang CNL kalaunan ay magsisilbing isa sa mga alyadong organisasyong tagapagtatag ng NDFP noong 1973.
Nang magdeklara ng batas militar si Marcos, naging bahagi si Ka Louie ng kilusang lihim para labanan ang pasistang diktadura. Siya at si Ka Coni ay naaresto noong 1973 at ikinulong sa Fort Bonifacio. Doon, halos isang taon nakulong si Ka Louie sa isang madilim at walang bintanang selda kasama ang anim o pitong iba pa. Natulak ng serye ng mga protesta at kampanya ng mga relihiyoso at internasyonal na grupo sa karapatang-tao ang rehimeng Marcos na palayain sila noong Hulyo 1974.
Bumalik sa rebolusyonaryong gawain si Ka Louie nang lumaya. Noong 1975, tumulong siya sa pag-oorganisa at koordinasyon sa makasaysayang welga ng mga manggagawa sa La Tondeña sa Maynila–ang unang mayor na welga ng mga manggagawa sa ilalim ng paghaharing militar. Epektibong binasag ng welga ang klima ng takot na dulot ng batas militar at minarkahan ang muling pagbwelo ng serye ng mga pakikibakang masa at malawakang mga demonstrasyon sa huling bahagi ng dekada 1970 at maagang bahagi ng dekada 1980.
Noong 1976, nagpunta si Ka Louie sa ibang bansa para pamunuan ang gawain sa internasyunal na pakikipag-ugnayan para sa Partido at ilantad ang brutal na mga krimen ng diktadurang Marcos. Dahil sa mga banta sa kanilang buhay at katiyakan ng pag-uusig kung sila ay babalik sa Pilipinas, humingi at pinagkalooban ng political asylum si Ka Louie at Ka Coni sa Netherlands—at sila ang naging mga unang Pilipinong nakatanggap nito. Mula sa pagkakadistyero, masigasig na nagtrabaho si Ka Louie upang palakasin ang suporta para sa rebolusyong Pilipino.
Noong Hulyo 1977, pormal na itinalaga si Ka Louie bilang Internasyunal na Kinatawan ng NDFP. Gumampan siya ng mahalagang papel sa pagtatayo ng Internasyunal na Upisina ng NDFP sa Utrecht at sa pag-oorganisa ng pandaigdigang suporta para sa paglaban ng sambayanang Pilipino sa diktadurang US-Marcos. Nagsilbi siyang susing tagapag-organisa ng People’s Permanent Tribunal on the Philippines noong 1980 na naglantad sa malalalang paglabag ng rehimen sa karapatang-tao, at kumilala sa NDF bilang tunay na kinatawan ng sambayanang Pilipino.
Bilang punong kinatawan ng NDFP sa internasyunal na larangan, isinagawa ni Ka Louie ang proto-diplomatikong gawain at nagtatag ng ugnayan sa mga dayuhang gubyerno, internasyunal na ahensya, mga grupo sa pagkakapatiran, at mga rebolusyonaryong kilusan at partido sa buong mundo. Tumulong siya sa pagpapalakas ng tinig ng sambayanang Pilipino sa pamamagitan ng pagpapahayag ng makatarungang adhikain ng rebolusyonaryong kilusan.
Noong 1989, itinalaga si Ka Louie bilang punong negosyador ng NDFP sa negosasyong pangkapayapaan sa Gubyerno ng Republika ng Pilipinas. Sa tungkuling ito, ipinamalas niya ang matibay na paninindigan ng rebolusyonaryong kilusan na makamit ang makatarungan at pangmatagalang kapayapaan—isang kapayapaan na tutugon sa mga ugat ng armadong tunggalian: kawalan ng lupa, kahirapan, at dayuhang pananakop. Sa hindi mabilang na mga yugto ng negosasyon, matatag na tumindig si Ka Louie bilang haligi ng integridad at rebolusyonaryong determinasyon, na palaging iniuuna ang sambayanang Pilipino sa proseso.
Ipinapaabot namin ang aming taos-pusong pasasalamat kay Ka Louie Jalandoni sa pag-alay ng kanyang buhay sa sambayanang Pilipino, sa National Democratic Front, at sa Partido Komunista ng Pilipinas. Habambuhay naming pahahalagahan ang kanyang napakalaking ambag sa pagsusulong ng pakikibaka ng mamamayan para sa pambansa at panlipunang paglaya. Sa aming pagdadalamhati sa kanyang pagpanaw, matibay naming ipinapangako na itutuloy namin ang kanyang pamana ng walang pag-iimbot na paglilingkod, walang hangganang kababaang-loob, rebolusyonaryong integridad, at paninindigan sa paglulunsad ng demokratikong rebolusyong bayan hanggang sa tuluyang makamit ang tagumpay.
Mabuhay ang alala ni Ka Louie Jalandoni!
Ipagpatuloy ang kaniyang dakilang rebolusyonaryong pamana!