Kriminal at oil spill king na si Ramon Ang, pagbayarin!
Panibagong delubyo sa buhay at kabuhayan ang kinakaharap ng mamamayan ng CALABARZON matapos na umabot sa dagat ng Cavite ang oil spill mula sa MT Terranova, MT Jason Bradley at MV Mirola 1 na lumubog sa dagat ng Bataan noong kasagsagan ng Bagyong Carina. Lumobo na sa 31,000 fisherfolks ng lalawigan ang apektado nito. Resulta nito, isinailalim sa state of calamity ang mga bayan ng Kawit, Noveleta, Rosario, Tanza, Naic, Maragondon, Ternate, Cavite City at Bacoor City. Hanggang sa ngayon ay ipinatutupad pa rin ang patakarang “no catch zone” sa buong katubiganan ng Cavite na nagresulta sa pagkaparalisa ng hanapbuhay ng mga mangingisda na umabot na sa humigit-kumulang P17.9 milyong nawalang arawang kita. Bukod dito, iniinda na rin ng mga mangingisda ang pagbagsak ng presyo ng isda sa pamilihan mula P120/kilo tungong P50/kilo dahil sa takot ng mga konsyumer sa kontaminadong isda. Kagutuman ang sinasapit ng 352,179 residente ng mga coastal barangay sa Cavite dahil sa pagkawala ng kanilang kabuhayan.
Matindi ang panganib ng malawakang pagkasira ng marine biodiversity ng bansa dahil sa naganap na malawakang oil spill bunsod ng sunud-sunod na paglubog ng mga oil tanker. Ang MT Terranova ay may lulang 1.4 milyong litrong industrial fuel na katulad ng tumagas na langis sa dagat ng Naujan matapos na lumubog ang MT Princess Empress noong Pebrero 2023. Samantala, ang MT Jason Bradley naman ay may lulang 5,500 litro ng diesel fuel habang ang MV Mirola 1 ay may hindi pa klaradong impormasyon sa dami ng lulan nitong black oil. Maaaring abutin ng daang taon bago makabawi ang nasirang marine biodiversity ng mga apektadong dagat. Tiyak na doble o maaaring triple pa ng tinamong pinsala mula sa Naujan oil spill ang maging epekto ng Bataan oil spill dahil sa dami at iba’t ibang klase ng langis na tumagas.
Kahit pa magbayad ng danyos perwisyo ang San Miguel Corporation (SMC) at iba pang sangkot dito, hindi nito matutumbasan ang naging pinsala nito sa likas-yaman ng karagatan. Habambuhay na pagdurusa para sa mga mangingisda ang pagkasira ng marine biodiversity. Mabilis nitong pababagsakin ang produksyon ng mga mamamalakaya na nagdurusa na sa patuloy na pagliit ng kanilang produksyon dahil sa patuloy na pagkawasak ng mga marine biodiversity bunsod ng mga mapaminsalang aktibidad sa mga karagatan tulad ng reklamasyon at dredging, pagsasanay-militar, pagtatapon ng dumi ng mina, at industrial pollution.
Kung babalikan ang karanasan sa Naujan oil spill dahil sa paglubog ng MT Princess Empress na may lulang 900,000 litro ng industrial fuel, umabot sa P40.1 bilyon ang naging environmental damages na mas malaki ng 800% kumpara sa naging pagtaya ng gubyernong Marcos Jr. Bukod dito, kahit pa idineklarang naalis na ang mga tumagas na langis, patuloy na lumiit ang kita ng mga mangingisda dahil lubhang lumiit ang bolyum ng kanilang huli. Sa pananaliksik ng isang grupong pangkalikasan, kahit na halos 10 buwan na ang nakalipas ay umaabot lamang ng sangkatlo ng dating dami ang nahuhuli ng mga mangingisda dahil apektado ng mga nakalalasong kemikal mula sa langis ang reproduksyon ng mga isda. .
Bukod dito, malaking panganib sa kalusugan ng mamamayan ang tumagas na langis dahil naglalaman ito ng nakalalasong kemikal tulad ng mercury, arsenic at lead. Maaari itong magdulot ng pangangati sa balat, iritasyon sa paghinga at kanser.
Hindi ito ang unang pagkakataon na nasangkot si Ramon Ang at ang SMC sa malalaking oil spill. Si Ramon Ang ang may-ari ng Petron Corporation na ilang beses nang nasangkot sa oil spill. Pinakatampok dito ang Guimaras oil spill noong 2006 kung saan tumagas ang 2.1 milyong litrong langis at ang Cavite oil spill noong 2013 kung saan tumagas ang 500,000 litro ng langis.
Hindi maitanggi kahit ng gubyerno na nagaganap sa bansa ang talamak na oil smuggling dahil sa pag-iwas ng malalaking burgesya kumprador na magbayad ng malaking buwis. Nagkataon lang ba talaga na sa Bataan sunud-sunod na lumubog ang mga naturang oil tanker? Hindi. Batay mismo sa ulat ng PCG, ang lulang cargo ng MT Terranova ay pag-aari ng SL Bulk Harbor Terminal Corp. na isa sa mga subsidiaries ng San Miguel Shipping & Lighterage Corp. na pag-aari ng SMC. Ito rin ang chartered carrier ng cargo na lulan ng lumubog na MT Princess Empress. Kinakasabwat nila ang mga korap na opisyal ng Philippine Coast Guard (PCG) at Philippine Ports Authority (PPA) para mapahintulutan at mailusot ang kanilang mga maanomalyang transaksyon sa karagatan ng Pilipinas. Pilit na pinagtatakpan at inililigtas ng PCG at PPA ang MT Terranova sa pamamagitan ng pagdedeklarang malinis ang dokumento nito habang pinatitingkad ang iligalidad sa naging aktibidad ng MT Jason Bradley at MV Mirola 1. Dagdag pa, ang buong sirkumstansya ng buong paglalayag ng MT Terranova, MT Jason Bradley, at MV Mirola 1 ay kwestyunable dahil walang umaako sa responsibilidad ng pagmomonitor at pagreregularisa ng kanilang mga aktibidad sa dagat. Lumabas sa imbestigasyon na walang deklarasyon na may lamang cargo ang MT Jason Bradley at ang MT Terranova ay ilang araw nang naglalayag mula nang pahintulutan ng PCG noong Hulyo 21. Gayunman, kahit na anong gawing pagtatakip, lumabas mismo sa panimulang imbestigasyon ng DOJ na malaking malamang na may mga “sabwatan” sa likod ng paglubog ng tatlong oil tanker.
Batay mismo sa imbestigasyon ng DOJ, nasa tatlo hanggang limang nautical miles (katumbas ng lima hanggang siyam na kilometro) ang layo ng mga lumubog na oil tanker sa isa’t isa. Kataka-takang nagpumilit pang maglayag sa dagat ng Bataan ang MT Jason Bradley at MV Mirola 1 sa kabila ng malalakas pa ring alon at panganib na dulot ng oil spill mula sa MT Terranova na ilang araw nang naibalitang lumubog dahil sa masamang panahon. Kahit ang gubyerno ay hindi na maitangging maaaring sinadya ang maanomalyang paglalayag at ang mismong paglubog ng mga ito upang iligtas sa malaking pananagutan ang MT Terranova at San Miguel Corp. Hindi kayang pagtakpan ang pananagutan ni Ramon Ang at SMC sa oil spill kahit na paikut-ikutin ang imbestigasyon sa MT Jason Bradley at MV Mirola 1. Isa itong malinaw na krimen sa mamamayan at kalikasan! Dapat na panagutin at pagbayarin si Ramon Ang at ang SMC sa talamak nitong pamiminsala sa buhay at kabuhayan ng mamamayan. Bukod sa pagkakasangkot nito sa oil spill sa bansa, si Ramon Ang din ang nasa likod ng mapanirang reklamasyon sa Manila Bay, pagtatayo ng Wawa-Violago Dam, at mga proyektong “pangkaunlaran” na nagpapalayas sa komunidad ng libu-libong magsasaka at maralitang lunsod. Lumaki ng 400 milyong dolyar ang kanyang net worth sa loob lamang ng isang taon sa ilalim ng rehimeng US-Marcos II.
Dapat ding ilantad at kundenahin ng mamamayan ang kainutilan at katiwalian ng rehimeng US- Marcos II! Singilin ang gubyerno sa hindi nito pagpapanagot sa SL Harbor Bulk Terminal Corp. at San Miguel Corp. dahil sa nangyaring Naujan oil spill. Malinaw na may kriminal na pananagutan ang mga ito dahil sa paglabag sa Fisheries Code (RA 8550 na inamyendahan ng RA 10654) at Clean Water Act (RA 9275). Bukod sa paniningil ng danyos-perwisyo, nararapat lamang na tanggalan ng prangkisa at isakdal si Ramon Ang at ang San Miguel Shipping & Lighterage Corp. dahil sa napakalaking pinsalang idinulot nito sa buhay at kabuhayan ng mamamayan mula pa noong Naujan oil spill! Malupit ang batas ng gubyerno sa maliliit na mamamalakaya habang nakayukod sa malalaking burgesya komprador at mga dayuhang kapitalista na sumisira sa mga karagatan!
Hindi kailanman nagsilbi sa mamamayan ang reaksyunaryong gubyerno. Ang mga ganitong pagpapabaya at kainutilan ng gubyerno ang lalong nagpapatunay sa kawastuhan ng demokratikong rebolusyong bayan na pinamumunuan ng CPP-NPA-NDFP! Nararapat lamang na kumilos ang sambayanang Pilipino at ibagsak ang reaksyunaryong gubyerno! Tanging sa pagpapabagsak sa estado ng naghaharing uri ganap na maitatatag ng mamamayan ang demokratikong gubyernong bayan na tunay na magpoprotekta sa kalikasan at magsisilbi sa interes ng mamamayan!